Uncategorized

Jason Abalos, sa piling ng kanyang ina noong National Heroes Day


Ngayon pa lang ay pinatutunayan ni Jason Abalos na malaki at katangi-tangi ang ginagampanang papel ng isang magulang sa kanyang anak. Alam ba ninyo na nag-iisa lang anak na lalaki si Jason sa apat na magkakapatid? Si Jason Abalos na sikat na sikat at kasama sa nagtatapos ngayong linggong itong “Agua Bendita” ng ABS-CBN? Si […]

Jason Abalos
Jason Abalos

Ngayon pa lang ay pinatutunayan ni Jason Abalos na malaki at katangi-tangi ang ginagampanang papel ng isang magulang sa kanyang anak.

Alam ba ninyo na nag-iisa lang anak na lalaki si Jason sa apat na magkakapatid?

Si Jason Abalos na sikat na sikat at kasama sa nagtatapos ngayong linggong itong “Agua Bendita” ng ABS-CBN?

Si Jason Abalos na nagwagi ng Pinakamahusay na Aktor sa respetadong Urian Awards ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa pelikulang “Endo” ni Jade Castro para sa Cinemalaya Independent Film Festival noong ikatlong taon nito.

Tatlo ang babae na kaputol ng pusod ng aktor—ang isa ay nars na nasa ibang bansa, ang isa ay nasa Maynila at ang isa ay nasa Pantabangan, Nueva Ecija.

Oo, taga-Pantabangan si Jason Abalos na siya rin niyang tunay na pangalan.

***

Nitong Linggo ay nagtungo sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija rin si Abalos kasama ang kapwa niya image model ng Cotton Club na si Ria Garcia.

Ito namang si Ria ay nasa pangangalaga ngayon ng Viva Entertainment ni Veronique del Rosario-Corpuz at nagsimula naman sa Star Magic ng ABS-CBN sa ikalabinlimang sirkulo nito.

Nauna nang dumating si Ria kasama kami nina Terry Cagayat-Bagalso, ang editor ng Book Division ng Atlas Publishing House at ang ina ni Garcia na si Puloy Cadayona.

Nandoon din sa Joel Capulong, ang marketing manager ng Cotton Club.

Maya-maya ay dumating na si Jason kasama ang kanyang handler sa ABS-CBN na si Smile na isa pang titser pero ngayon ay nasa showbiz.

***

Nasa Pouxe Department Store sina Abalos at Garcia para makipagdiwang sa ika-12 taon ng tindahan.

Kumanta at sumayaw sina Jason at Ria.

Alam ba ninyo na tilian at hiyawan ang mga tao lalo na ‘yong mga bagets na magtanghal na ang dalawa?

Ito ay sa katotohanang tubong-Nueva Ecija si Jason na ayon nga sa kanya ay lagi siya sa lugar na ‘yon noong hindi pa siya nag-aartista subalit nagmomodelo pa lamang.

“Dito po ako madalas sa Pouxe. Two blocks lang po at eskuwelahan ko na,” kuwento ni Abalos na mukhang nananabik sa kanyang pagbabalik sa bayang tinubuan.

Nag-aral ng civil engineering si Jason sa Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST pero hanggang ikatlong taon lang siya sa kursong ito dahil inagaw na siya ng show business sa edukasyon.

Gayunman, ang showbiz ay edukasyon din dangan nga lamang at walang ipinamamahaging diploma pagkatapos na matungkab ang maraming impormasyon tungkol sa buhay.

***

Ipinagtapat ni Jason na wala siyang balak mag-artista noon.

Ang gusto lang niya anya ay magmodelo kaya sali siya nang sali sa mga timpalak sa pagtuklas ng mga talent para sa modelling.

Nakita nga siya ni Tom Adrales sa isang modelling search kaya nagkainterest ng tagapagtuklas ng mga talento lalo na’t magaganda’t guwapo.

Mula noon ay hindi na humiwalay si Tom kay Jason hanggang isabak na nga ang bagets sa “Circle of Ten” ni Adrales at doon na nagsimula ang paglantad ng bituin sa mas marami pang tao sa pelikula at telebisyon.

Hanggang nagkahiwalay rin ang landas ng dalawa dahil kinuha nang tuluyan ng Star Magic ang binata at itinali na sa kontrata.

Marami nang nagagawa si Jason sa telebisyon at pelikula at inaasahang mas mahihigitan pa niya ang kanyang nagawa na.

Ngayon ay nagbabalik nga siya sa kanyang lupang tinubuan upang lumingon sa kanyang pinanggalingan.

***

Alam ba ninyo na pagkatapos na pagkatapos ng pagtatanghal ni Abalos sa Poulex ay nagtungo siya sa kanyang munisipyong sinilangan?

Kinabukasan ay National Heroes Day, Lunes, kaya naman walang pasok at wala ring shooting o taping ang batang aktor kaya sinamantala niya ang pagkakataon at lumarga sa Pantabangan.

Nais pa nga niyang isama ang kanyang Production Assistant na si Smile pero anito ay hindi siya handa dahil ura-urada.

Ang kasama lang ni Jason ay ang kanyang tsuper.

Matagal nang hindi napapasyal si Jason sa kanilang tahanan sa Pantabangan.

Dalawang buwan na ang nakakalipas nang huli siyang umuwi sa Pantabangan at ngayon ay lalo pang bumibilis ang tibok ng kanyang puso dahil magkakapiling silang muli ng kanyang pinakamamahal na ina.

***

Para kay Jason, noong Lunes at araw-araw ay bayani sa kanyang buhay ang kanyang ina.

Dangan nga lamang at wala sa Pilipinas ang kanyang ama kundi nasa South Africa at nagtatrabaho roon.

Isang inhenyero ang kanyang ama kaya naman siya ay nangarap ding maging isang katulad nito.

Nais ipagpatuloy ng aktor ang kanyang pag-aaral pero wala nga siyang sapat na panahon para gawin ito.

Gayunman, hindi natin masasabi ang panahon at baka isang araw ay maipagpatuloy ng bituin ang kanyang edukasyong pormal.

Nasa daan pa lang patungong Nueva Ecija ay namili na ng mga pasalubong ang aktor para ibigay sa kanyang mahal na ina.

“Nakauwi pala po pala ako noong bago magsimula ang ‘Agua Bendita.’ Pero matagal na po ‘yon,” pahayag ni Jason na ang guwapu-guwapo at ang macho-macho.

May mga pamangkin na si Abalos kaya namili rin siya ng mga pasalubong para sa mga ito at para sa kanyang kapatid at bayaw.

Kaya nga isang maganda at makabuluhang araw ang ginugol ng aktor sa kanyan buhay.

Dahil naniniwala siyang ang lahat sa atin ay may kabayanihan.