Magsasakang desaparecido ipinanawagang ilitaw

August 31, 2010

Nanawagan noong Agosto 30, Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Tanggol Magsasaka kay Pangulong Aquino na ilitaw ang mga lider-magsasaka at aktibistang biktima ng sapilitang pagkawala tulad nina Nilo Arado, Jonas Burgos, Ronald Intal at Manuel Merino. Ang mga biktima ay dinukot ng pinaghihinalaang elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panahon ng administrasyong Arroyo.

Idinagdag ng KMP na ang pagkawala ng naturang mga biktima ay may kaugnayan sa Oplan Bantay Laya (OBL) ang programang kontra-insurhensiya ni dating Pangulong Arroyo na ngayon ay ipinagpapatuloy ng administrasyong Aquino.

“Nananawagan kami kay Aquino na aksiyunan ang pagpapalitaw sa mga lider-magsasaka at aktibista at protektahan ang karapatang pantao sa bansa. Kung hindi niya kayang protektahan ang karapatan ng kanyang mga kababayan, lalong hindi niya magagarantiyahan ang kaligtasan ng mga dayuhang turista tulad ng mga napatay sa hostage crisis noong Agosto 23 sa Maynila,” ayon kay Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Si Arado, pangkalahatang kalihim ng Pamanggas-Panay, ay dinukot noong Abril 12, 2007 sa Iloilo habang si Burgos, isang trainor ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan ay dinukot noong Abril 28, 2007 sa isang mall sa Quezon City.

Samantala, si Intal, isang kabataang lider-magsasaka sa Hacienda Luisita, ay dinukot noong Abril 3, 2006 sa panahon ng panunungkulan ni Jovito Palparan sa Northern Luzon Command sa Tarlac. Si Merino naman ang magsasakang nagtangkang tumulong kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño nang dukutin ang mga ito sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006.

Sinabi ng KMP na wala pang militar na napaparusahan hanggang ngayon sa kabila ng testimonya ng mga testigo. Hindi pa rin umano umaaksiyon ang administrasyong Aquino hinggil sa desaparecidos kaya patuloy ang paglabag sa karapatan ng mga aktibista sa buong bansa. Sa halip, lalo pa umano itong lalala dahil sa ekstensiyon ng Oplan Bantay Laya, ang programang itinuturo ng mga aktibista bilang salarin sa pagpaslang sa kanilang hanay.

Sa panunungkulan ni Aquino, napaslang si Pascual Guevarra, isang matandang magsasaka mula sa Magsaysay Military Reservation sa Laur, Nueva Ecija, na matagal nang nakikibaka para sa lupa. Binaril siya sa kanyang bahay noong Hulyo 9, 2010.

“Nanawagan kami kay Aquino na agad na umaksiyon, at huwag maging malambot sa pagpaparusa sa militar at pulis na umaabuso sa mamamayan. Nananawagan kami na ilitaw ang mga biktima ng sapilitang pagkawala at katarungan para sa mga biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao,” sabi pa ni Flores.