Uncategorized

Sina Junjun Binay at Robin Padilla sa buhay ni Kris Aquino


Bagamat mas malamang ay si Junjun Binay na ang nagmamay-ari ng puso ni Kris Aquino, hindi matatawaran ang lilikhaing makukulay na kuwento sa pagitan ni Kris at ni Robin Padilla. Ngayong magkasama sina Kris at Robin sa “Pilipinas Win na Win” ng ABS-CBN, hindi maikakailang marami ang nag-iisip na ano kaya, magbalikan kaya ang matamis […]

Bagamat mas malamang ay si Junjun Binay na ang nagmamay-ari ng puso ni Kris Aquino, hindi matatawaran ang lilikhaing makukulay na kuwento sa pagitan ni Kris at ni Robin Padilla.

Ngayong magkasama sina Kris at Robin sa “Pilipinas Win na Win” ng ABS-CBN, hindi maikakailang marami ang nag-iisip na ano kaya, magbalikan kaya ang matamis na pagtitinginan ng dalawa?

Hindi nga ba’t nagkaroon ng romansa sina Aquino at Padilla noong mga unang taon ng 1990s.

Ayon sa panghabambuhay na manager ni Binoe na si Deo Fajardo, Jr., alam niyang nagkaroon ng relasyon ang kanyang alaga at si Kris pero hindi na niya maalala kung kailan ito nagsimula at kung nagkaroon nga ba ito ng tuldok.

“Ang alam ko lang, naging magsyota sila pero wala akong alam na nag-break sila,” pahayag ni Deo na punumpuno ng talinghaga.

***

Kasi nga’y si Fajardo, Jr. ang isa sa mga taong naglapit sa mga puso’t kaluluwa nina Kris at Robin at naaalala niya ang mga nagdaan.

“I am happy for Kris and Robin. They’re back to each other’s arms. Ang ganda. Sila naman talaga ang nagsimula ng mga ganyan sa TV. ‘Yong mga program na ganyan na kahit na sitcom o drama, klik talaga sila,” pahayag ni Fajardo.

Nagkakilala ang dalawa sa pamamagitan ni Inday Badiday nang Reyna pa ng Intriga ang namayapang TV host.

Nang naggi-guest si Kris sa mga programa ni Inday, talagang puspusan ang panliligaw ni Robin sa kanya sa pamamagitan ng salita.

“Alam mo naman si Robin, sa salita lang ‘yan nakakapanligaw,” sabi ng manunulat na ngayon ay direktor na.

***

Ayon kay Deo, tingnan na lang natin kung magkakabalikan pa sina Aquino at Padilla ngayong si Binay ang laging sinasambit ng aktres.

Pero ang pagsasama nila sa araw-araw sa palatuntunan ay maaaring magbigay ng ibang kahulugan sa kanila.

Kaya nga nakamata sa kanila ang publiko.

Pati na si Fajardo ay nand’yan lang at dinadalumat ang mga bagay-bagay sa kanyang paligid kabilang ang paligid nina Robin at Kris.

Si Junjun ay isang pulitiko, may kapangyarihan at posisyon sa pananatili ng kapangyarihan sa pulitika at ang mga awtoridad ang malalapit sa puso ni Kris o kaya naman ay mga lalaking may pangalan sa larangan.

Hindi kataka-takang mahulog ang loob ng bituin kay Binay dahil marami silang bagay na pinagsasaluhan.

***

Bagamat ang nababalitang syota ni Robin ay si Mariel Rodriguez na kasama rin nina Robin at Kris sa “Pilipinas Win na Win,” ang pag-ibig ay mapagbiro lalo na sa mga hindi inaasahang parte ng buhay.

Sinong makapagsasabi kung ano ang mga nakalaan sa pagsasama-sama nina Mariel at Kris at Robin?

Magtagal kaya ang pagmamahalan nina Binoe at Rodriguez?

Ngayong si Kris ay nasa kanilang piling at magbangon ang mga nakaraan sa kanila ni Binoe, ano ang mga puwedeng mangyari?

Ngayon pa naman na si Kris ay humihingi na ng opisyal na pakikipaghiwalay kay James sa hukuman.

Nakalaan na ang aktres na tugaygayin ang landas na sa kanyang palagay ay makapagbibigay ng karangalan para sa kanya upang maipaglaban ang kanyang mga karapatan bilang babae.

At si Robin naman ay nakipagdiborsyo na kay Liezl Sycangco sa Australia.

Talagang ang mga kabanata ng kanilang buhay ay sukat na naghuhugpungan sa isa’t isa.

***

Nagmumuni-muni at naglilitanya nga si Deo sa nakaraan nina Robin at Kris lalo na nang may kasangkot pang Richard Gomez sa kanilang buhay.

Hindi nga ba’t nagkaroon din ng relasyon sina Richard at Kris.

Nang makalipas ang ugnayan nina Kris at Richard, pumasok na sa eksena si Robin.

May isa pang karakter sa buhay nina Kris, Richard at Robin na mahalagang balikan at sanligan ng katotghanan at siya ay walang iba kundi si Melissa Perez-Rubio na anak ni Maita Gomez, ang beauty queen na namundok at naging amasona sa pagpapalaya ng bayang Pilipinas.

Nagkaroon ng relasyon sina Melissa at Robin gayundin sina Melissa at Richard kaya naman mas kumukulay pa ang drama sa tunay na ito.

Isang umaga ay nagtungo sina Richard at Robin sa opisyal na tahanan ng presidente ng Pilipinas noon.

Ayon kay Deo, sa bahay ni President Corazon Aquino sa Arlegui nagkita-kita sina Richard at Robin.

“May swimming pool do’n sa little Malacañang na ‘yon. Hindi nga pinapasok sina Maristela (Fontanos), Nene (Aguilar) at Unggay na mga staff ni Ate Luds (tawag at palayaw kay Inday dahil Lourdes Carvajal ang kanyang tunay na pangalan). Kasi, ang nakalagay lang sa appointment ay kami nina Rob in.

“Ang kasama ni Richard ay si Douglas Quijano. Kasi, manager ni Richard si Douglas. E, kasi, may aayusin kaming problema no’n sa pagitan nina Richard at Robin.

“Aba, di siyempre, sosyalan kahit konti lang kami. Batian. Hanggang bigla na lang, may nagsuntukan. Sina Richard at Robin na talaga. Tapos, ‘yong mga maids ni Kris, nagtititili na. Nanghihingi na ng tulong. Si Kris, hindi makapaniwala na may nangyayaring gano’n.

“Kami rin ni Douglas, hindi kami makapaniwala sa nakita namin. Si President Cory naman, biglang nakita ‘yong nangyayari. Sabi niya kay Kris, ‘they punching each other.

“Sabi naman ni Kris, ‘Mom, umaarte lang sila.’ Hanggang mapatunayan na nagsusuntukan na nga sina Richard at Robin. Mabuti na lang at nando’n si President Cory. Siya ang nag-patch up sa dalawa. Naku, hindi ko makakalimutan ‘yong nangyaring ‘yon,” kuwento ni Deo.

***

Hindi rin makakalimutan ni Fajardo, Jr. ang naganap naman sa Star Olympics sa ULTRA makalipas ang madugong insidenteng ‘yon.

Aba’y nasa Baguio City sina Deo at Robin at nagsu-shooting ng “Ang Utol Kong Hoodlum Part 2.”

“Nando’n si Maristela. Alam mo naman si Maristela na close na close ‘yan kay Robin. Ang daming dalang magazine at newspaper ni Maristela. Tapos, sabi niya kay Robin, ang dami raw nakasulat tungkol sa kanya.

“May ipinabasa si Maristela kay Robin na lampa raw si Robin, sabi ni Richard. Aba, wala pang isang minuto, sabi sa akin ni Robin na saglit lang daw. Malaman-laman ko, bumaba na ng Maynila si Robin.

“’Yon, nagpunta siya sa Star Olympic at do’n, nagsuntukan na naman sila. Nakakaloka talaga ang nangyaring ‘yon sa kanila. Hindi ko ma-imagine kung ano ang mga nasa isip nila,” walang kagatul-gatol na salaysay ni Dikong, palayaw ni Fajardo na gumagawa ng isang bold indie movie na tampok sina Victoria Kurt na ngayon ay Victoria Varga na ang screen name at Chico Escudero.

“Lagkit” ang pamagat ng obra ni Deo para kina Victoria at Chico kasama rin si Lorraine Lopez.

***

Kaya ngayon ay aligaga ang mga tao sa pagsubaybay sa mga magaganap sa pribadong buhay nina Kris, Robin, Mariel at James.

Nakakaladkad pa sa kontrobersya ang Korean na TV personality sa ating larangan ng telebisyon na si Grace Lee.

Si Grace umano ang ipinalit ni James kay Kris.

Samantala, marami ring umiikot na bersyon na nakabuntis ng isang babae si James kaya talagang hiniwalayan na ni Kris ang basketball player.

May nagsasabi naman na nagkomprontasyon sina Aquino at Yap at nasabi ng basketbolista ang kanyang nararamdaman sa kanilang ugnayan ng kapatid ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III o makilala sa tawag na Noynoy Aquino o P-Noy.

May nasabi umano si James na nakasakit sa damdamin ni Kris.

Kaya ngayon ay hindi na nagtatago ang aktres ng kanyang tunay na nararamdaman bagkos ay ipinapahayag niya nang walang patumangga.

***

Ang “Pilipinas Win na Win” naman ay talagang lalo pang nag-uumigting sa pakikipagtalamitam sa masang mahiligin sa ala suwerte at mga premyong laway o boka lang ang puhunan.

Ngayon ay susukatin din hindi lang ang opisyal na pagganap ng mga taga-”Pilipinas Win na Win” kundi ang katuturan ng programa sa buhay na personal nina Robin, Kris at Mariel.

Sana naman ay maging kaiga-igaya ang lahat na ibubuga ng programa.

Kasi nga’y may mga pumupuna na kay Kris ngayon pa lang kaugnay sa kanyang mga ipinagtapat tungkol sa kanila ni Junjun.

Pero nananatiling tikom ang bibig o kaya naman ay mapagpaliwanag si Aquino sa bawat detalye ng kanyang mga kilos at pananalita.