Balitang Global

Masaker ng migranteng manggagawa sa Mexico kinondena


Kinondena ng International Coordinating Committee at lahat ng miyembrong organisasyon ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang pagmasaker sa 73 migranteng manggagawa mula iba’t ibang bansa ng Latin America at nanawagan ng masusing imbestigasyon at katarungan para sa mga biktima.

ILPS logoKinondena ng International Coordinating Committee at lahat ng miyembrong organisasyon ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang pagmasaker sa 73 migranteng manggagawa mula iba’t ibang bansa ng Latin America at nanawagan ng masusing imbestigasyon at katarungan para sa mga biktima.

Ang naturang masaker ay naganap sa Tamaulipas, Mexico malapit sa border ng US noong Agosto 23-24. Kabilang sa mga minasaker na migrante ang 21 mula sa Honduras, 16 mula sa El Salvador, anim mula sa Guatemala, lima o anim mula sa Ecuador at isa o dalawa mula sa Brazil. Ayon sa isang Ecuadorian na nakaligtas sa masaker, 76 ang lahat ng biktima.

Kabilang rin sa nakaligtas ang isang Honduran, na nasa kustodiya ng awtoridad ng Mexico, isang Salvadoran na nasa kustodiya naman ng US immigration at isa pang Honduran na napaulat na bumalik na sa kanyang bansa.

Ang Tamaulipas ang pinakamilitarisadong rehiyon sa Mexico. Ito rin ang may pinamaraming tropang Mexicano at maraming harang sa kalsada. Ayon kay Jose Maria Sison, internasyunal na tagapangulo ng ILPS, pinopondohan ng US Merida Initiative ang naturang militarisasyon, na ipinadron sa Plan Colombia. Layunin umano ng militarisasyon na labanan ang drug trade at para rin pigilan ang mga migranteng mangagagawa na tumawid mula Mexico tungong US.

Sinabi pa ni Sison na mahigit 60,000 migrante ang nawala sa loob ng nakalipas na limang taon at mahigit 10,000 naman ang nawala sa loob ng anim ng buwan noong 2009. Batay rin ito sa imbestigasyon at ulat ng iba’t ibang entidad tulad ng National Human Rights Commission ng Mexico, Amnesty International, Diocese of Saltillo, Miguel Agustin Pro Human Rights Center, ng indipendyenteng Father Nieto at iba pa.

Kinatatakutan na umano ang Tamaulipas dahil sa naging lugar na ito ng puwersahang pagkawala, masaker at mga walang markang libingan. Ayon kay Sison, isa itong bitag na nilikha ng mga gobyerno ng US at Mexico para paslangin ang mga migranteng manggagagwa na desperadong pumasok sa US, dahil na rin sa pagkawala ng kanilang kabuhayan sa sarili nilang mga bansa sa ilalim ng patakarang neoliberal na globalisasyon ng US.