Anong magagawa ni Jolo Revilla bilang batang pulitiko?

October 28, 2010

Sa isang bansang itinuturing na mahalaga at impluwensiya ang pamamarali sa pulitika, ang pagwawagi ni Jolo Revilla bilang isang kapitan ng barangay sa Cavite ay malaking pagdalumat.

Kahit nga inaaring mababa at maliit lang ang posisyon ng isang barangay captain sa pananaw sa pangkalahatang pagkakahalayhay ng kapangyarihan at kone-koneksyon ng iba pang inihahalal na opisyal sa ating lipunan, ang tradisyon at kahalagahan nito ay hindi maisasaisantabi bilang ugat ng lahat ng pulitikal na gawain.

Ang pulitikang barangay ang pinakatahanan ng lahat ng pulitikal na hitsura at hilatsa ng pakikipag-ugnayang sosyal, kultural, teknolohikal at iba pang sangay ng buhay.

Upang lalo pang malinawan at maliwanagan kahit na pampaalala lang o pang-ilustrasyon ng papel na ginagampanan ng barangay ay ihain natin ang sitwasyon at kaso ni Jolo bilang artista, anak nina Ramon “Bong” Revilla, Jr., isang senador ng bayan at Lani Mercado na isang kongresista, pamangkin ni Strike Revilla na alkalde ng Bacoor, Cavite, ama ng anak ng anak ni Rosanna Roces at iba pa niyangng karakter na publiko at pribado.

***

Sa panahon ng kampanya, sinabi ni Jolo na nais niya talagang maglingkod sa pamayanan mula sa isang maliit at simpleng barangay sa Cavite hanggang sa kung anuman at saanman niya nais maluklok sa pagdaraan ng panahon.

Ayon sa batang aktor, hindi na nga bago sa kanya ang larangan ng pulitika dahil dito na siya lumaki tulad na lang nang siya ay sumasama-sama sa mga proyekto ng kanyang ama nang ito ay bise-gobernador pa lamang hanggang maging gobernador at ngayon ay miyembro ng Senado.

At ngayong nahalal na siya ay kalangkap na siya sa proseso ng sosyo-pulitikal na pasikut-sikot sa ating sosyedad.

Tauhan na si Revilla noon at ngayon sa paglala at paglikha ng kung ano ang magaganap sa lipunan.

***

Bilang tagapangulo ng barangay, makikipagpag-ugnayan si Jolo sa iba pang mamamayan ng lugar at dahil personal at lokal ang pangangailangan sa barangay, personal din at lokal si Jolo pero siya ay magiging pribado rin, panlalawigan, rehiyunal at nasyunal.

Makikipagtalamitam si Jolo sa mga mas matataas na opisyal sa kanyang lugar tulad ng mayor, konsehal, bukal, kongresman, gobernador, bise-gobernador, senador at maging sa bise-presidente o sa presidente ng Pilipinas.

Maging sa mga pribadong organisasyon na nagtatangka at naglalayon din na makatulong, makabahagi, makapartisipasyon at makasali kundi man makatunggali ay makikipagsalimbayan at makikipag-ugnayan si Jolo.

Pero bilang tao ay may mga motibo at intensyon din si Revilla hindi lang para sa kanyang sarili kundi para sa mga taong may direktang kaugnayan sa kanya, personal man o propesyunal lang.

Ang isang lider ay naghahangad hindi lang ang kaunlaran ng kanyang nasasakupan at sa mahahayon pa ng kanyang pakikipagtalamitam sa iba pa kundi ang kanya ring pag-usad at progresibo sa maraming bagay.

***

Siyempre’y nakabaon sa utak ni Jolo na ang kanyang serbisyo publiko ay para ring pagganap niya sa showbiz, ang kasiyahan ng mga tao tagasubaybay pero paano naman ang pagsaya niya mismo?

Dito na pumapasok ang pagyakap ng isang pulitiko tulad ng isang barangay chairman sa pagpapaligaya sa sarili at saan niya makakamtan ang mga ito?

Ang pagsunod sa kanya bilang lider ay isa sa mga bukal ng kaligayahan at ang pakikipagtrabaho sa mga iba pang lider sa maraming antas ng kamalayan at pamayanan ay magdudulot ng mga biyaya sa kanya, materyal man o hindi.

At ang pamumuno sa barangay ay hindi lang ang pagbibigay ng abuloy pag may namatayan o pagnininong sa kasal o binyag o pagsama sa pag-apula ng sunog o pag-aresto o pagsama sa pag-aresto sa mga suspek o criminal sa lugar o pagtulong sa panahon ng kalamidad at apekto ang hurisdiksyon nito.

Bukal din ang pabuya sa pangangasiwa ng isang barangay ay mga grasya na mula sa lokal, rehiyunal at pambansang pamahalaan pero depende rin ito—bagamat may batas o mandamyento na suportang pera o materyal sa pangasiwaan ng barangay—sa pakikipaglaro ng isang kapitan sa iba pang pulitiko o negosyante sa komunidad o anuman at sinumang kapangyarihan sa pinakamababa o pinakagitna at pinakamataas na antas na may kanya-kanyang kulay na pulitika, kaekekan, oryentasyon, pananalig kasama na ang relihiyon at iba pang kumpigurasyon.

Makikipaglaro ba si Jolo na ang bunga at resulta nito ay para sa kapakanan ng mas nakararami o para lang sa kanya at sa kanyang mga poprotektahan ang interest na sa katuusan din ay maitatanong kung ang mga naisin nila ay para sa mas nakararami o para sa iilan?

***

Napapanahon din ang tanong na ito sa iba pang mga taga-showbiz na kandidato o nanalo sa nakalipas na eleksyon ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan.

Si Wynwyn Marquez na anak nina Alma Moreno na aktres at konsehal ng Parañaque City at Joey Marquez na dating mayor ng nasabing lunsod.

Bagamat malakas sa botante ang kabataang si Wynwyn ay malalaman kung maibabalik niya sa mas nakararaming kabataan ang kanyang paglilingkod hindi lamang sa pagpapahakot ng basura sa paligid o sa pananatiling luntian o malinis ang mga kalye at estero o entresuwelo ng kanyang masasakupan.

Malakas din si Jeremy Marquez, anak ni Joey sa ibang babae, bilang barangay captain sa Parañaque City.

Tulad ng ibinatong tanong kay Jolo at Wynwyn, para kanino ang pagiging kapitan ni Jeremy bukod sa pag-ikot niya sa kanyang distrito at pagbibigay ng dental at medical mission?

Paano na ang relasyon ng mga residente sa kanilang karapatan at tungkulin bilang mga manggagawa sa mga pabrika o upisinang pinagliligkuran nila na nakatirik sa kanilang teritoryo?

Sasama ba sina Revilla at ang magkapatid sa amang Marquez sa pakikipaglaban ng mga uring manggagawa o obrero sa pagtindig at pagsandig sa mga karapatan para tumaas ang sahod ng mga trabahador na bumoto o hindi bumoto sa mga batang lider na ito?

O ang mga problema ba sa barangay hall tulad ng napapanood natin sa “Face-to-Face” ni Amy Perez sa TV5 na bangayan ng mga residente sa isang lugar ay mananatili at mapapako lang ang diskusyon at pagtatalo sa domestikado halimbawa’y sa pagtatalo sa pagdumi ng balon sa paglalaba o pang-aagaw ng asawa ng may asawa at hindi sa mas malawak na mundo kaugnay ang relasyon ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pagti-tong-its ng mga mamamayan lalo na sa mahihirap na lugar o ang pangangaliwa ni mister o pag-aaway ng mga bakla nang dahil sa lalaki?

Ispiritwal, sikolohikal, legal, sosyolohikal lang ba ang implikasyon ng mga suliranin sa barangay na tututukan nina Jolo, Wynwyn at Jeremy?

Paano na ang koneksyon ng problemang domestikado sa konsyumerismo?

***

Ayon kay Dan Alvaro, kumandidato siya bilang kagawad ng Barangay San Agustin sa Novaliches dahil nais niyang makatulong sa kanyang mga kasama sa lunan na ‘yon.

Magtatatag anya siya ng mga acting workshop o palihan sa pag-arte, pagsasanay sa sayaw, awit at iba pang sining.

Tumakbo rin anya siya dahil nais niyang manatili sa sirkulasyon at makamtan lagi ang pagtangkilik kundi man paghanga at pakikipagtalamitam sa mga tao lalo na ngayong walang masyado o wala talagang gumagawa na ng action movies.

Hanggang sa mga sandaling sinusulat ito ay nagbibilangan pa sa presinto kung saan malapit ang barangay ni Dan.

Maitatanong din kay Alvaro ang paghamon kina Wynwyn, Jolo at Jeremy kung gaano kahaba ang pagkandili nila sa mas nakararaming Filipino sa kanilang lugar na naghihikahos.

***

Tingnan natin kung ano ang magagawa ng “maliliit” o punggok na sina Dagul at Kuhol bilang mga kagawad ng barangay sa Lalawigan ng Rizal at sa Lunsod ng Quezon, respectively o ayon sa pagkakasunud-sunod.

Sabi nila’y walang hadlang sa kung ang tao ay pandak o midget bastat may magagawa sila para sa kapwa.

Abangan natin ang klase ng kanilang pamumulitika kung tradisyunal o progresibo’t para sa masa o sa katarungan at kalayaan.

Tingnan muli natin kung ano ang magagawa ni Jigo Garcia sa kanyang dating pinaghariang barangay sa Quezon City.

Maging ang peryodistang pampelikula na si Gary Sta. Ana ay naglakas ng loob na tumakbong kagawad ng barangay at ano ang kanyang magiging kontribusyon sa pagbabago ng bulok na sistema ng lipunan para umangat naman ang ating pamumuhay?