Pangangalaga ng karapatan ng call center agents nais isabatas ng Kabataan


Suportado ng call center agents o mga manggagawa sa industriya ng business process outsourcing (BPO) ang panukalang batas ni Kabataan Rep. Raymond Palatino na House Bill 2592 o Business Processing Overseas (BPO) Workers Welfare & Protection Act.

Pakikipagkonsultasyon ni Kabataan Rep. Raymond Palatino sa <i>call center agents</i> hinggil sa kanyang panukalang batas na mangangalaga sa kanilang mga karapatan. (Kontribusyon)
Pakikipagkonsultasyon ni Kabataan Rep. Raymond Palatino sa call center agents hinggil sa kanyang panukalang batas na mangangalaga sa kanilang mga karapatan. (Kontribusyon)

Suportado ng call center agents o mga manggagawa sa industriya ng business process outsourcing (BPO) ang panukalang batas ni Kabataan Rep. Raymond Palatino na House Bill 2592 o Business Processing Overseas (BPO) Workers Welfare & Protection Act.

Sa isang konsultasyon ng Kabataan Party-list sa call center agents kamakailan, sinabi ng huli ang pangangailangang magkaroon ng batas para siguruhing di nasasagasaan ang karapatan ng mga empleyado ng mga kompanya ng BPO.

Nakisalo ang kabataang representante sa ikalawang roundtable discussion ukol sa kagalingan at karapatan ng call center agents na ginanap noong Oktubre 13 sa Greenbelt Mall, Makati City. Sa limang call center locations, pinakamarami sa 24 kinatawan ang nanggaling sa Makati, habang ang iba naman ay nanggaling pa sa Maynila at Quezon City.

Hiniling din ng mga empleyado na maisabatas ang kanilang karapatan sa “freedom of association,” dahil wala umanong espasyo o grupo sa mga kompanya nila upang ipahayag ang kanilang kalagayan bilang empleyado.

Kawalan din ng karapatan para sa pag-oorganisa ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit hindi epektibong nalalabanan ng call center agents ang malawakang kontraktuwalisasyon sa kanilang hanay.

Tinalakay din sa diskusyon ang iba’t iba pang aspekto ng kanilang trabaho, tulad ng kanilang kalagayang pangkalusugan, ang usapin ng regularisasyon sa gitna ng kasalukuyang kalagayan, at sistema ng trabaho sa loob mismo ng kanilang mga pinagtatrabahuan. Tinalakay din ang kalagayan nila sa sahod at paghahati sa kita ng kompanya (profit sharing) at ilan pang isyu sa dagdag-trabaho at pagtatrabaho nang lagpas na sa takdang oras (overtime).

Ilang porma ng kampanya at inisyatiba ang naisaad ng mga dumalo para iusad ang HB 2592 ang binanggit sa diskusyon. Kasama rito ang pag-iikot ng mga decentralized at clustereed na diskusyon sa kani-kanilang mga lugar, pagsusuot ng t-shirt ukol sa panukalang batas.

“Hindi pa naman siguro sila tutungo (agad) sa pagtatayo ng unyon sa mga usapan na ito, pero alam naman natin na makabubuti sa ating mga manggagawa sa BPOs ang pag-uunyon. Dito makaatutulong ang batas na ipapasa natin,” paliwanag ni Palatino.

Isa pang diskusyon ang pinaplano sa Cubao upang maabot ang iba pang call center locations na malapit sa Quezon City.