Balitang Global

Libu-libong Europeo, nagprotesta sa pagtitipid ng gobyerno


Umabot sa 100,000 mamamayan mula sa iba’t ibang unyon sa buong Europa ang nagprotesta noong Setyembre 29 sa Brussels, Belgium laban sa matinding pagtitipid na ginagawa ng kanilang mga gobyerno sa nakaraang mga buwan. Nagprotesta sila para sabihin sa European Union (EU) na hindi nila babayaran ang bailout ng nabangkaroteng mga bangko. Nangangahulugan ang bailout […]

Protesta ng mga mamamayan ng France laban sa austerity measures (Le Telegramme)
Protesta ng mga mamamayan ng France laban sa austerity measures (Le Telegramme)

Umabot sa 100,000 mamamayan mula sa iba’t ibang unyon sa buong Europa ang nagprotesta noong Setyembre 29 sa Brussels, Belgium laban sa matinding pagtitipid na ginagawa ng kanilang mga gobyerno sa nakaraang mga buwan.

Nagprotesta sila para sabihin sa European Union (EU) na hindi nila babayaran ang bailout ng nabangkaroteng mga bangko. Nangangahulugan ang bailout ng malalaking kaltas sa serbisyong publiko na umaabot sa 200 Bilyong euros.

Kinaltasan ng mga gobyerno ng EU ang sahod, pensiyon at iba pang benepisyo ng mga manggagawa para mabalanse umano ang kanilang badyet.

Ayon sa mga unyon na nanguna sa protesta, pinapasan ng mahihirap na mamamayan ang “krisis ng kapitalismo,” habang naliligtas ang mayayaman at malalaking korporasyon.

Nagkaroon na rin ng mga demonstrasyon sa Greece, Italy, Ireland at Latvia, kung saan iginigiit ng mga unyon ang seguridad sa trabaho, mas mainam na pensiyon, at maasahang serbisyong publiko.

Ipinoprotesta naman ng mga taga-Paris ang plano ng gobyerno nito na itaas ang edad ng pagreretiro mula 60 tungong 62 taong gulang.

Sa Espanya, naglunsad ng 24 oras na welga ang mga manggagawa, na pumaralisa sa transportasyon sa buong bansa.

Ang pagtitipid ay hakbang ng mga gobyerno para makontrol ang pinansiyang pampubliko, dahil maraming bansa ang hindi pa makabangon sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya dulot ng krisis sa US noong 2008. Gayunpaman, maraming ekonomista ang naniniwalang maliit lamang ang magagawa nito para maibsan ang krisis.