Lider-manggagawa pinalaya matapos mapatunayang walang sala


Matapos ang mahigit tatlong taong pagkabilanggo, inutos ng korte noong Oktubre 13, 2010 na palayain na ang lider-manggagawa at nominee ng Anakpawis Party-list na si Vincent “Bebot” Borja mula sa Tacloban City Jail. Matatandaang noong Mayo 7, 2007, inaresto si Borja ng mga elemento ng 19th Infantry Battalion sa bisa ng warrant of arrest para […]

Matapos ang mahigit tatlong taong pagkabilanggo, inutos ng korte noong Oktubre 13, 2010 na palayain na ang lider-manggagawa at nominee ng Anakpawis Party-list na si Vincent “Bebot” Borja mula sa Tacloban City Jail.

Matatandaang noong Mayo 7, 2007, inaresto si Borja ng mga elemento ng 19th Infantry Battalion sa bisa ng warrant of arrest para sa isang “Tata Borja”. Ikinulong siya sa Ormoc City at kalauna’y inilipat sa Tacloban City Jail at sinampahan ng kasong pagpatay.

Sa pagdinig ng Regional Trial Court Barnch 8, pinatunayan ng mga saksi na hindi si Borja ang tinutukoy na “Tata Borja” sa naturang kaso kaya walang nagawa ang korte kundi palayain siya.

Ayon sa Katungod-Sinirangan Bisaya, ang pag-aresto kay Borja at sa iba pang detenidong pulitikal sa buong bansa ay resulta ng implementasyon ng Oplan Bantay Laya II, na siyang may kagagawan ng paggawa at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lider at kasapi ng progresibong mga organisasyon at party-list.

Sa kasalukuyan, may 15 detenidong pulitikal sa naturang rehiyon, anim sa mga ito ang babae.

Sinabi pa ng Katungod-SB na ang pagpapalaya kay Borja ay nagpapatunay lamang na madidismis din ang mga gawa-gawang kasong ito. Hindi rin umano mapapatahimik ng OBL at susunod pang mga kontra-insurhensiyang programa ng gobyerno ang mga mamamayang lumalaban para sa karapatang pantao, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.