Manggagawa sa pinakamalaking plantasyon ng palm oil, nagwelga
Iniulat ng National Federation of Labor Unions (Naflu) na nagwelga ang mga manggagawa ng Filipinas Palm Oil Plantation, Inc., (FPPI) ang pinakamalaking plantasyon ng palm oil sa bansa, dahil sa pambabarat umano ng manedsment sa dagdag-sahod na hinihingi ng mga manggagawa. “Minamarkahan ang unang 100 araw ni Noynoy Aquino ng pagputok ng mga labor dispute. […]
Iniulat ng National Federation of Labor Unions (Naflu) na nagwelga ang mga manggagawa ng Filipinas Palm Oil Plantation, Inc., (FPPI) ang pinakamalaking plantasyon ng palm oil sa bansa, dahil sa pambabarat umano ng manedsment sa dagdag-sahod na hinihingi ng mga manggagawa.
“Minamarkahan ang unang 100 araw ni Noynoy Aquino ng pagputok ng mga labor dispute. Tiyak na darami pa ang mga ito kapag itinuloy niya ang kanyang polisiyang wage freeze at pagsupil sa kilusang paggawa,” ayon kay Tony Pascual, pangkalahatang kalihim ng Naflu-Kilusang Mayo Uno (KMU).
Nagpiket ang grupo sa opisina ng FPPI sa Paseo de Roxas, Makati City kaninang umaga bilang suporta sa welga ng mahigit 1,000 manggagawa ng FPPI na ipinutok noong Lunes, Oktubre 4.
Matatagpuan sa Agusan del Sur ang 8,429 ektaryang plantasyon ng FPPI. Sinasaklaw nito ang 30 porsiyento ng mga plantasyon ng palm oil sa bansa.
Kontraktuwal ang karamihan sa mga manggagawa ng kompanya, na binubungkal ang lupa at pinoproseso ang produktong pang-eksport.
Ayon sa Naflu-KMU, P4 kada araw lamang ang ibinibigay na manedsment na dagdag-sahod, habang P130 hanggang P150 ang hinihingi ng mga manggagawa.
Ayaw din umanong ibigay ng manedsment ang 25 tipo ng benepisyo, gaya ng night differential pay at hospitalization insurance, na ipinaglalaban ng mga manggagawa sa kanilang collective bargaining agreement (CBA) simula Pebrero ngayong taon.
Dahil sa deadlock sa CBA, nagsampa ang Filipinas Palm Oil Plantation Workers Union (FPPIWU-NAFLU-KMU) ng notice of strike noong Hulyo, pero agad namang nagsampa ang manedsment ng petisyon sa Department of Labor and Employment (DoLE) para sa Assumption of Jurisdiction (AJ). Ipinagkaloob ng DoLE ang AJ.
Sa kabila nito, ipinutok ng mga manggagawa ang welga.
“Makatarungan ang welga ng mga manggagawa ng Filipinas Palm Oil. Pinipiga ng bilyunaryong mga may-ari ng kompanya, sa pangunguna ni Dennis Villareal, ang sobra-sobrang tubo mula sa kanilang lakas-paggawa,” ani Pascual.
Ipinunto pa ni Pascual na gaya ng ginawa ng gobyernong Aquino sa nakaambang welga sa Philippine Airlines, ginagamit nito ang AJ para puwersahin ang mga manggagawa na patuloy na magtrabaho sa ilalim ng mapagsamantala at mapang-aping mga sitwasyon.
“Hindi nareresolba ang ugat ng sigalot,” aniya.
Itinayo noong 1979, ang FPPI ang nangungunang kompanyang nagpoprodyus ng palm oil. Kayang magprodyus ng hanggang apat na tonelada ng palm oil kada isang ektarya, o lima hanggang 10 beses na mas marami kaysa sa ibang tipo ng mga langis.
Ginagamit ang palm oil para sa cooking oil, ice cream, sabon, cosmetics, at iba pang produktong pagkain at kemikal.
Itinuturing itong isang cash crop, na sinimulang itanim sa mga bansa gaya ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia noong dekada ’70 sang-ayon sa rekomendasyon ng multi-lateral na mga institusyon gaya ng World Bank. Tinatayang dodoble ang pandaigdigang demand para sa palm oil sa susunod na 10 taon.