“Dumagat” docu mula sa Pilipinas, consolation prize sa Festival ASEAN 2010 sa Hanoi, Vietnam
Oo, ang aming showbiz documentary film na “Dumagat” ay nagwagi ng pampalubag-loob na karangalan sa kauna-unahang Festival of Photos, Documentary Films and Reportage on ASEAN countries and people, Vietnam 2010 na ginanap sa Hanoi, Vietnam kamakailan. Ang okasyon ay kasabay ng pagdaraos ng ika-17 taon ng ASEAN Summit sa Hanoi na dinaluhan ng matataas na […]

Oo, ang aming showbiz documentary film na “Dumagat” ay nagwagi ng pampalubag-loob na karangalan sa kauna-unahang Festival of Photos, Documentary Films and Reportage on ASEAN countries and people, Vietnam 2010 na ginanap sa Hanoi, Vietnam kamakailan.
Ang okasyon ay kasabay ng pagdaraos ng ika-17 taon ng ASEAN Summit sa Hanoi na dinaluhan ng matataas na pinuno ng Timog Silangang Asya.
Ika-1000 taon din ngayon ng pagkakatatag ng Vietnam kaya naman nagdiriwang ang mga Vietnamese sa kasaysayang ito ng kanilang bansa.
Ika-15 taon na rin ng pagkakasali ng Vietnam sa Association of Southeast Asian Nations kaya naman doble-doble o triple-triple pa ang kanilang kasiyahan.
***
Nagsimula ang kasaysayan ng pagsali namin sa Festival ASEAN nang isang gabi ay nakababad kami sa mga programa ng Channel 4.
Biglang bumulwak sa iskrin ng telebisyon ang paanyaya ng Festival of Photos, Documentary Films and Reportage on ASEAN countries and people pero mabilis na mabilis ang patalastas kaya nag-abang muli kami at mabuti’t naulit ang imbitasyon.
May natandaan kaming mga unang talong numero ng telepono na sa wari namin ay Makati ang lokasyon kaya nagtawag kami nang nagtawag ng mga upisinang may ganitong bilang.
Hanggang wala pa rin pero mabuti at may website na nakasulat kaya kinopya namin.
Tama nga at nadala kami ng mouse at curser sa website ng People’s Republic of Vietnam at nandoon nga ang patalastas.
Pero tumawag din kami sa Nation Broadcasting Network o Channel 4 at naituro rin sa amin ang eksaktong telepono ng may patimpalak.
***
Ang unang bersyon ng aming showbiz documentary film na “Dumagat” ay naitanghal na sa 2nd Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival, sa Titus Brandsma Indie Film Festival at sa Hiraya Bahandi Short Film Festival.
Pero iba ang pamantayan ng Festival ASEAN 2010.
Kailangang makapagtaguyod ng pagkakaisa, kooperasyon at kaunlaran sa rehiyon ng Timog Silangang Asya ang paksa at pagkakagawa ng dokyung isusumite.
Tatlong linggo na lang noon at palugit na sa Hanoi, Vietnam at ano ang aming gagawin?
Puwdeng magsumite ng limang lahok ang indibidwal o grupong awtor sa paligsahan.
Pero wala kaming pera para gumawa muli ng isa pa para umakma sa mga layunin ng ASEAN.
Nakapag-isip kami ng paraan. Pumayag ang SFX Productions ni Perry Pimentel na humiram muna ako ng gamit sa shoot sa kanila at doon na rin mag-edit sa kanilang produksyon.
Nagmuni-muni kami ng iba pang tema para sa iba pang dokyu at naisip namin ang bus-hostage taking sa Quirino Grandstand pero kinalaunan ay pinatay namin ang ideya dahil hindi miyembro ng ASEAN ang Hong Kong o ang China.
***
Naisip namin ang pagbuo ng relasyon ngVietnam at Pilipinas sa pamamagitan ng pagkain.
Kaya nagtungo kami sa Pho Hoa Restaurant, isang Vietnamese na kainan pero sa madaling salita, ang may-ari pala ng restoran ay isang Chinese.
Kaya ano pang gagawin namin kundi ang itutok ang aming trabaho sa nand’yan na, sa “Dumagat” at ini-reedit na lang namin.
Talagang pinilit namin na umakma sa mga adhika at layunin ng ASEAN.
Nakasaad pa sa pamantayan at regulasyon na nagpapakita ng magagandang asal at tanawin sa ASEAN.
E, wala naman kaming maipapakitang maraming magagandang tanawin sa Infanta at General Nakar sa Lalawigan ng Quezon.
Wala na kaming panahon para mag-reshoot dahil pera ang ibig sabihin nito at wala kaming nakalaan para sa panggasolina, pagkain, halimbawa’y ng crew o kahit na cameraman ko man lang at iba pang gastusin.
P10,000.00 lang nga ang nagastos namin sa paggawa ng “Dumagat.”
Kasi, kung magbabayad kami ng editing, mahal kaya utang na loob na lang muna ang kabayaran kay Jowee Morel, ang kontrobersyal na direktor at sa ikalawang bersyon, kina Perry.
***
Kaya nang ideklarang finalist kami sa Festival of Photos, Documentary Films and Reportage on ASEAN countries and people, Vietnam 2010, naglulukso kami sa tuwa dahil ano nga ba naman ang laban namin sa mga iba pang nagbigay ng lahok.
Napatunayan namin ito nang ipalabas sa Au Co Art Center, ang pinagdausan ng awards night noong ika-31 ng Oktubre, 2010, ang mga clips ng mga nagwagi.
Alam naming suportado ng malalaki at higanteng mga produksyon—pribado man o pampamahalaan—ang mga kalaban namin samantalang ang sa akin ay personal lang.
Ang Indonesia ay suportado ng isang malaking kumpanya dahil grupo ito ng mga awtor gayundin ang Singapore, ang Cambodia at ang Laos.
Ang Malaysia na siyang nanalo ng Unang Gantimpala, sa pamamagitan ng “An Ordinary Needle” ni Ee Anderson ay gumastos ng libu-libong dolyares samantalang ang isang Vietnamese entry ay naglaas din ng libu-libong dolyares.
Ang Myanmar, bukod sa may sariling produksyon si Min Htin Ko Ko Gyi para sa kanyang “The Floating Tomatoes” na tungkol sa implikasyon sa kapaligiran ng Inle Lake ang tinalakay ay nagwagi ng Ikalawang Gantimpala.
***
Puring-puri nga kami ni Cho, Pock-rey, programmer ng Pusan International Film Festival sa Pusan, Korea at International Business Supervisor ng Chungeoragm Film, ang isa sa mga hurado lalo na nang malaman niyang P10,000.00 lang ang puhunan namin sa aming pelikula.
“You are a brave man. I can’t believe you spent that low,” pahayag ni Cho.
Ayon sa kanya, silang dalawa ng beteranong filmmaker na Vietnamese na si Bui Dinh Hac ang nagtanggol sa aking obra.
“The other jurors didn’t like your film,” pagtatapat ni Cho.
Sinabi namin sa kanyang nagpapasalamat kami dahil nakalusot ang mga eksena naming rally ng mga Dumagat sa harap ng Malacañang dahil alam naming baka may implikasyon ito sa mga alituntunin ng Festival ASEAN 2010 pero wala kaming magawa.
Ito ang bisyon at pananalig namin sa paksa at wala na kaming ibang materyal.
Mabuti nga at nagpahiram pa sa amin si Ramcy Astubeza ng mga VHS tapes na sa dalawampu’t apat na tape ay dalawa lang ang nagkaari dahil may amag na ang mga tapes nang dalhin namin sa dubbing.
Kaya inihahandog namin ito sa lahat ng mga Filipino.
***
Ang “Dumagat” ay kasama sa dalawampu’t dalawang opisyal na lahok sa Festival ASEAN 2010 na napiling finalist.
Nauna nang may primary level ang pagpili sa Vietnam.
Sumailalim din kami sa prosesong ito.
Pero may final stage at nakasama kami sa dibisyong ito sa gitna ng mga limitasyon n gaming likhang-sining.
Kaya paano naman hindi kami magsasaya ay unang pagkakataon namin itong makalabas ng bansa at sa isang festival of photos, documentary films at reportage pa tungkol sa mga tao at komunidad ng ASEAN?
At nag-iisa lang akong Filipinong kinatawan ng Pilipinas sa paligsahang ‘yon.