Dagdag-sahod, iginiit ng mga manggagawang pangkalusugan


Iginiit ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) ang dagdag na sahod para sa kanilang sektor.

Mula kaliwa: Cecile Banca-Santos, pangulo ng Philippine League of Government & Public Midwives, Inc.; Dr. Teresita Barcelo, pangulo ng Philippine Nurses Association; Emma Manuel, pangulo ng Alliance of Health Workers o AHW; Leah Paquiz, pangulo ng Ang Nars; at Eleonor Nolasco, pangulo ng Nars ng Bayan. (Jeffrey Ocampo)
Mula kaliwa: Cecile Banca-Santos, pangulo ng Philippine League of Government & Public Midwives, Inc.; Dr. Teresita Barcelo, pangulo ng Philippine Nurses Association; Emma Manuel, pangulo ng Alliance of Health Workers o AHW; Leah Paquiz, pangulo ng Ang Nars; at Eleonor Nolasco, pangulo ng Nars ng Bayan. (Jeffrey Ocampo)

Iginiit ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) ang dagdag na sahod para sa kanilang sektor.

Ibinahagi nila sa isang press conference ang kanilang mga karaingan at planong pagkilos para ipanawagan ang dagdag-sahod. Naging tagapagsalita naman ang mga presidente ng iba’t ibang grupo kabilang na ang AHW, Philippine Nurses’ Assosciation (PNA), NARS NG BAYAN – Community Health Nurse Association, Philippine League of Government and Public midwives, ANG NARS, at Philippine Association of Medical Specialists.

Ayon sa AHW, ang mga health worker sa pampublikong pagamutan na nakahanay sa salary grade 1 ay nakakatanggap lamang ng P7,575 kada buwan.

Batay naman sa Nursing Act of 2002, dapat makatanggap ng kabuuang 24,887 kada buwan ang mga nars, batay sa salary grade 15. Pero ayon kay Dr. Teresita Barcelo, presidente ng PNA, kasalukuyang tumatanggap ang mga nars ng P15,649 na katumbas lamang ng salary grade 11. Ayon pa kay Dr. Barcelo, magiisang dekada na ang nasabing batas pero walang pa ring aksyon ang gubyerno para mahusay itong maipatupad.

Samantala, ang job order o kontraktuwal na mga nars ay nakakatanggap ng mas mababa pang sahod. Sa sarbey ng AHW, may kaso sa probinsiya ng Quirino kung saan may dalawang kaswal na nars ang nagtatatrabaho para sa iisang item at naghahati sa kitang P160-170 kada araw.

Larong Pabitin: Simbolo umano ng bitin na sahod ng mga manggagawang pangkalusugan. (Jeffrey Ocampo)
Larong Pabitin: Simbolo umano ng bitin na sahod ng mga manggagawang pangkalusugan. (Jeffrey Ocampo)

Ayon pa sa AHW, ang mga boluntir – na maituturing din umanong mga rehistradong nars – ay nagtatrabaho nang walang bayad.

Maging ang regular na mga doktor ay nakakatanggap lamang ng humigit kumulang P26,000 at ang na kaswal naman ay halos kalahati lamang nito ang natatanggap.

Reklamo pa ng nabanggit na mga grupo, mismong si Pangulong Aquino na ang umamin na para mabuhay ng disente, kailangan ng isang pamilya ng P27,000 kada buwan. Kaya malinaw, giit ng AHW, na hindi sapat ang sinasahod ng mga manggagawang pangkalusugan para mabuhay sila nang disente.

Nakababahala din umano ang “kawalan ng interes” ng administrasyong Aquino na tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang pangkalusugan, at ng sektor ng kalusugan sa kabuuan.

Ayon sa AHW, makikita din ang kapabayaang ito sa liit ng inilaang badyet sa sektor ng kalusugan para sa 2011.

Binigyan lamang ng P23.7 Bilyon ang nasabing sektor, habang P843-B naman ang inilaan para sa utang na panlabas na ayon sa AHW ay wala namang pakinabang ang mamamayan. Sa kalkulasyon ng AHW, aabot ng 1.4-B ang tapyas sa badyet ng sektor ng kalusugan sa susunod na taon.

Ipinagpapatuloy lamang umano ni Aquino ang pagsasawalang-bahala ng nakaraang mga pamahalaan sa sektor ng kalusugan, giit ng AHW.

“Gaya ng maraming Pilipino, gusto din naming magkaroon ng maayos na tirahan, mapag-aral ang aming mga anak, at matugunan ang batayan naming mga pangangailangan. Pero sa liit ng aming kita, paaano kami mabubuhay nang disente,” paliwanag ni Manuel. “Kami ang nangangalaga sa kalusugan ng taumbayan, pero sino naman ang mangangalaga sa aming kalagayan?”

Samantala, may ilan nang napagtagumpayang laban ang mga manggagawang pagkalusugan, gaya ng Salary Standardization Law 3. Ngunit ani Manuel, dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mabilis ding nawawalan ng halaga ang dagdag sa kanilang kita.

Kaya naman magkakaroon ng sunud-sunod na protesta ang manggagawang pangkalusugan at iba’t ibang grupo para ituloy ang panggigiit ng kanilang karapatan para sa “nakasasapat” na sahod.

Anila, makatarungang demand ang P6,000 dagdag sa minimum pay ng manggagawang pangkalusugan sa pampublikong sektor, salary grade 15 para sa mga nars, at salary grade 24 o P50,000 para sa mga doktor.

Makakatulong din umano ito upang pigilan ang mga mangagawang pangkalusugang Pilipino na napipilitang mangibang bayan dahil sa liit ng kanilang kita sa Pilipinas.

Makikiisa rin ang mga manggawang pangkalusugan sa sektor ng guro, empleyado, at iba pang mangagawa sa pampubliko at pribadong institusyon sa paggigiit para sa dagdag-sahod.

Kakalampagin umano nila sa mga susunod na araw ang gubyernong Aquino hanggang ibigay sa kanila ang nararapat sa kanilang sahod.