Arogansiya ng tropang Kano, inireklamo ng mamamahayag


Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang umano’y arogante at ilegal na pakikitungo sa mga mamamahayag ng mga tropang Amerikanong nagbabantay sa himpilan ng Joint Special Operations Task Force Philippines (JSOTFP) sa loob ng kampo ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines sa Zamboanga City. Sa isang pahayag, sinabi […]

Mga mamamahayag, pinagbawalan manguha ng video footage sa labas ng himpilan ng Joint Special Operations Task Force Philippines. (Kuha ng pagsasanay ng tropang Kano at Pilipino sa JSOTFP mula sa http://jsotf-p.blogspot.com)

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang umano’y arogante at ilegal na pakikitungo sa mga mamamahayag ng mga tropang Amerikanong nagbabantay sa himpilan ng Joint Special Operations Task Force Philippines (JSOTFP) sa loob ng kampo ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines sa Zamboanga City.

Sa isang pahayag, sinabi ng NUJP na kinokober ng mga mamamahayag ang pagbisita noong Lunes ni Edilberto Adan, executive director ng Visiting Forces Agreement (VFA) Commission, sa JSOTFP. May kapangyarihan ang nasabing komisyon na imonitor ang mga aktibidad ng militar at sibilyang Kano na namamalagi sa bansa sa ilalim ng VFA.

Ayon kay Julie Alipala, direktor ng NUJP na naka-base sa Zamboanga, iniulat sa kanya ng isang reporter ng telebisyon sa sinabihan sila ng isa sa anim na sundalong Kano na nagbabantay sa JSOTFP, “I am ordering you not to take footages.” Kumukuha lamang ang TV crew ng video footage sa labas ng himpilan ng JSOTFP.

Nang tanungin ng mga mamamahayag ang sundalo kung bakit bawal ang pangunguha ng footage, sinabi nitong, “I don’t understand you but don’t make me take your camera.”

Paliwanag ni Lt. Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Westmincom, nasa isang pasilidad panseguridad ang mga mamamahayag at kailangan muna ng clearance ang mga ito bago makakuha ng litrato o video.

Pero ayon sa NUJP, ganoon man ang kaso, naniniwala silang ” foreigners still have absolutely no authority to tell Filipinos what we can or cannot do in our own country, much less threaten to confiscate their property.”

Idinagdag pa ng grupo na nananatiling teritoryo ng Pilipinas ang himpilan ng mga tropang Kano.

“We believe that ultimate authority over the facility resides in the Armed Forces of the Philippines and the Philippine government, unless they have conceded this authority to what would then essentially be foreign occupiers,” ayon sa NUJP.

Pinaiimbestigahan ng mga mamamahayag sa VFA Commission ang nasabing insidente na umano’y lumalabag sa soberanya ng bansa.