Sports

Taas-noo pa rin ang Pilipinas sa 2010 AFP Suzuki Cup


Hindi man umabot sa finals ang Team Azkals ng Pilipinas sa 2010 AFP Suzuki Cup, may rason pa rin sila na magbunyi, at lalo pa na karangalan ng buong bansa. Ginapi ng Indonesia sa kabuuang 2-0 sa dalawang laro ang Azkals sa semifinal round ng torneo upang kaharapin ang Malaysia sa kampeonato. Ngunit ito na […]

Hindi man umabot sa finals ang Team Azkals ng Pilipinas sa 2010 AFP Suzuki Cup, may rason pa rin sila na magbunyi, at lalo pa na karangalan ng buong bansa.

Ginapi ng Indonesia sa kabuuang 2-0 sa dalawang laro ang Azkals sa semifinal round ng torneo upang kaharapin ang Malaysia sa kampeonato.

Ngunit ito na ang pinakamalaking hakbang ng Pilipinas sa torneo, maging sa naging katunggali sa semifinals. Sa pinakamalapit na kasaysayan ng pagsali ng bansa sa Suzuki Cup, tinitignan silang mga whipping boys ng lahat ng kasaping bansa. Sa taon na ito, malayo ang naging kabuuang resulta ng laban ng dalawang bansa kung ikukumpara sa 13-1 paglampaso ng mga Indon sa mga Pinoy noong 2002.

Hindi nakasali ang bansa sa torneo noong 2006.

Bago ang ikalawang laro kontra sa Indonesia, nagpakita ng kumpiyansa si Simon McMenemy, ang Englishman na coach ng koponan, sa kanyang mga bata.  “Our fitness proves itself in that we have scored three goals in the 94th minute over our last eight games. Teams that are unfit can’t do that but we go right up to the very end and that proved itself in the result that we pulled out against Singapore, for example. We didn’t give up and we kept going right until the very end.”

Maaalalang tumabla ang Azkals sa Singapore sa preliminary round. Nakagawa ng dalawang goal ang mga Pinoy sa loob ng injury time, o dagdag na limang minuto, upang humabol sa pagtala ng dalawa ring buslo ng kalaban sa loob ng naunang isa at kalahating oras na paglalaro.

Isa si Ian Araneta sa nakalasap ng pagkagapi sa Indonesia walong taon ang nakaraan. Ngunit malaki talaga ang ipinagbago ng koponan sa ngayon. “The team that we had then and the one we have now are totally different,” paliwanag ng striker ng koponan. “Back then, the team was only organised about two months before the tournament started while the current team have been together a longer time – about a year – and we are like brothers now.”

Puno ng highlights ang kampanya ng pambansang koponan sa taon na ito. Ngunit bukod sa paghabol sa Singapore, pinakamaningning ang paggapi nila sa defending champion na Vietnam, 2-0 sa preliminaries. Naging laman ng headlines ang koponan sa kanilang pagwawagi na ito.

Sa kabuuan, walang nalasap na pagkatalo ang Azkals sa preliminaries.

Ang Suzuki Cup ay isinasagawa ng ASEAN Football Federation (AFF) kada dalawang taon at pinaglalabanan ng mga kasaping bansa ng Timog Silangang Asya. Itinatag ng Thailand, Philippines, Brunei, Singapore at Malaysia ang AFF noong 1984, at ngayo’y binubuo na ng 11 bansa sa rehiyon.

Nakapasok sa taon na ito ang Pilipinas matapos makipagtunggali sa Cambodia, Laos at Timor Leste sa naunang qualifying round para sa dalawang huling spot upang buuin ang 8-team roster na naglaban.