Hamon kay P-Noy: Buksan ang kaso ng Mendiola Massacre


Hinamon ng mga magsasaka si Pang. Benigno Aquino III na muling paimbestigahan ang pagpaslang sa 13 magsasaka sa tinaguriang Mendiola Massacre, kasabay ng isasagawang kilos-protesta isang araw bago ang ika-24 anibersaryo ng masaker sa Enero 22. Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), magmamartsa patungong Mendiola ang tinatayang 3,000 magsasaka mula sa Gitnang Luzon […]

Pedro Gonzales, isa sa mga survivor ng Mendiola Massacre (Ilang-Ilang Quijano)
Pedro Gonzales, isa sa mga survivor ng Mendiola Massacre (Ilang-Ilang Quijano)

Hinamon ng mga magsasaka si Pang. Benigno Aquino III na muling paimbestigahan ang pagpaslang sa 13 magsasaka sa tinaguriang Mendiola Massacre, kasabay ng isasagawang kilos-protesta isang araw bago ang ika-24 anibersaryo ng masaker sa Enero 22.

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), magmamartsa patungong Mendiola ang tinatayang 3,000 magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan para igiit din ang kagyat na pamamahagi ng 6,543-ektaryang Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng pamilya ni Aquino.

Ayon kay Willy Marbella, deputy secretary general ng KMP, nararapat lamang na muling buksan Aquino ang kaso ng 1987 Mendiola Massacre dahil “sa malaking bahagi, ang may kagagawan sa masaker ay ang kanyang ina.” Wala rin umano sa mga responsableng kumander ng pulisya at militar ang naparusahan.

Pagbabalik-tanaw

Noong Enero 22, 1987, pinaputukan ng mga pulis at sundalo ng Philippine Marines ang kilos-protesta ng mahigit 10,000 magsasaka sa Mendiola Bridge para singilin si dating pangulong Corazon Aquino sa bigong pangako nito na gawing sentrong programa ng kanyang gobyerno ang tunay na reporma sa lupa.

Pagbabalik-tanaw ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP, isa siya sa mga lider-magsasaka na nakipagpulong kay dating pangulong Aquino sa Malakanyang bandang Hunyo 1986, apat na buwan matapos mapatalsik  ang diktador na si Ferdinand Marcos. “Mataas ang moralidad namin noon dahil tinanggap pa ng pangulo ang isinumite naming dokumento para sa isang Genuine Agrarian Reform Program,” aniya sa isang press conference kahapon. Binanggit din noon ni Aquino na gagawin niyang modelo ang sariling Hacienda Luisita sa Tarlac.

“Pero noong Disyembre, sa pulong ng pambansang konseho ng KMP, nakita namin na walang nangyayari sa pangako ni Cory. Kaya napagkaisahan namin na maglunsad ng kampuhan sa Ministry of Agrarian Reform (MAR),” sabi ni Flores.

Pero nang umabot nang isang linggo ang kampuhan ng mga magsasaka sa MAR nang hindi sila hinaharap nang maayos ng dating kalihim na si Heherson Alvarez, idiniretso ng mga magsasaka ang kanilang protesta sa Mendiola. Doon, pinaulanan sila ng bala ng pulisya at militar, na ikinasawi ng 13 at ikinasugat ng daan-daan pa.

Dumanak ang dugo noong Enero 22, 1987 dahil sa kabiguang dinggin ang panawagan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Anila, mauulit ang mga masaker na gaya nito kung di pa rin ito didinggin ni Pang. Benigno Aquino III

Pangalawang beses pa lamang makarating sa Maynila noon ang mangingisda mula sa Quezon na si Pedro Gonzalez, ngayo’y pangakalahatang kalihim ng Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas)- Timog Katagalugan. Hindi niya akalaing papaulanan sila ng bala. “Takot na takot ako. Nakatakbo ako, pero nakita yung mga kasamahan kong binibitbit ng Metrocom.” Kuwento niya, sinagip siya ng sumisimpatiyang mga drayber ng dyip na nakaparada sa harap ng Far Eastern University.

Samantala, ayon kay Marbella, hindi pa rin umaangat ang kabuhayan ng karamihan sa kamag-anak ng mga biktima ng masaker. Gaya ng 44-anyos na si Josephine Dumanico, asawa ng nasawing magsasaka na si Ronald Dumanico. Taga-Brgy. Anibong, Pagsanjan, Laguna, binisita siya ng mga lider ng KMP kamakailan. “Yung bubong nila, pinagtagpi-tagpi lang na dahon ng niyog. Wala pa rin silang sariling lupa,” aniya.

Sasama umano sa kilos-protesta sa Enero 21 ang mga kamag-anak ng mga biktima ng masaker mula sa Laguna at Bataan.

Sa Enero 21

Magkakampo ang mga magsasaka sa harap ng Department of Agrarian Reform sa gabi ng Enero 20, bago tumulak papunta sa Korte Suprema bandang alas-diyes ng umaga kinabukasan. Magsusumite sila ng mosyon sa korte hinggil sa nakabinbing kaso para sa pagbabasura ng Stock Distribution Option (SDO) sa Hacienda Luisita.

Pagkatapos, tutungo sila sa Department of Justice para magsumite kay Sek. Leila de Lima ng letter of appeal hinggil sa pagbubukas muli ng kaso ng Mendiola Massacre. Saka sila tutungo sa makasaysayang Mendiola Bridge para igiit kay Pangulong Aquino na gumawa ng programa para sa tunay na repormang agraryo.

Inilinaw ni Marbella na gaya noon, hindi ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang kanilang hiling. Sa halip, hiling nila ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka na wala umanong mapanlinlang na mga kondisyon.

Dalawang taon na ang nakalipas simula nang isabatas ni dating pangulong Gloria Arroyo ang CARP Extension with Reforms, pero hindi pa rin naipapamahagi ang kalakhan ng 164,000 ektaryang private agricultural lands na target nito, puna ng KMP. Nananatili pa umano ang kontrol sa lupa ng mga panginoong-maylupa at malalaking korporasyong dayuhan.

“Kung ang mga magsasaka ay may binubungkal na lupa at tinutulungan ng gobyerno, wala nang makikitang mga magsasakang nagmamartsa sa lansangan,” sabi ni Marbella.

Patuloy din umanong mauulit ang mga masaker, lalo at walang hustisyang nakakamit ang mga biktima ng masaker sa Mendiola at Hacienda Luisita.

Sa isang desisyon noong 1993 sa class suit na isinampa ng mga biktima ng Mendiola Massacre, sinabi ng Korte Suprema na hindi pwedeng mapanagot ang dating gobyernong Aquino sa nasabing masaker dahil sa immunity from suit.

Samantala, sa komisyon ni binuo ni Aquino para imbestigahan ang masaker, administrative sanctions lamang ang ipinataw sa mga kumander ng mga tropa ng gobyernong sangkot sa masaker na sina Hen. Ramon Montaño, Hen. Alfredo Lim, Hen. Edgar Dula Torres, at iba pa.