Pamamahayag at laban ni Gerry Ortega


Ang sektor ng pagmimina sa Palawan ang pinakanasaktan sa mga tirada ng pinatahimik na brodkaster at tagapagtanggol ng kalikasan na si Dr. Gerry Ortega.

Dr. Gerry Ortega, pinaslang na mamamahayag at tagapagtanggol ng kalikasan (The Palawan Times/flickr.com)

Mapayapa ang loob ni Dr. Gerry Ortega, isang kilalang radio commentator at tagapagtanggol ng kalikasan sa Palawan, noong gabi bago ang kanyang brutal na pamamaslang. Umuusad ang isa niyang book project, at ang kampanya para mangalap ng 10 milyong pirma para itigil ang pagmimina sa probinsya, na unti-unting wumawasak sa tinataguriang huling ecological frontier ng bansa.

Kinabukasan, habang tumitingin sa ukay-ukay matapos ang kanyang umagang programa sa Radio Mindanao Network, isang lalaki ang lumapit at bumaril sa kanya sa ulo.

Si Ortega ang ikalawang mamamahayag na pinaslang at ika-apat na environmental advocate na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

‘Walang takot’

Nagsisimula pa lamang umusad ang imbestigasyon sa krimen (nahuli ang gunman, na umaming binayaran siya ng isang middleman ng P150,000 para patayin si Ortega), malinaw na na konektado ito sa pamamahayag at laban niya sa pagmimina at korupsiyon sa lokal na pamahalaan. Ibinunyag ng kanyang anak at ng alkalde ng Puerto Princesa City na nakakatanggap si Ortega ng mga banta sa buhay sa pamamagitan ng text messages.

Wala ring duda ang kanyang mga kasamahan sa trabaho na umani siya ng mga kalaban sa kanyang pamamahayag at adbokasiya. “Gerry was a consumate environmental advocate, walang takot at very effective,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Dempto Anda, korespondent ng Philippine Daily Inquirer at malapit na kaibigan ni Ortega. Magkasama sila noong gabi bago siya pinaslang.

Ayon pa kay Anda, pumasok sa pulitika si Ortega (naging board member ng Palawan noong 2001 hanggang 2004, at tumakbo ngunit natalo sa pagkagobernador). Pero hindi niya nagustuhan ang pamamalakad sa loob ng pamahalaan. “Naniniwala siya na sa loob ng media, nagkaroon siya ng pagkakaton na isulong ang kanyang adbokasiya.”

Hinahamon na minahan

Atty. Antonio Oposa (gitna), kasama ng iba pang nagluluksa sa pagkamatay ni Ortega na sina Clemente Bautista ng Kalikasan-PNE (kaliwa) at Terry Ridon ng League of Filipino Students (kanan). (Ilang-Ilang Quijano)

Nanggagalaiti naman si Atty. Antonio Oposa, kilalang environmental lawyer at Ramon Magsaysay Awardee, sa umano’y mga “duwag” na nasa likod ng pamamaslang. Hindi siya nangingiming tukuyin kung sino ang pinakaposibleng may gawa nito. “If there is one sector na natamaan ng slings and arrows na ibinato ni Gerry, ito ang mining sector,” aniya sa isang press conference na ipinatawag kahapon ng Kalikasan-People’s Network for the Environment, League of Filipino Students (LFS), at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

Ang Palawan ang sentro umano ng laban sa pagmimina sa bansa. Kilala ang probinsya sa kanyang biodiversity o dami ng klase ng halaman at hayop. Narito din ang Puerto Princesa Subterranean River National Park, na napipisil na mapabilang sa New 7 Wonders of Nature. Subalit nasa parehong mga lugar ng biodiversity ang 10 malalaking proyektong pagmimina ng mga kompanya gaya ng Rio Tuba Nickel Mining Corp., Sumitomo Metal Mining Co. (Japan), Atlas Consolidated Mining and Devt. Corp. (U.S.), Toledo Mining Corp. (United Kingdom), MacroAsia Mining Corp., at MBMI Resources Inc. (Canada).

Nickel mining sa Rio Tuba, Palawan (Kuha mula sa Deuts.net)

Hindi lang ang mga kompanyang ito ang hinahamon ni Ortega, kundi maging ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), isang kapulungan na nagpapatupad ng Strategic Environmental Plan for Palawan Act. Ito ang nag-aapruba sa lahat ng mga proyektong may posibleng masamang epekto sa kalikasan. Ayon kay Oposa, hinayaan ng PCSD ang pagmimina sa halip na ipatigil ito.

Ang isa umano sa pinakapaboritong linya ni Ortega sa kanyang komentaryo sa radyo: “Gagawin ba natin ang Palawan na protected area, o gagawin natin itong sungkaan?” Ang sungkaan ay isang laruang Pinoy na maraming butas, na inihahalintulad ng mamamahayag sa magiging hitsura ng probinsya kapag nagpatuloy ang mga proyektong pagmimina.

Mentor ng militanteng kabataan

Nagluluksa rin si Terry Ridon, pambansang tagapangulo ng LFS, militanteng organisasyon ng kabataan. Hindi nalalaman ng marami na si Ortega ay isang dati ring kasapi ng LFS sa Mindanao State University, at tumulong sa pagbubuo ng organisasyon sa Palawan. Nanatili siyang tumutulong sa mga kabataang aktibista, na tinatagurian siyang mentor o guro.

Kuwento ni Ridon, dalawang linggo bago ang pagpaslang, nagkita sila ni Ortega sa Estero de Paco kung saan tinutulungan ng mamamahayag ang katabing mga komunidad sa paglilinis, bilang program manager ng ABS-CBN Foundation sa Palawan.

“Marami siyang kuwento, pala-biro siya,” ani Ridon. “Malaki ang tiwala niya sa mga mamamayang kumikilos at lumalaban, sabi niya na hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago nang walang partisipasyon ng mga komunidad.”

Kahit sa pawang mga proyektong eko-turismo na pinangunahan ni Ortega sa Puerto Princesa Subterranean River, gaya ng River Cruise, Firefly at Dolphin Watching, sinuguro niyang hindi ang mga negosyante ang makikinabang, kundi ang maliliit na komunidad na nakapalibot sa ilog.

Panahon ng pananagutan

Hindi pa rin halos makapaniwala ang mga kasamahan ni Ortega, sa pamamahayag at adbokasiya, na naging biktima siya ng patuloy na kultura ng impunidad (culture of impunity) at paglabag sa karapatang pantao sa administrasyong Aquino.

Maanghang ang pahayag ng NUJP hinggil dito. “Panahon na ng pananagutan. Panahon na maging tapat si Pang. Benigno Aquino III sa kanyang mga pangako ng hustisya at malinis na pamamahala, o aminin niyang siya, gaya ng mga nauna sa kanya, ay walang kakayanan o kapasyahan na higit pa sa bukambibig lamang,” ayon sa pinakamalaking grupo ng mga mamamahayag sa bansa.

Natuklasang pagmamay-ari ng dating provincial administrator ng Palawan ang baril na ginamit kay Ortega. Hinamon ng grupo ang mga awtoridad na tugisin ang mastermind o utak ng krimen. Sa 142 mamamahayag na pinaslang simula 1986, lima pa lamang ang napaparusahan, wala ni isa rito ang tunay na utak ng krimen.

Para naman kay Oposa, maaaring nadapa ang kilusang nagtatanggol sa kalikasan dahil sa pagkawala ni Ortega. Pero aniya, “Babangon kaming muli…Kung akala nilang tapos na ang laban, nagkakamali sila. Nag-uumpisa pa lamang ito.”