Sa marahas na demolisyon sa San Juan: ‘Giyera vs maralita’ ni Aquino, pinuna
Pinakahuli sa serye ng mga atake ng gobyernong Aquino sa karapatan ng mga maralita ang marahas na demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City noong Enero 25, 2011. Sa harap nito, patuloy na naninindigan para sa kanilang karapatan ang mga maralita.
Isa na namang kabanata sa “giyera laban sa maralita” ni Pang. Benigno Aquino III ang marahas na demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus, Pinaglabanan, San Juan City kaninang umaga.
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kasabay ng pagkondena ng iba’t ibang grupo at indibidwal sa pinakahuli sa mararahas na demolisyon ng mga maralitang lungsod sa ilalim ng gobyernong Aquino.
“Sa Old Manila, North Triangle, laban sa kuliglig drivers at sidewalk vendors, ngayon naman sa Brgy. Corazon de Jesus – ito ang giyera ni Pangulong Aquino laban sa maralitang lungsod. Nanguna ang kanyang gobyerno sa pag-atake sa kabahayan at kabuhayan ng ating mahihirap na kababayan,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Bandang alas-kuwatro ng madaling araw, dumating ang pulisya at mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa Brgy. Corazon de Jesus para idemolis ang 800 kabahayan. Bibigyang-daan ng demolisyon ang pagtatayo ng bagong City Hall ng San Juan.

Ayon sa ulat ng Tudla Productions, binomba ng tubig at tear gas ang mga maralita na nagtayo ng mga barikada at nagsagawa ng magdamagang vigil. Ilang sniper ng SWAT ang pumosisyon sa matataas na lugar at itinuro ang kanilang mga baril sa mga residente.
Pahayag ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, “Hindi armado ang mga residente, bakit may mga armado sa demolisyon?” Aniya pa, kahit may notice of demolition, hindi dapat ginamitan ng karahasan ang mga residente na natural lamang na magdedepensa sa kanilang mga kabahayan.
Nagbatuhan din ang mga residente at mga miyembro ng demolition team. May tinatayang 40 indibidwal ang nasugatan, karamiha’y mga maralitang residente ng lugar.
Bandang alas-onse ng umaga, dumating si dating pangulong Joseph Estrada para pahupain ang gulo, na kanyang isinisi sa mga residente. “Kayo dito, hindi naman kayo maapektuhan pa. Yung mga andun na ilang pamilya lamang, nakahanda na yung paglilipatan nila,” ani Estrada.
Kasalukuyang alkade ng San Juan si Guia Gomez, ina ng anak ni Estrada na si Rep. JV Ejercito.

Ayon sa grupong Sandigang Maralitang Nagkaisa, matagal na silang nakatira sa nasabing lupa at katunayan, ipinagkaloob na ito sa kanila ng dating gobyernong Aquino (Proclamation No. 464) at Arroyo (Proclamation No. 54).
Tinatanggihan nila ang relokasyon sa Lupang Arenda sa Taytay, Rizal at Calauan, Laguna dahil malayo umano ito sa kabuhayan at walang batayang mga serbisyo gaya ng tubig, kuryente, eskuwelahan at health centers. Danger zone din umano ang Lupang Arenda na malapit sa Laguna de Bay na bulnerable sa pagbabaha, habang substandard naman ang mga kabahayan sa Calauan, Laguna.
Iniutos na ni Pangulong Aquino sa Department of Interior and Local Government ang imbestigasyon sa insidente, dahil may moratorium umanong idineklara ang pangulo laban sa demolisyon.
Pero ayon kay Soluta, malinaw na bahagi ang KMU sa “kaisipang brutal at kontra-mahirap” ng gobyernong Aquino, na ginagamit na dahilan ang mga proyekto ng lokal na gobyerno para mapalayas ang mahihirap mula sa kani-kanilang komunidad.