Uncategorized

Ang Filipino showbiz ngayong linggong ito


Tulad ng ating pang-araw-araw na pag-inog ng buhay, tuluy-tuloy rin ang pagpasada ng lokal na showbiz sa ating pang-minu-minutong pagtira sa mundo kaya heto ang mga kaganapan sa daigdig ng aliw sa linggong ito. Mainit pa rin ang dugo ni Sharon Cuneta kay Hayden Kho, ang suspendidong doktor dahil sa kaso ng pakikipag-sex sa video […]

Tulad ng ating pang-araw-araw na pag-inog ng buhay, tuluy-tuloy rin ang pagpasada ng lokal na showbiz sa ating pang-minu-minutong pagtira sa mundo kaya heto ang mga kaganapan sa daigdig ng aliw sa linggong ito.

Mainit pa rin ang dugo ni Sharon Cuneta kay Hayden Kho, ang suspendidong doktor dahil sa kaso ng pakikipag-sex sa video kay Katrina Halili, dahil sa mensahe niya sa Twitter na ang pakiramdam ni Sharon ay siya ang pinaparinggan.

Ayon sa pahayag ni Hayden, may billboard sa EDSA na ginawa ng isang ad agency na ang akala sa publiko ay istupido.

E, nagkataong kalalagay lang ng patalastas sa Marie France ni Cuneta na nagsasabi at nagpapakita ng pagbabago ng kanyang laki ng katawan mula sa pagiging dambuhala tungo sa pagiging seksi.

Sinabi naman ni Kho na si Joel Cruz ang kanyang pinatutungkulan sa kanyang mensahe.

Sinagot naman ito ni Shawie na bakit ngayon lang nagre-react ang boyfriend ni Dr. Vicki Belo samantalang ang tagal-tagal na ng anunsiyo ni Joel sa kahabaan ng EDSA at sa iba pang kalsada sa buong Pilipinas.

***

Samantala, buhay na buhay pa si Paquito Diaz pero pinapatay na sa loob at labas ng showbiz.

Naiinis si Joko Diaz sa mga maling ulat na yumao na ang kanyang ama dahil nandito pa rin ito sa balat ng lupa.

Nakaratay pa rin ang dakilang kontrabida sa Estevez Memorial Hospital sa Legazpi City sa Albay.

Matagal nang nasa lalawigan ang pasyente para makalanghap ng sariwang hangin at maalagaan nang husto ng mga kaanak lalo na ng kanyang asawang si Nena Gutierrez, ang kapatid ng sikat na aktor na si Bob Soler.

Ayon sa sekretarya ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon o KAPPT na si Jean Balagtas, anak ng bating na direktor na si Jose “Kaka” Balagtas, si Joko mismo ang nagsabing buhay pa ang kanyang tatay.

“Mali nga po ‘yong mga balita sa diyaryo at on line. Marami na pong mga taga-Actors Guild na nagsasabing buhay pa si Paquito Diaz,” pahayag ni Jean.

Ano ang relasyon ni Balagtas kay Joko?

Dahil si Joko ay isa sa mga miyembro ng lupon ng mga direktor ng Actors Guild at nakikipag-ugnayan si Jean sa kanya, halimbawa’y pag may pulong ang organisasyon at may iba pang opisyal na pahayag na kailangang iparating sa batang Diaz kaya maraming alam si Balagtas sa mga artistang kasapi sa grupo.

***

Nagwagi na naman ang batang direktor na si Jeffrey P. Ramos pagkatapos ng kanyang pananalo sa ika-5 Lagrabista Film Festival sa Tacloban City kamakailan para sa pelikulang “Ang Kamot nga Nagluwas (The Hand that Saved).”

Sa nakaraang PELIKULTURA Film Festival na ginanap sa  U.P. Los Banos, Laguna mula noong ika-24 hanggang ika-26 ng Pebrero, 2011 sa pamamagitan ni Katrina Ross Tan, ang Program Director, nakamtan ni Jeffrey ang Jury Prize para sa kanyang dokyumentaryong si “Abonado” bilang direktor.

Best Documentary naman ang “Morong 43” ni Joel Lamangan at Best Director ang Southern Tagalog Exposure.

Ag iba pang mga nagwagi ay ang mga sumusunod: Best Narrative—“Ang Pag-ikli ng Buhok ng Batang Babae,” Jury Prize—“Soup # 4,” Best Directors—Kevin Dayrit and Carlo Jay Cuevas, Best Cinematography—“Ang  Pag-ikli ng Buhok ng Batang Babae.”

Best Story—“Soup # 4,” Best Editing—“Insiang Saing,” Best Production Design—“Puti,” Best Actor—Kenneth Lawrence Manalang mula sa “Soup #4” at Best Actress—Ynik Ante mula sa pelikulang “Insiang Saing.”

***

Samantala, ang pelikula naman ni Noriel M. Jarito na “Waray in the City” na isang dokyumentaryo ay ipinalabas hindi sa Shang Cineplex sa Shangrila sa EDSA at Shaw Boulevard noong Lunes, ika-28 ng Pebrero, 2011 kundi sa St. Benilde sa De La Salle University sa Taft Avenue.

“Tungkol sa mga immigrants ng Samar sa Maynila ang pelikula ko at tinulungan ako ng National Commission for Culture and the Arts. Pati ‘yong Independent Filmmakers Cooperative at saka ‘yong mga taga-Samar, tumulong din sa akin para matapos ko ang project na ito,” pahayag ni Noriel.

Magkakababayan mula sa Samar na napadpad sa showbiz sina Jarito, Art Tapalla, Ricky F. Lo, Aster Amoyo at Boy Abunda.

***

Napapag-usapan na rin lang si Boy.

Dumalo ang tinaguriang King of Talk sa pagtatapos ng Philippine International Arts Festival sa Sofitel Hotel noong Lunes kung saan siya ang namuno sa pagdiriwang dahil siya nga ang Ambassador of the Arts.

Dumatal din ang Youth Ambassador naman ng NCCA na si Dingdong Dantes.

Maringal ang pagdiriwang at marangal ang mga layunin ng bawat alagad ng sining sa pagpapayabong pang lalo ng mga ani ng arte sa bansang ito na mas kinikilingan ang mga materyal na bagay kaysa sa maidudulot na kuntil-butil ng mga sining sa ating buhay para lalong makamtan ang mga materyal sa tamang pamamaraan.