Gerry Jumawan, Noriel Jarito at Jeffrey Ramos, mga bagong direktor ng pelikulang Filipino, wagi sa 5th Largbista Film Festival
Sa dami ng mga filmmaker sa Pilipinas, kulang ang mga sinehan para pagtanghalan kaya naman ang mga iba’t ibang dako sa pagtatatag ng mga film festival. Magandang senyales ito ng pag-unlad dahil mas mamumulat ang mga tao sa kahalagahan ng pelikula sa kanilang buhay kaya paano sasabihing namamatay o nanghihingalo na ang industriya ng pelikulang […]
Sa dami ng mga filmmaker sa Pilipinas, kulang ang mga sinehan para pagtanghalan kaya naman ang mga iba’t ibang dako sa pagtatatag ng mga film festival.
Magandang senyales ito ng pag-unlad dahil mas mamumulat ang mga tao sa kahalagahan ng pelikula sa kanilang buhay kaya paano sasabihing namamatay o nanghihingalo na ang industriya ng pelikulang Filipino.
Lalo na ngayong usung-uso ang mga digital films na tunay na nagbibigay ng bagong dimensyon sa ating buhay.
Kaya nga ang pagsulpot ng mga tulad nina Gerry Jumawan, Noriel Jarito at Jeffrey Ramos ay biyaya para sa ating lahat.
Lalo na at sila ay premyado.
***
Kapapanalo lang nina Gerry, Noriel at Jeffrey sa ika-5 Largabista Film Festival sa University of the Philippines Visayas College Tacloban City para sa pelikulang “Ang Kamot na Nagluwas (The Hand that Saved)” na tungkol sa isang bagets na nagngangalang Niño na nagtatrabaho bilang runner ng isang masamang tao na ginagampanan naman ng aktor na tinaguriang Bruce Lee of the Philippines na si Vic Tiro.
Nais nang lumayas sa masamang impluwensiya ng masamang tao si Niño kaya bumalik siya sa kanyang pamilya sa probinsiya at dito ay natagpuan niya ang mga kasagutan sa kanyang mga katanungan lalo na nang ang kanyang ama ay nagmulat sa kanya sa kapangyarihan ng Infant Jesus.
Si Jeffrey ang direktor ng obra samantalang si Noriel na direktor ng “Rindido” na isa sa limang kalahok sa digital section ng 2010 Metro Manila Film Festival Philippines ay artista na gumaganap bilang isang magsasakang hindi naniniwala sa kapangyarihan ng Infant Jesus pero sa katuusan ay nagpasakop na rin siya sa pananalig sa Niño Hesus.
Samantala, si Gerry na artista rin sa obra ang siyang prodyuser ng pelikula.
***
Napanalunan ng “Ang Kamot na Nagluwas (The Hand that Saved)” ang Best Film, Best Cinematography at Best Storyline.
“Ipinagmamalaki po namin ang aming team. May cooperation kaming lahat kaya nagkakasundo-sundo kami,” pahayag ni Jeffrey na nagtapos ng kursong Communication Arts sa De La Salle University-Dasmariñas sa Cavite.
“Nagtutulungan po kami sa paggawa ng pelikula kaya malakas ang fighting spirit namin,” wika ni Ramos.
Ayon kay Jeffrey, marami pang festival ang sasalihan ng kanyang pelikula na naipalabas din sa Davao City kamakailan sa pagdiriwang ng Film Development Council of the Philippines.
Ipinalabas din sa Largabista Film Festival ang “Hulagway” ni Jumawan.
***
Hindi nababawasan ang pagdagsa ng mga bagong dugo sa showbiz at bukas naman ang larangan sa mga talentong ito lalo na at magpapaunlad pa sila ng industriya.
Wala naman talagang dapat na pinapaboran ang showbiz kahit na maliit o malaki ang pangalang direktor dahil demokratiko naman ang ating bansa at pag may talino ay kailangang bigyang-daan at ipakita sa buong mundo.
Kaya nga malayo na ang nararating ng pelikulang Filipino hindi lang literal at simboliko.
Natatandaan pa ba ninyo si Sheron Dayoc?
Si Sheron Dayoc na nagdirek ng “Halaw” na tungkol sa pagsalisi ng mga Filipino sa karagatan ng Sulu patungo sa Malaysia nang walang ligal na papeles.
Itinampok sa pelikula sina Maria Isabel Lopez at John Arcilla at iba pang katutubong mga taga-Mindanao.
Nakipaglaban sa nakaraang Berlin International Film Festival ang “Halaw” at kahit na hindi sa main competition ito lumaban ay nakipagtuos din ang isang obrang Filipino kahit na hindi masyadong popular dahil hindi naipagbanduhan sa apat na sulok ng bansa ang pagkakayari nito maliban sa mga lathalain ng Cinemalaya Independent Film Festival.
***
Pumunta sa Berlin sina Maria Isabel at Sheron pero hindi na sumama si Dayoc sa aktres sa Italy kung saan magtatagpo ang magkasintahang Lopez at Wade Rowland.
Magniniig sina Maribel at Maribel pagkatapos nang matagal na hindi pagkikita.
Bago pa pumunta si Lopez sa Italy ay magdaraan muna siya sa Paris, France para sa piging na inihanda sa kanya ng bantog at premyadong Hollywood at French actress na si Isabelle Huppert na nakasama ng Filipinang aktres sa pelikulang “Prey” na idinirek ni Brillante Mendoza, ang 2009 Palm d’Or Best Director ng Cannes International Film Festival.
Sosyal si Lopez dahil siya lang ang inimbitahan ni Isabelle na magpunta sa kanyang bahay sa Paris at maghapunan doon.
***
Napakaganda ani Rene Durian ng mga rushes ng pelikulang “Prey” na tinatampukan din bukod nina Huppert at Lopez nina Coco Martin, Rustica Carpio, Madeliene Nicolas, Ronnie Lazaro, Raymond Nullan, Chanel Latorre, Kristofer King, Raymond Bagatsing, Allan Paule, Angel Aquino, Arlyn de la Cruz at iba pa.
“Naku, talagang napakaganda. It’s a combination of realism and documentary,” pahayag ni Rene na siyang opisyal na tagapagsalita ni Brillante.
Naiadya rin ang sekuridad at seguridad si Isabelle na talagang itinago ng produksyon para hindi maging komplikado ang takbo ng shooting dahil napakaselan pa ng paksang tinatalakay ng pelikula tungkol sa Abu Sayyaf at ang terorismo ay namumugad na rin sa Kamaynilaan sa panahon ng paggawa ng pelikula.
“Kasi, di ba, no’ng nagsu-shooting kami, kahit na nasa probinsiya kami, may nabomba na bus, di ba?” tanong ni Durian.
Puwede na ngang talakayin ang pelikula.