FEATURED

Hanggang saan ang pag-asa sa kasalukuyang sistema?


Sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyernong Aquino, masusubok ang hangganan ng kasalukuyang sistema. Kaya pa ba makamit sa mapayapang paraan ang tunay at makabuluhang pagbabagong panlipunan para sa mayorya? O talagang sa radikal — at marahas — na paraan lamang mawawakasan ang pagsasamantala?

Matapos ang anim na taon ng kawalan ng pormal na pag-uusap, mahigit 1,000 pinaslang at mahigit 200 dinukot na aktibista’t kritiko ng gobyerno, at isang madugo at marahas na programang giyera kontra-insurhensiya, matutuloy na rin sa wakas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at rebeldeng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa Pebrero 15 hanggang 21, nakatakdang pormal na ipagpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig. Sang-ayon sa daloy at adyenda na napagkasunduan halos dalawang dekada na ang nakaraan, pag-uusapan na ang adyenda hinggil sa socio-economic reforms, o panlipunan at pang-ekonomiyang reporma sa bansa.

Natapos na, mahigit 12 taon na ang nakararaan, ang huling adyenda ng usapan. Naging resulta nito ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Cahrhihl), na nilagdaan noong Marso 1998. Pero kahit matagal nang nalagdaan, tila may problema pa sa implementasyon nito.

Matagal na nabinbin ang pormal na usapan, matapos suspendihin ng gobyernong Arroyo noong 2004 ang usapan. Ipinipilit ng gobyernong Arroyo na magdeklara ang NDFP ng “indefinite or prolonged ceasefire,” na mistulang pagsuko ng armadong puwersa ng mga rebolusyonaryo. Samantala, maraming balakid ang humarang sa usapan. Kabilang dito ang pagdeklara ng gobyernong US at European Union na “terorista” diumano ang Communist Party of the Philippines, ang New People’s Army at si Jose Maria Sison, na punong konsultant pampulitika ng NDFP. Umalma rin ang mga rebelde sa lumalaking bilang ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot sa hanay ng mga aktibista at pinaghihinalaang sumisimpatya sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa ilalim ng bagong administrasyong Aquino, at sa pamumuno ni Alexander Padilla ng negotiating panel ng gobyerno, binitawan na ng gobyerno ang bansag na “terorista” sa mga rebolusyonaryo. Nagdeklara ng tigil-putukan ang dalawang panig noong nakaraang Kapaskuhan (bagamat may mga naiulat na paglabag ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa tigil-putukang ito.).

Optimistiko ang dalawang panig sa usapan. Gayunman, hindi mapagkakailang malayong magkasalungat ang posisyon ng bawat panig sa usapin ng sosyo-ekonomikong reporma.

Sa kanyang State of the Nation Address, inilatag ni Pangulong Benigno Aquino III ang isa sa mga pundasyon ng kanyang pang-ekonomiyang plataporma: ang neoliberal na patakarang pag-akit sa dayuhang mga mamumuhunan at lokal na mga kasosyo nito para pumasok sa “public-private partnerships.” Marami sa mga pampublikong serbisyo at ahensiya ang sinasabing tinatarget ni Aquino na pasukan ng pribadong puhunan at interes. Mahihinuha rin sa kanyang ipinasang pambansang badyet ngayong taon na may intensiyon ang kasalukuyang administrasyon na patuloy na bawasan ang badyet sa pampublikong mga serbisyo, mula edukasyon at pabahay, hanggang kalusugan. Malinaw na bahagi ito ng mga kondisyong ipinapataw ng pandaigdigang mga pampinansiyang ahensiya tulad ng International Monetary Fund, World Bank at Asian Development Bank para patuloy na makapangutang ang gobyerno.

Sa kabilang banda, iginigiit naman ng NDFP na sa pamamagitan lamang ng demokratiko at maka-mamamayang mga reporma sa ekonomiya mapauunlad ang bansa. Sa dalawang saligang programa nakatuntong ang NDFP: sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Malalimang tinalakay na sa mga artikulo ng Pinoy Weekly ang dalawang mungkahing ito. Gayunman, ang buod ng unang programa ay ang pagbibigay ng karapatan ng mga magsasaka sa lupang pinagtatamnan nila. Ang pangalawang programa’y pagpapaunlad ng batayang mga industriya ng bansa, sa halip na unahin ang pagbukas sa mga rekurso ng bansa sa dayuhang pandarambong.

Sa madaling salita, tila walang komon na pagtutuntungan ang usapan. Sa dalawang panig, tila matagal nang napatunayang bangkarote ang neoliberal na daan. Katunayan, lahat ng mga polisiyang nagpapahirap sa mga mamamayan ngayon (mula Oil Deregulation Law, hanggang Mining Act of 1995, hanggang Expanded- Value-Added Tax Law) ay nakatuntong sa mga preskripsiyong ito ng dayuhang mga institusyong nabanggit. Kahanga-hangang kaoptimistiko pa rin ang NDFP na makukumbinsi nito ang gobyernong Aquino na talikuran ang neoliberal na imposisyon ng IMF atbp.

Hindi maaaring iwasan sa usapan ang adyendang ito. Mahigit 12 taon na ang nasayang, sa pag-iiwas-pusoy ng gobyerno. Batid ng nakaraang mga administrasyon, at mga negosyador nito, na ang adyenda sa sosyo-ekonomikong reporma ang “pinakalaman” (“meat”) ng usapan. Dito pag-uusapan ang paglutas sa ugat ng digmaang sibil. Dito pag-uusapan kung bakit patuloy na nag-aaklas ang maraming bilang ng mga mamamayang nawalan na ng kumpiyansa sa kasalukuyang sistema. Hindi nakapagtatakang noong 2004, biglang nagmungkahi ang negotiating panel ng gobyernong Arroyo ng “final peace agreement” kahit di pa napag-uusapan ang adyenda sa sosyo-ekonomikong reporma at kahit wala ito sa napagkasunduang daloy ng usapan. Naghanap ang nakaraang administrasyon ng “short cuts” sa usapan. Naghanap sila ng katapusan ng digmaan kahit di pa natutugunan ang ugat nito.

Di malayong maulit ito ngayon. Di malayong iwan ng bagong administrasyong Aquino, at ang punong negosasyador nitong si Padilla (na dating abogadong pangkarapatang pantao noong dekada ’80), ang negosasyon. Walang indikasyong nagsasabing matapang na tataliwas ang administrasyong ito sa bigong landas na tinahak sa ekonomiya ng nakaraang mga administrasyon. Lalupa’t patuloy na tumitingala ang administrasyong ito sa gobyernong US (at mga pandaigdigang institusyong kontrolado nito) para sa suporta at tangkilik.

Gayunman, walang masamang mangarap. Sinasabi ni Aquino na kinakatawan niya ang “mapayapang paraan ng pagbabago” sa lipunang Pilipino: hindi na kailangan ng marahas at radikal na rebolusyon para makamit ng mga mamamayang Pilipino ang kalayaan at kaunlarang matagal na nilang pinapangarap. Sa kabilang banda, sinasabi naman ng NDFP na sa armadong rebolusyon lamang matitigil ang pagsasamantala ng iilan at dayuhan sa mayorya ng mga mamamayan.

Sa bahaging ito ng usapang pangkapayapaan, tunay na masusubukan kung may maaasahan pa ba talagang pagbabago sa kasalukuyang sistema. O sa mas radikal, at marahas, na paraan lamang makakamit ang makabuluhang pagbabago para sa mayorya.