Namamasura para may pantawid-gutom


Hindi maawat ang pagsirit ng presyo ng mga batayang bilihin, ganundin ang mga batayang serbisyo. Napipintong tumaas ang singil sa tubig, kuryente at iba pa. Paano nga ba nabubuhay ang mga maralitang Pilipino sa panahon ng ‘tuwid na daan’?

Tila lumalaganap ang pamamsura, hindi lamang sa Vitas, kundi sa Kamaynilaan. (Kuha ni Darius Galang sa Vitas, Tondo)
Tila lumalaganap ang pamamsura, hindi lamang sa Vitas, kundi sa Kamaynilaan. (Kuha ni Darius Galang sa Vitas, Tondo)

Tanging pamumulot ng basura ang ikinabubuhay ni Anthony Lansangan Sr., 45 anyos, at ng kanyang pamilya. Anim ang kanyang anak, tatlo ang isinasama niya sa pamamasura. Ang kanyang panganay na babae na ngayo’y may asawa na, ang kanyang Junior at isa pang anak na lalaki. Sa tatlo pa niyang anak, dalawa ang nag-aaral.

Isa ang pamilya ni Mang Anthony sa nagsisiksikang mga pamilya sa Vitas, Tondo, Maynila. Ang pamilya niya mismo ay nagkakasya sa isang maliit na kuwartong hindi maituturing na bahay. Kasama niya pa roon ang kanyang panganay at ang asawa nito.

Sa liit ng kanilang “bahay,” sa labas na sila nagluluto. Sa pinag-ubrang kalan na de-uling.

Pagdating ng alas-siyete ng gabi, lumalarga na sina Mang Anthony gamit ang nahiram na sidecar sa kalapit na junkshop. Wala silang puhunan, namumulot lang talaga sila ng mga basura mula Tondo, minsan hanggang Chinatown sa Binondo. Kailangang gabi silang lumakad dahil marami umanong “kalaban” sa pamumulot ng basura.

“Una na ang Anti-Littering (Law), binabawalan kami ng mga tao na mangalkal ng basura nila, lalo na yung mayayaman. Minsan naman, nakukursunadahan ng mga tambay at adik dahil alanganging oras ng gabi kami namamasura,” aniya.

Mga batang naliligo sa maruming ilog sa Vitas, Tondo na karatig ng bundok ng basura. (Darius Galang)
Mga batang naliligo sa maruming ilog sa Vitas, Tondo na karatig ng bundok ng basura. (Darius Galang)

Mula sa mga basurahan ay kinukuha nila at pinagsasama-sama ang mga plastic, papel, lata, bakal at iba pang puwedeng ibenta. Depende sa dami ng nakuhang kalakal ang kanilang pag-uwi. Kapag napuno agad ang dala nilang sidecar, nakakauwi sila ng bandang alas-tres ng madaling araw. Pero kadalasan, inaabutan na sila ng pagputok ng araw habang papauwi.

Bukod sa mga panganib na nabanggit ni mang anthony, kalaban din nila ang pagkalason mula sa mga pagkaing pinupulot nila mula sa basura. Hindi lang minsang nalason ang kanyang anak dahil sa panis na pagkain. Bukod pa rito ang pagkalason dahil sa gamot na iniispray umano ng mga mayayaman sa kanilang basura para hindi iyon mangamoy. Pero simple lang ang panlaban ng lahat ng mga namamasura sa pagkalason. Dalawang kutsarang asukal na nilusaw sa mainit na tubig, ayos na, ayon kay mang anthony. “walang pambayad sa ospital pero kailangang mabuhay”, aniya.

Simple lang din ang hiling ni Mang Anthony sa gobyerno. Kaunting puhunan para sa maliit na negosyo at pang-aral sa kanyang dalawang anak. “Mahirap ang ganitong trabaho pero wala naman akong ibang mapasukan. Matanda na ako at tinatanggihan na sa pagmamason. ’Yung mga anak ko, pumapasok nang hindi kumakain, paano naman sila matututo?” Himutok niya.

Hinahanap niya ang pangakong tulong ng gobyerno. Kuwento niya pa, mahigit isang buwan na ang nakakaraan nang magpunta sa kanilang lugar ang mga taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD), pero hindi pa rin bumabalik hanggang ngayon.

“Sana nama’y maalala kami ng gobyerno,” ani Mang Anthony.