Uncategorized

Ang paglaban ng pelikula ni Fanny Serrano sa 2nd Soho International Film Festival sa New York


Muli, itataas ni Fanny Serrano ang bandila para sa mga bakla. Ito ay hindi sa pagmamanikurista o pangungulot o pagtabas at pananahi ng damit kundi sa pag-arte sa pelikula. Malugod na ibinabando ni Fanny na ang kanyang “Tarima” na idinirek ni Neal “Buboy” Tan ay napili at naimbitahan sa ika-2  sa New York. Mismong ang […]

Muli, itataas ni Fanny Serrano ang bandila para sa mga bakla.

Ito ay hindi sa pagmamanikurista o pangungulot o pagtabas at pananahi ng damit kundi sa pag-arte sa pelikula.

Malugod na ibinabando ni Fanny na ang kanyang “Tarima” na idinirek ni Neal “Buboy” Tan ay napili at naimbitahan sa ika-2  sa New York.

Mismong ang tagapag-organisa ng pestibal na si Jorge Ballos ang nag-anyaya kay Fanny at kay Neal na dalhin ang kanilang pelikula sa kanyang okasyon.

Ang “Tarima” ay kuwento ng isang bading na bilanggo na naging makulay ang buhay sa loob ng kulungan at ang pag-ibig sa kapwa lalaki ay umusbong at umigting.

Nagpapataas ng pagtingin sa mga binabae ang pelikulang ito, ayon kina Tan at Serrano.

***

Ayon kay TF, ang palayaw ngayon ni Fanny, hindi mga kritiko o manonood ng pelikula ang pumili sa kanilang obra para mapasok sa Soho kundi mga estudyante.

“Mga students mula sa iba’t ibang eskuwelahan sa New York ang nanood at pumili ng mga pelikula na isasali sa festival at nagustuhan daw ng mga estudyante ang pelikula namin,” masayang pagbabalita ni TF.

“Hindi lang mga Amerikano kundi iba’t ibang mga lahi sa buong mundo ang pumili sa aming pelikula kaya it’s our honor na mapasama sa festival na ito,” wika ni Fanny sa St. Dominic Complex ng St. Dominic College of Asia sa Aguinaldo Boulevard sa Bacoor, Cavite kamakailan kung saan ginanap ang ika-9 na Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring Akademisyan ng Aninong Gumagalaw kung saan nagwagi si Serrano ng Best Actor katabla si Coco Martin para sa “Noy” ni Dondon Santos.

Kaya lumulutang sa alapaap si Fanny sa mga karangalang tinatanggap ng kanyang pelikula sa loob at labas ng Pilipinas.

Natanggap naman ni Buboy ang karangalang Best Director kasama ang apat pang direktor na sina Laurice Guillen para sa “Sa’Yo Lamang,” Joel Lamangan para sa “Sigwa,” Adolf Alix, Jr. para sa “Presa” at Mark Meily para sa “Donor.”

O, di ba, lima-lima ang nanalong pinakamahusay na direktor at ang kanila ring mga pelikula ang nag-uwi ng parangal na Best Film.

***

Iba naman ang pakulo o maaaring tawaging paepek ng Gawad Tanglaw sa kanilang sangkatutak na pinarangalan sa kanilang awards night.

Ayon sa tagapag-organisa ng organisasyon na si Dr. Flaviano Lirio, parang sa mga paaralan din ang paggagawad nila ng parangal.

“Sa mga schools, hindi lang iisa ang summa cum laude o magna cum laude o cum laude. Kahit na ilan ang pagkalooban ng honors sa schools bastat deserving lang, let it ba,” pahayag ni Lirio.

O, may reklamo?

Pumayag naman kaya ang miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon sa ginawang parametro ng mga taga-Gawad Tanglaw sa proklamasyon ng napakaraming mahuhusay na pelikula at direktor?

Ano rin ang masasabi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino?

***

Sa Best Actress, imbes na best ensemble acting ang igawad, ang mga bidang babae sa “Presa” ang idineklarang indibidwla na mahuhusay na aktres gaya nina Tetchie Agbayani, Angeli Bayani, Anita Linda, Ina Feleo, Daria Ramirez, Perla Bautista, Jodi Sta. Maria, Liza Lorena at Rosanna Roces.

Hindi naman kumpletong dumalo ang mga babaing artistang ito kundi sina Tetchie, Anita, Ina at Perla lang ang nakadatal sa gabi ng parangal.

May nakakaintriga at napapanahong pakiusap si Bautista sa presidente ng bansa na kahit hindi niya tinuran ang pangalan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ay so Noynoy mismo ang tinitukoy ng beteranang aktres.

“Sana naman ay makalaya na ang matatandang babaing presa sa mga correctional institution sa bansa. Ang dami nila. Matatanda na ay nasa loob pa ng kulungan. Nakakaawa sila. Sana naman ay aprubahan na ng Presidente ang clemency sa kanila,” hiling ni Baby, palayaw ni Perla.

***

Sa Best Supporting Actress ay nag-tie sina Rustica Carpio at Gloria Romero para rin sa “Presa” samantalang nagtabla sa Best Supporting Actor sina Joem Bascon para sa “Noy” at Rocky Salumbides para sa “Muli.”

Siyanga pala, ang punta nina Fanny at Neal sa New York ay sa ika-15 ng Abril dahil ang simula ng ika-2 Soho ay sa ika-16 hanggang ika-22 ng Abril, 2011.

“Nag-aasikaso pa kami ng travel documents namin. ‘Yong visa ko, inaasikaso ko pa,” pagtatapat ni Buboy.

Ayon kay Fanny, gagawin nila ang lahat para makapag-uwi ng karangalan para sa ating mga Filipino.

***

Nagwagi naman ang ABS-CBN ng Station of the Year Award sa Gawad Tanglaw samantalang nanalo uli si Mario V. Dumaual ng Best Showbiz Field Reporter Award samantalang sina Ricky Gallardo, Dolly Anne Carvajal, Crispina Martinez-Belen at Ricky Lo ang nag-uwi ng karangalang Beest Entertainment Columnist sa mga pahayagang Ingles.

Kadarating lang mula sa Mindanao ni Ricky at kalalapag lang niya sa eroplano at dire-diretso siya sa Bacoor para tanggapin ang kanyang medalya at sertipiko ng karangalan.

Samantala, ayon kay Dolly Anne, baka maipedestal na siya sa Hall of Fame ng grupo dahil halos taun-taon ay nagwawagi siya ng parangal mula sa samahan nina Lirio, Dr. Jaime Ang, Terry Cagayat-Bagalso at marami pang iba.