Demolisyon sa North Triangle napigilan; EDSA Ave. simbolikong hinarang


Napigilan ng mga residente ng Sityo San Roque sa North Triangle, Quezon City ang panibagong tangka ng demolisyon sa kanilang komunidad ngayong araw. Ala-sais pa lamang ng madaling araw, nagtayo na ng barikada ang mga residente para depensahan ang kanilang komunidad laban sa napamalitang pananalakay ng mga demolition team ng National Housing Authority (NHA). Nagkalat […]

Simbolikong pagharang sa EDSA Ave. sa matagumpay na pagpigil sa demolisyon sa North Triangle, Quezon City (Macky Macaspac)

Napigilan ng mga residente ng Sityo San Roque sa North Triangle, Quezon City ang panibagong tangka ng demolisyon sa kanilang komunidad ngayong araw.

Ala-sais pa lamang ng madaling araw, nagtayo na ng barikada ang mga residente para depensahan ang kanilang komunidad laban sa napamalitang pananalakay ng mga demolition team ng National Housing Authority (NHA). Nagkalat din ang mga elemento ng Philippine National Police sa paligid ng EDSA Ave. at Agham Rd.

Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), mismong si Quezon City Mayor Herbert Bautista ang nag-anunsiyo sa House Committee on Housing and Urban Development noong Marso 9 na itutuloy ang demolisyon ngayong araw.

Ngunit bandang alas-dose ng tanghali at hindi dumating ang mga demolition team, idineklara ng mga residente na tagumpay ang kanilang barikada.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Pinoy Weekly, ipinag-utos ni Kal. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government sa NHA na ipagpaliban muna ang demolisyon. Gayunpaman, nakahanda ang mga residente na muling labanan ito. Marami sa kanila ang lumiban muna sa trabaho para tumulong sa pagdedepensa ng kanilang mga kabahayan.

“Lumipas man ang ilang buwan, hindi nawawala ang kahandaan ng mga taga-San Roque sa panibagong tangka ng demolisyon.  At hindi rin nagbabago ang aming panawagan para sa pagbabasura ng proyektong QC-CBD (Quezon City Central Business District,” ani Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kadamay.

Dagdag pa ni Badion, “Nakahanda kaming tumbasan, o higitan pa, ang lakas at militansya na ipinakita namin noong Setyembre 23.”

Noong Setyembre 23, 2010, nauwi sa karahasan ang tangkang demolisyon sa Sityo San Roque, na nakapigil din sa trapik sa EDSA Ave. Matapos ang bigong demolisyon, pumayag si Pang. Benigno Aquino III sa moratorium, na nakatakdang magtapos ngayong buwan. Ngunit tumatanggi pa rin ang mga residente na lisanin ang lugar, dahil wala pa ring maayos na relokasyong maibigay ang gobyernong Aquino.

Bilang protesta laban sa demolisyon at proyektong QC-CBD, simbolikong hinarang ng ilang mga residente at miyembro ng grupong kabataan ang EDSA Ave. malapit sa North Ave. Tumagal ang pagharang ng halos tatlong minuto.

Mga larawan ng pagharang sa EDSA (Macky Macaspac):