Dula tungkol sa buhay ng mga manggagawang Pinay itinanghal sa US


Itinatanghal ng mga kababaihang migranteng Pinay sa isang dula ang mga kuwento ng kanilang mga buhay bilang mga domestic worker.

Kolektibo ang paglikha ng mga kababaihan sa kanilang dula.
Kolektibo ang paglikha ng mga kababaihan sa kanilang dula.

Isang dulang pinamagatang “Diwang Pinay: Kasaysayan ng Kababaihang Migranteng Manggagawa ang itinatanghal ngayon sa New York City, USA. Naubos ang tiket sa unang pagpapalabas nito noong Marso 6 habang inaantabayanan naman ang muling pagtatanghal nito sa Marso 13.

Ang naturang dula, na inihandog ng Filipinas for Rights and Empowerment (FiRE) – GABRIELA-USA sa pakikipagtulungan sa Kabalikat Domestic Workers Support Network, isang programa ng Philippine Forum, ay nagtatampok sa tunay na buhay ng mga Filipino domestic worker sa NYC. Ang dula ay halaw a mga unang karanasan ng mga domestic worker sa Kabalikat.

“Ang ilan sa mga istorya ng kababaihan ay mahirap ikuwento dahil mga kuwento ito ng trauma at kahirapan, ayon kay Candice Sering,” direktor ng Diwang Pinay. Aniya pa dahil inaaari nila ang mga kuwentong ito, ikinukuwento nilang magkakasama, nagagawa nilang kayanin ang kahirapan at pagaanin ito.

Nagsimula ang pagbuo ng dula noong Pebrero 2010. Sa loob ng isang buong taon, ang grupong ito ng mga Pinay anuman ang edad ay nagsama-sama at nakilahok sa mga worksyap sa Theater of the Oppressed, kolaboratibong pagsusulat at sa pag-aaral ng teatro.

Ipinakikita ng dula ang “behind-the-scenes” ng araw-araw na gawain ng bawat domestic worker sa New York mula sa kanilang sariling pananaw. Inilalantad din nito ang kahirapang hinaharap ng mga migranteng babae, dahil sa pagkawalay sa kanilang mga pamilya sa mahabang panahon habang kasabay na binibigyang kahulugan ang kanilang mga papel bilang ina, anak, tiyahin at kapatid. Isiniwalat din nila ang mga pakikipagsapalaran ng mga bagong migranteng nakikiangkop sa buhay sa NYC.

Sa huli, ipinakikita rin ng dula ang pag-angkop ng migranteng manggagawang kababaihan at ang kapangyarihan ng komunidad. “Ang dulang ito ay tungkol sa kalagayan ng mga domestic worker, pero ito ay tungkol sa aming buhay, sa aming kuwento,” ayon kay Lorena Sanchez, koordineytor para sa Kabalikat. “Ibinabahagi namin ang tunay naming kuwento sa buong mundo sa unang pagkakataon,” aniya pa.

Ang dula ay isang pagdiriwang na rin ng ikaapat na taong anibersaryo ng Kabalikat at kasabay ng pagdiriwang ng Internasyunal na Araw ng Kababaihan ngayong Marso 8. Ang pakikibaka ng migranteng kababaihan na nagtatrabaho sa NYC ngayon ay tumitindi dahil sa lumalaking anti-migranteng polisiya pero ang pangangailangan sa kanilang trabaho ay hindi nawawala.