Bravo, Miguel!


Rebyu ng nobelang Ilustrado ni Miguel Syjuco

Ilustrado ni Miguel Syjuco

‘Yan na lang ang pamagat kasi naging paboritong ekspresyon natin ito para purihin ang isang taong nakakaisip o nakakagawa ng katangi-tanging bagay, kahit hindi naman talaga Miguel ang kanyang pangalan. Pero dalawa lang sana ang naiisip kong pamagat para sa rebyung ito: “Kuko ng Liwanag” (pasintabi kay Edgardo Reyes) o di  kaya’y “Nasaan ang Liwanag?” (pasintabi kay Willy Garte). Kayo na lang ang bahala sa posibilidad.

Isang napakaseryosong rebyu sana ang inihahanda ko para sa nobelang ito. Lalupa’t ang pinakapinag-usapang akda ng isang Pilipino sa buong daigdig nitong nakaraang taon ay siya na ngang ang nobelang Ilustrado. Sa wakas, wika ng mga nahumaling na kritiko, muling kinilala’t pinuri ang tinig ng isang Pilipino sa pandaigdigang panitikan. Matapos mabalitaan ang swerteng ito ng awtor na si Miguel Syjuco, ilan din kayang eredero’t eredera ang nagmuni na magkaroon ng maningning na karera sa literatura, sa  halip na akuin ang kanilang maruming kapalaran sa pulitika at negosyo?

Seryoso sana ang rebyu dahil sa mga unang pahina pa lamang ng nobela ay agad nang maeengganyo ang mambabasa sa ipinapangako nitong “liwanag.” Sa napakalinis na prosa ay tila nagtatangka ito na ilantad ang karimarimarim at umaalingasaw na kabulukan, ng kanser ng lipunan. Syempre, isa itong halaw sa progresibong tradisyon ng mga pambansang bayaning aral, na siyang nagpapaliwanag sa pangahas na pamagat ng nobela.

Lulan ng isang simpleng misteryo ang mga kumplikadong usaping nais lutasin ng kwento – ang pagkamatay ng tanyag na manunulat na si Crispin Salvador – “guru” ng estudyante/manunulat na ang ngalan ay Miguel Syjuco, at ang kaugnay na palaisipan sa pagkawala ng manuskito ng huling obra maestra ni Salvador na may pamagat na The Bridges Ablaze. Ang huli ay isang akda na tulad mismo ng Ilustrado: tila nangangako na magsisiwalat ng katotohanan sa papel at sabwatan ng lokal na naghaharing uri sa kalugmukan, kahirapan at pagka-atrasado ng lipunang Pilipino.

Si Salvador, tulad ng Syjuco ng nobela at Syjuco na awtor ay mula mismo sa pamilya ng mga asendero’t malaking kumprador na nasa poder sa lokal na pulitika. Sa nobela, sila’y mga manunulat na nangibang-bayan at piniling manirahan sa pinakabonggang syudad ng New York. Sa kinulapol na pagbabalik-tanaw sa iba’t ibang “akda” at sa iba’t ibang aspeto ng buhay ni Salvador bilang anak, awtor, mangingibig, gerilya, ama, distyero – bumalik si Syjuco sa Pilipinas upang matuklasan ang sariling kasaysayan, at upang muling umugnay sa pamilyang nagtakwil at itinakwil mula nang piliin niya ang “walang kalatuy-latoy” na karera sa panitikan.