Katotohanang di mapasusubalian


Sa mga manggagawa at mamamayang naghihirap, hindi na debate pa kung kailangang itaas ba o hindi ang sahod ng mga manggagawa, at kung bakit dapat kontrolin ang presyo ng batayang mga produkto kabilang ang langis.

Dibuho ni Kendrik Bautista
Dibuho ni Kendrik Bautista

Sa mga manggagawa at mamamayang naghihirap, hindi na debate pa kung kailangang itaas ba o hindi ang sahod ng mga manggagawa, at kung bakit dapat kontrolin ang presyo ng batayang mga produkto kabilang ang langis.

Hindi na kailangan ng mga teorya sa ekonomiks, kailangan lang pakinggan ang sinasabi ng sikmura: Tumitindi ang gutom at kahirapan ng mga mamamayan. Hindi na kailangang intindihin pa ang mga turo sa akademya, kailangan lang magmasid sa paligid: Araw-araw, lalong nakokonsentra ang yaman ng bansa sa iilang nasa kapangyarihan. Lalong naghihirap ang mahihirap, lalong yumayaman silang mayayaman.

Pero ipinipilit ng nanunungkulan ngayong rehimen na huwag nating paniwalaan ang mga katotohanang ito. Sa press conference, halimbawa, sa Malakanyang kamakailan, sinabi ni Sek. Ricky Carandang na may “masalimuot na batayan sa ekonomiks” ang paninindigan ng Pangulo laban sa P125 dagdag-sahod. Lalong tataas raw ang presyo ng mga bilihin kung tutupdin ang P125 dagdag-sahod. Kapag itataas ang sahod ng manggagawa, titindi raw ang paghihirap ng manggaggawa. Samantala, idinahilan din ng mga tambolero sa Palasyo ang Salary Standardization Law 3 para di ibigay sa mga kawani ng gobyerno ang hinihinging P6,000 umento sa kanilang buwanang suweldo.

Para na ring sinabi nilang lumilipad ang aso, puti ang itim at mahiyain si Kris Aquino. Sino ang mapapaniwala nila?

Nagkakaisa ang mga inaapi sa panawagang ibaba ang presyo at itaas ang sahod.  Nagkakaisa silang hindi nito mapapasama ang ekonomiya (kasi ang mga nasa kapangyarihan, kapag sinabing “ekonomiya,” ang ibig sabihin lang ay “ekonomiya ng mga naghahari”) kundi kahit papaano’y makakaalwan pa. Nagkakaisa silang tungkulin ng gobyernong pumagitna para pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tapyasan ang dambuhalang kita ng mga kapitalista para ibigay sa ating manggagawang naglilikha ng yaman.

Nagkakaisa rin silang sa kanilang paninindigang sa kanilang sama-samang pagkilos lamang posibleng mapuwersa ang gobyernong pakinggan ang sambayanan.