Kontrata sa pagmimina, pagpaslang sa tagapagtanggol ng kalikasan, dumami sa administrasyong Aquino


Mas malaya nang nakapagmimina ang malalaking dayuhang kompanya dahil sa Public-Private Partnerships. Gayundin, anim na environmental activists na ang pinaslang sa unang 10 buwan ni Pangulong Aquino.

Nagsulat ang mga dumalo sa porum ng kanilang mga saloobin hinggil sa kalagayan ng kalikasan sa bansa. (Harianne Gasmen)

Hangga’t nananatiling maka-dayuhan ang oryentasyon ng pagmimina at pagtotroso sa bansa, hindi makakamit ang tunay na solusyon sa mga suliraning pangkalikasan.

Ito ay ayon sa mga iba’t ibang grupong pangkalikasan na nagpulong sa 2011 State of the Philippine Environment Forum na ginanap noong April 14 sa Balay Kalinaw, University of the Philippines Diliman.

Bahagi ng paghahanda sa nalalapit na Earth Day, inorganisa ang porum ng Center for Environmental Concerns-Philippines (CEC), Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), at ng National Council of Churches in the Philippines para ilahad ang kalagayan ng kalikasan sa bansa, halos isang taon matapos maupo sa puwesto si Pang. Benigno Aquino III.

PPPs, pabor sa pagmimina

Ayon kay Frances Quimpo, executive director ng CEC, wala pa ring malinaw na polisiya ang pamahalaan sa pangangalaga ng mga likas na yaman, at sa halip ay naging “Rah! Rah! president” pa si Aquino ng malalaking kompanya ng pagmimina dahil sa isinusulong nitong mga Public-Private Partnership.

Aniya, patuloy pa ang pagdami ng mga kontrata sa pagmimina na inaaprubahan ng gobyerno. Mahigit 65% ang inakyat ng mga ito mula 2009 hanggang 2010, at umabot na sa 785 ang mining agreements na napirmahan ng pamahalaan nitong Marso lamang. Karamihan sa mga ito ay nakapangalan sa mga dayuhang kompanya.

Atty. Emerio Sabulao, provincial board member ng Eastern Samar (kaliwa) at Marjorie Pamintuan, tagapangsalita ng Kalikasan-PNE (Harianne Gasmen)

Marami rin umanong butas ang Executive Order 23, na hindi tuluyang ipinagbawal ang pagtotroso, at nagpataw lamang ng moratorium sa bagong mga kontrata. Sa bisa ng EO 23 na pinirmahan ni Aquino noong Pebrero, itinayo ng Malakanyang ang anti-illegal logging task force, ngunit hindi nagbigay ng solusyon sa mas malawakan at nakakapaminsalang commercial logging.

Lubhang nakakabahala rin, ani Marjorie Pamintuan, tagapagsalita ng Kalikasan-PNE, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ayon kay Pamintuan, sa loob lamang ng 10 buwan na panunungkulan ni Aquino ay mayroon kaagad anim na kaso ng pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan o environmental activist. Kabilang sa mga ito ang pamamaslang kay Gerry Ortega, isang mamamahayag na kumokontra sa pagmimina sa Palawan, at ang pagkakabaril ng mga tropang militar sa kilalang UP botanist na si Dr. Leonard Co sa Leyte.

Greenwashing at SLAPP

Dagdag pa ni Pamintuan, ginagamit rin ng mga kompanya ng pagmimina ang Strategic Lawsuits Against Public Participation (SLAPP) laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Karaniwan nang sinasampa ang mga kasong libel at grave slander sa mga environmentalist na tumutuligsa sa malalaking proyektong pagmimina. Magastos at mahaba ang proseso ng paglilitis sa bansa, at lubhang nakakahadlang sa pagsulong ng mga aktibista sa kanilang mga adhikain.

Isa rin taktika, ayon naman kay Quimpo, ang “greenwashing”, o ang pagpapabango ng mga kompanya ng pagmimina ng kanilang mga pangalan sa midya, sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa.

Ngunit sinabi rin ni Quimpo na humahantong din lamang sa panunuhol ang mga ganitong proyekto, sapagkat kapalit ng mga alok ng trabaho at pagtatayo ng mga paaralan, kadalasang hinihingi ng mga kompanya sa mga lokal na residente ang pagtiwalag sa mga kilusang kontra-pagmimina.

Ani naman Atty. Emerio Sabulao, provincial board member ng Eastern Samar, maraming mga batas ang Pilipinas ukol sa pagmimina, ngunit hindi nagiging maayos ang implementasyon ng mga ito.

Sama-samang pagkilos

Nilinaw ni Pamintuan na ang pagmimina ay tunay namang makakatulong sa industrialisasyon ng bansa, ngunit dapat hindi ang mga “dayuhang mandarambong” ang nakikinabang nang husto sa ating mga likas na yaman.

Sa huli, hinikayat niya ang lahat na makiisa sa mga pagkilos kapwa sa lokal at pambansang antas upang matigil ang pagsira sa kalikasan. Tinukoy niya ang Marinduque at South Cotabato bilang mga probinsyang naging matagumpay sa pagsasabatas ng pangmatagalang mga mining moratorium. Ito, aniya, ay dahil sa kolektibong partisipasyon ng lahat ng mga sektor na mga nasabing pamayanan.

Isang malaking hamon sa taumbayan ang pagtatatanggol sa pambansang patrimonya, sabi ni Quimpo. “What the government can’t or won’t do, the people can,” aniya.