Uncategorized

Nakakapagpaangat ng puwet sa silya ang pelikula ni Joel Lamangan


Bihira ang pelikulang Filipino na drama at hitik sa aksyon na nakakapagpaangat ng puwet ng isang manonood sa silya at ang pinakahuling huling obra ni Joel Lamangan na “Deadline” ang isa sa mga ito. Hindi naman katatakutan ang tinalakay ni Joel sa kanyang istorya sa mga maraming anggulo pero maaari ring tawaging katatakutan dahil sa […]

Direk Joel Lamangan at Lovi Poe, sa press screening para sa pelikulang "Deadline." (KR Guda)
Direk Joel Lamangan at Lovi Poe, sa press screening para sa pelikulang "Deadline." (KR Guda)

Bihira ang pelikulang Filipino na drama at hitik sa aksyon na nakakapagpaangat ng puwet ng isang manonood sa silya at ang pinakahuling huling obra ni Joel Lamangan na “Deadline” ang isa sa mga ito.

Hindi naman katatakutan ang tinalakay ni Joel sa kanyang istorya sa mga maraming anggulo pero maaari ring tawaging katatakutan dahil sa terorismong inhahasik ng kasamaan ng buhong na mga karakter—bagamat hindi sa tipikal na kahulugan ng katatakutan o horror.

Dahil ang “Deadline” ay tungkol sa pagpaslang sa mga peryodista sa mga nagdaang dekada at sa kasalukuyang panahon.

***

Maraming tagpo ang pelikula na kahindik-hindik lalo na nang ipapapatay na ng demonyong gobernador (na ginagampanan ni Tirso Cruz III) ang mga mamamahayag na pilit na winawasak ang kanyang kapangyarihan nang dahil sa ang isang ugat ay katiwalian.

“Patayin silang lahat!” pag-uutos ng pulitiko.

Kaya naman ang kanyang mga alagad (na ang ilan ay sina John Apacible at Richard Quan ang lumalabas) ay isa-isang kumilos para paslangian nang maramihan—dahil nagpatawag ng presscon si Lovi Poe na siyang nagbibigay-buhay sa isang TV broadcaster na matapang at progresibo.

Naghahabulan ang mga isip at damdamin ng mga tauhan kaya nakikipaghagaran din ang mga utak at puso ng mga manonood sa mga susunod na pangyayari na kailangang magtagumpay ay ang kabutihan.

***

Nagtungo si TJ Trinidad, ang lumalabas na PR man sa kuwento ni Bonifacio Ilagan, sa isang upisina ng media sa Mindanao para hanapin si Lovi pero ang sabi ng nakausap niya’y may tatlong lalaking naghahanap sa TV hostess.

Tinawagan agad ni TJ si Poe at sinabihang mag-ingat at pupuntahan niya ito agad sa kinaroroonan.

Nang magkita sina Trinidad at Lovi ay pinaghanda agad ng publicist ang TV personality dahil may banta sa dalaga ang mga di-kilalang tao.

Magkakasama na nga sa van sina TJ, Lovi at ang kani-kanilang kawaksi (cameraman at Production Assistant sa panig ni Poe) para sunduin si Allen Dizon na siyang gumaganap na peryodistang Muslim at Ina Feleo, ang kasintahan nito.

***

Dumarating naman sa kasunod na eksena sa pinanggalingan nina Lovi at TJ ang mga bodyguard ng gobernador na sina Richard at John pero hindi na nila naabutan ang mga hinahanap.

Ang isa pang nakakapangilabot at nakakapagpaalsa sa upuan ay ang pagtakas nina Allen, Ina at isang kasamahang mamamahayag na Muslim na babae.

Tatakas sila dahil natuklasan na ng mga tauhan ng gobernador ang kuta ng mga aktibistang manunulat nang masundan ng mga ito si Jim Pabenco na siyang may-ari ng pinagkukutan at isa sa mga tagasuporta ng matatapang na journalist.

Naiwan sa kuta si Benjie Felipe, isa ring Muslim na humahawak ng baril na peryodista na naninindigan sa pananalig kay Allah sa gitna ng kaguluhan.

***

Namaybay sina Dizon at Feleo sa mga gubat para lang makatagpo sina TJ at Lovi.

Nakapagkanlong naman sila sa bahay ng isang sumisimpatyang kapwa Muslim na babae at ginabayan sila nito papunta sa pagdarausan ng presscon.

Lalo pang tumindi ang tensyon at pagkahindik sa mga sandaling ito kaya naman lalo pang tumataas ang pananabik sa magiging pagkakalas ng mga tunggalian sa kuwento.

Nang magkita pa sina Allen at Lovi ay katakut-takot na yakapan, pananabik at konting pagtangis kaya naman ang mga manonood ay pilit silang pinagmamadali para hindi maabutan ng mga papatay sa kanila.

***

Lalo pang tumaas ang tensyon sa oras ng presscon kung saan nasa loob ng lugar ang mga bodyguard ng gobernador.

Ito ang nakita ng kapatid ni Allen na saksi sa pagpatay ng isang buhong na may tattoo ng mga rosas sa braso.

Ito si John Apacible.

Kaya ibinulong ng utol ni Dizon kay Lovi ang presensiya ng buhong at ibinulong naman ni Poe kay TJ at nang anyong susunod na ang huli sa mga pusakal ay sumabog na ang bomba.

Nagkalat ang mga patay at sugat kasama ang mga naghihingalo sa sahig ng pinagarausan ng presscon.

Pinatay din si John sa huli.

Sa katunayan, sa tunay na buhay ay pinatay rin si Apacible ng kanyang tiyo sa isang inuman.

Handog ng produksyon ang pelikula hindi lang sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen ng pagpatay sa mga peryodista kundi sa pagyao at pagpaslang din kay John Apacible.