Istorya ng Linggo

Paghigpit ng sinturon, ‘di solusyon sa pagtaas ng presyo ng bigas’


Sagad na ang gutom ng mga maralita, kaya’t hindi na kakayanin pa ang panibagong pagtaas sa presyo ng bigas na dulot ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Pagtaas ng presyo ng bigas, dahil pa rin sa oil price hikes: Nangalampag ng walang-laman na mga kaldero ang mga miyembro ng Anakpawis Party-list sa estasyon ng Petron sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)

Isa o dalawang beses na lamang sa isang araw kumakain ang 31-anyos na si Abby Quizon. Kaya naman nang malaman na walang magawa ang gobyernong Aquino sa P2 kada kilo na pagtaas sa presyo ng bigas at sinisisi pa ang mga “nag-aaksaya” ng kanin, lalo siyang nagngalit.

“Wala na kaming matitipid, sagad na ang gutom namin,” aniya sa isang piket ng Anakpawis Party-list sa estasyon ng Petron sa Kamias Rd. sa Quezon City.

Bagaman sinabi ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na sapat ang suplay ng bigas, inamin ng gobyerno na tumaas na ang presyo nito sa merkado dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Lubhang apektado ang mga kagaya ni Abby sa bawat pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, dahil tricycle driver ang kanyang asawa. Dahil sa liit ng kita, napipilitan si Abby na mangalahig o mangariton, dahil wala rin siyang sariling trabaho. Ito rin ang dahilan kung bakit nagdesisyon silang mag-asawa na huwag munang mag-anak. “At least, dalawa lang kaming magugutom,” aniya.

Abby Quizon, isang maralitang residente ng Quezon City, at Joel Maglunsod, executive vice-president ng Anakpawis Party-list (Ilang-Ilang Quijano)

Umaasa na lamang siya sa pagbaba ng presyo ng gasolina at ng iba pang mga bilihin. Ngunit alam niyang hindi ito kusang mangyayari. Kaya naman lumahok siya sa koordinadong mga noise barrage at pagkilos ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan ngayong araw para ipanawagan ang dagdag-sahod at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Joel Maglunsod, executive vice-president ng Anakpawis, na hindi dapat isisi ng gobyerno sa mga mamamayang nagdurusa sa gutom ang krisis sa bigas, kundi sa sarili nitong kabiguang kontrolin ang presyo.

Ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations, tumaas ang bilang ng mga pamilyang nagugutom, mula 3.4 milyon noong 2010 sa 4.1 milyon ngayong taon.

Dagdag pa ni Maglunsod, kabilang pa sa mga ugat ng krisis sa bigas ang “bansot na agrikultura dahil sa pangangamkam ng lupa” at “maling prayoridad sa ekonomiya dahil sa napakalaking inaangkat na bigas gayong napakalawak naman ng mga sakahan.”

Panukala niya sa NFA, sa halip na itulak ang katawa-tawa at kontra-mahihirap na mga solusyon gaya ng pagbabawal ng unlimited rice sa mga kainan, dapat nitong dagdagan ang badyet para sa pagbili ng palay mula sa lokal na mga magsasaka.

“Sila ang direktang bumili sa palay ng mga magsasaka sa mas mataas na presyo, para maengganyo ang ating mga magsasaka na magprodyus ng palay.” Aniya, lubhang apektado ang mga magsasaka ng palay sa mababang presyo ng pagbili sa kanilang produkto, at sa mataas na gastos sa produksiyon.

Idinagdag pa niya na kung seryoso ang gobyernong Aquino sa pag-ampat ng presyo ng bigas, dapat nitong buwagin ang mga kartel sa bigas. Inihayag kamakailan ni Sek. Proseso Alcala ng DA na posibleng kagagawan ng kartel sa bigas ang umano’y ulat ng National Intelligence Coordinating Agency na nagbababala ng krisis sa bigas.

“Alam naman nila kung sinu-sino ang mga kartel na iyan, bakit hindi sila parusahan?” ani Maglunsod.

Samantala, sa isang noise barrage sa E. Rodriguez Ave. sa Quezon City, sinabi ng grupong Gabriela na “nakakaalarma” ang pagtaas ng presyo ng bigas, sa gitna ng pagtaas ng presyo ng iba pang batayang bilihin. Hindi na umano nakakasapat ang anumang gimik ng gobyernong Arroyo para pantawid sa krisis, gaya ng oil subsidy at kakarampot na dagdag-sahod sa pamamagitan ng mga Regional Wage Board.

“Ano ang sunod sa mga pantawid na gimik? Isang Pantawid Sinaing Program? Ang isa na namang iskemang subsidyo ay hindi sapat para maampat ang malalang problema gaya ng krisis sa presyo ng bigas,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Para kay Abby, mahalaga ang pagkilos sa darating na Mayo 1, Araw ng Paggawa, para igiit sa gobyernong Aquino ang makabuluhang dagdag-sahod at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin.

“Handa kaming magpagod at magpawis sa lansangan, dahil sa panahong ito, kailangang magkaisa ang mga mamamayan,” aniya.