Ang paghahari ng independent filmmaking sa Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino
PANAHON na ng pamamayagpag ng independent o indie filmmaking sa Pilipinas at sa buong mundo. Kahit naman sa Hollywood at iba pang panig ng daigdig ay ang digital filmmaking na ang ginagamit ng mga alagad ng sining at ito ang diwa ng kontemporaryong panahon sa pelikula. Sa Pilipinas ay sangrekwa na ang produksyon ng indie […]
PANAHON na ng pamamayagpag ng independent o indie filmmaking sa Pilipinas at sa buong mundo.
Kahit naman sa Hollywood at iba pang panig ng daigdig ay ang digital filmmaking na ang ginagamit ng mga alagad ng sining at ito ang diwa ng kontemporaryong panahon sa pelikula.
Sa Pilipinas ay sangrekwa na ang produksyon ng indie at ito ay repleksyon sa pinakabagong resulta ng mga nagwagi sa ika-34 taon ng Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.
Alam na naman natin ang birtud ng MPP sa showbiz at sa labas ng larangan.
***
Maimpluwensiya sa pagsusuri at pagkakaloob ng parangal ang Urian sa mga produktong pampelikula ng lokal na industriya ng sine.
Napakataas pa ng kredibilidad ng organisasyong ito sa pamamahagi ng mga karangalan.
Patuloy na namamayani ang grupong ito na ngayon ay binubuo nina Nicanor G. Tiongcon, Lito Zulueta, Bienvenido Lumbera, Mario Hernando, Grace Javier Alfonso, Butch Francisco, Benilda Santos, Mike Rapatan, Rolando Tolentino at Tito Valiente.
Bagamat nagpahinga at nagbitiw na ang iba pang bigating miyembro nito, napapanatili pa rin ang pamantayan na ang pelikula ay kailangang salamin ng lipunan at ng kondisyon ng tao sa sosyedad na ito.
Kaya nga ang pelikula para sa mga Manunuri ay mahalaga sa mas nakararaming Filipino na pinatutungkulan ng parangal na ito para sa pagbabago ng pangit na lipunan.
***
Sa nominasyon pa lang ay nangibabaw na ang mga indieng pelikula at sa panalo ay ang mga natatangi rin sa mga ito.
Nagwagi bilang Pinakamahusay na Pelikula ng Taon ang “Ang Damgo ni Eleuteria” na tungkol sa isang babaing Bisayang mail-order bride para sa isang Aleman.
Naiuwi naman ni Fe GinGing Hyde ang Pinakamahusay na Aktres para sa obrang “Sheika” na tungkol sa pag-iwas ng isang babae sa karahasan sa digmaan sa Mindanao pero ang susuungin din pala niyang kasawian ay bunga rin ng himagsikan sa ibang bayan.
Pinakamahusay na Aktor naman si Sid Lucero para sa “Muli” na tungkol sa pag-i-engkuwentrong muli ng magsing-irog na bading na kasangkot sa kilusang makakaliwa.
***
Pinakamahusay na Direktor si Remton Siega Zuasola para sa “Ang Damgo ni Eleuteria” samantalang si Arnel Mardoquio ang Pinakamahusay na Mandudulang Pampelikula para sa “Sheika.”
Pinakamahusay na Ikalawang Aktres si Rosanna Roces para sa “Presa” tungkol sa buhay ng mga bilanggong babae at Pinakamahusay na Ikalawang Aktor si Joem Bascon sa “Noy” tungkol sa isang bata at walang alam na kameraman na kumukuha sa panahon ng kampanya ng noon ay kandidato sa pagkapresidente na si Benigno Simeon C. Aquino III.
***
Pinakamahusay na Sinematograpiya ang “Ang Damgo ni Eleuteria” na nilikha ni Christian Linaban.
Pinakamahusay na Disensyong Pamproduksyon ang “Amigo” ni Rodell Cruz.
Pinakamahusay na Editing ang “Sheika” nina Willie Apa, Jr at Arthur Ian Garcia para sa “Sheika.”
Pinakamahusay na Musika ang “Ang Damgo ni Eleuteria” na ginawa ni Jerrold Taog at Pinakamahusay na Tunod ang “Limbunan” na istorya ng sapilitang pagpapakasal sa Mindanao.
***
Pinakamahusay na Maikling Pelikula ang “Wag Kang Titingin” ni Pam Miras na tungkol sa epekto ng giyera sa Mindanao sa mga paslit at Pinakamahusay na Dokyumentaryo ang “Kano” ni Monster Jimenez tungkol sa pagkabilanggo ng isang Amerikano sa Baoclod City kaugnay sa panggagahasa sa mga Filipina.
Ginawaran naman si Jose F. Lacaba ng Natatanging Gawad Urian sa kanyang mga kontribusyon sa pagsulat ng mga dulang pampelikula.
Samantala, sina Coco Martin, Cherry Pie Picache at Gina Pareño ang mga Artista ng Dekada, ang parangal na ibinibigay sa pagsapit ng isang dekada.
Ang sampung natatanging pelikula na pinarangalan ng Dekada Awards ay ang “Tuhog” ni Jeffrey Jeturian, “Batang Westside” ni Lav Diaz, “Magnifico” ni Maryo J. de los Reyes, “Kubrador” ni Jeturian, “Ang Ebolusyon ng Pamilyang Pilipino” ni Diaz, “Babae sa Breakwater” ni Mario O’Hara at ang “Serbis,” “Lola” at “Kinatay” ni Brillante Mendoza.
***
Ipinagbubunyi ng Manunuri ang pamamayagpag ng makatuturang indie films.
At kahit na wala na sa grupo sina Jun Cruz Reyes, Ricardo Lee, Nestor Torre, Jr., Behn Cervantes, Alfred Yuson, Tessa Parel, Cristina Pantoja-Hidalgo, Mike Feria, Joel David, Emmanuel Reyes, Isagani Cruz, Mario Bautista, Rafael Ma. Guerrero, Ellen Paglinauan at ang mga namayapa nang sina Petronilo Bn. Daroy, Pio de Castro, Manny Pichel at Agustin Sotto ay tiyak na maliligayahan din sila sa pinili ng kanilang mga kasamahan.
Ang indie filmmaking ang paghamon ng Manunuri sa lokal na industriya ng pelikula para makatulong sa pagbuhay nito.
