Gloc9, Makata


Marami na ang nakarinig sa mga kanta niyang “Balita,” “Upuan” at sa pinakabagong single na “Walang Natira,” pero sino ba talaga si Gloc9

Gloc9, isang makata na naririnig sa kahit saang lugar.

I.
Konting konteksto lang: hindi naman talaga ako nahilig sa “Pinoy rap.” Ang pagka-ignorante kong ito ay susubukan kong ugatin sa praktikal kong karanasan. Noong bata pa ako, nagsulputang parang kabute ang mga lokal na rap acts sa radyo at telebisyon. Halos lahat sila’y may absurdo o kanluraning pangalan, o kaya’y apelyido na iisang letra lang – Lady Diane, Andrew E., Michael V., at iba pa. Habang tumatanda ako’t natututong magsuri, mas naengganyo ako sa musika na hindi masyadong pinatutugtog sa mga sikat na istasyon ng radyo, at sa kasamaang palad ay hindi rin masyadong napabilang dito ang rap o hip-hop. Kaya paumanhin sa mambabasa kung hindi ko kayang magpalawig batay sa ganitong anggulo.

Pero nagpasalamat na rin ako at nang lumaon ay napagtanto ni Michael V. na marami pa siyang ibang talento bukod sa pagra-rap. Gayundin, salamat naman sa basurang mga paksa at ideya na itinambak sa madla mula sa mga rap acts na kinontrata at pinahintulutan ng mga gahamang ehekutibo na mamayagpag sa lokal na industriya ng musika mula noon hanggang ngayon – tila naging mariin ang paniniwala ko noon na si Francis M. lamang ang tanging lokal na rap artist na maaaring seryosohin at irespeto.

II.
Pero kung respeto na rin lang ang pag-uuspan, sapul dito si Aristotle Pollisco. Pero sa kabila ng pagkakataong makapag-Google na naibigay sa akin nitong nakaraang ilang linggo, para bang wala pa rin akong nababasa tungkol sa kanya bukod sa araw-araw na pagbaha ng papuri mula sa mga tagahanga, mga press release at ilang pahapyaw na rebyu. Kaya bilang isa rin sa kanyang mga tagahanga, para bang naoobliga na akong magsulat tungkol kay Aristotle Pollisco, kahit na nga may mga limitasyon ako sa paggagap sa kultura ng rap o hip hop (at kahit na, maski isang plaka niya ay wala akong kakayanan o pagkakataong makabili). Pero teka, sino nga ulit?

Marahil, hindi pa rin alam ng ilan na pangalan din ito ng isang sikat na personalidad sa musika na tubong-Binangonan, Rizal. Sa unang dinig, sino ba itong ang pangalan ay para bang wala sa lugar na hiniram ng kanyang mga magulang mula sa isang sinaunang pilosopo? Pero nagiging eksakto si Pollisco sa payak niyang pagpapakilala sa isa pa niyang persona. Ang nilalang sa likod ng isang bahagi ng sinasabi niyang “dalawang buhay,” na hindi maikakailang kilala na ngayon ng napakaraming tao : Siya si Gloc9, isang makata na naririnig sa kahit saang lugar.

Pwedeng sa bus, sa palengke, o sa ngumangawang sound system ng kapitbahay. At dahil na nga sa sadya kong pang-iisnab sa lokal na rap, panaka-naka lang at di-sinasadya ang unang mga engkwentro ko sa mga pyesa ni Gloc -9. Halimbawa, dahil tagahanga ako ni Cooky Chua, napansin ko noon habang pinatutugtog sa kung saan-saan ang kanilang kolaborasyon sa “Bakit?” May ilang bahagi rin ng mga kanta niya ang ginamit ng grupong Sipat para sa kanilang award-winning na dokumentaryong “Mula sa Third Avenue hanggang sa Dulo” na tungkol sa pagkamulat ng ilang myembro ng mga gang ng kabataan sa Caloocan. Panalo nga. Pero dahil abala rin ako sa iba pang mga bagay at panaka-naka lang naman ang mga engkwentrong iyon, hindi agad naging sapat ang mga iyon para makumbinsi ako sa husay ni Gloc9.

Isang beses, napatambay ako sa isang maliit na pier sa probinsya dahil hindi pa puno ng pasahero ang traysikel na sasakyan ko. At sa loob ng kung ilang oras kong paghihintay, naka-fullblast sa isang sabog na ispiker ang piniratang kopya ng halu-halong mga kanta ni Gloc9. Dahil paulit-ulit kong narinig, noon ko na napansin na hindi ordinaryo ang padron ng kanyang himig at titik. Nakadagdag din sa halina ng mga pyesa ang mismong sabog na kalidad, gayundin ang tagpo kung saan ko napakinggan ang mga ito — nangibabaw ang kapangyarihan ng mga kanta na nasusundan, at sa aktwal ay sinasabayan pa nga ng ilang tagapakinig nito kahit sa isang magulo at mataong lugar. Noon din ay humingi ako ng kumpirmasyon sa mamang traysikel drayber – “Sino po ang kumanta n’yan?”

At sumagot siya na “Gloc9!” na para bang ako na lang ang hindi nakakaalam sa buong daigdig.