Limang taon nang nawawala: Takbo para kina Karen, Sherlyn at iba pang tinortyur
Sa araw na ipinagdiwang ng United Nations ang International Day in Support of Victims of Torture noong Hunyo 26, ginugunita rin ang pagdukot kina Sherlyn Cadapan, Karen Empeno, Manuel Merino, Prudencio Calubid, Celina Palma, Gloria Soco at Ariel Beloy. Sa kaso nina Cadapan, Empeno at Merino, malinaw sa mga testimonya na tinortyur sila. Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, malinaw na polisiya pa rin ng militar ang magtortyur.
Ipinagdiwang noong Hunyo 26 ang Pandaigdigang Araw ng Pagsuporta sa mga Biktima ng Tortyur. Noong araw ding iyon, ginunita ang ikalimang taong pagkawala nina (at diumano’y pagdukot at pagtortyur ng militar kina) Sherlyn Cadapan, Karen Empeno at Manuel Merino.
Mga estudyante sina Cadapan at Empeno ng Unibersidad ng Pilipinas na naging boluntir ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulakan, samantalang magsasaka sa Hagonoy, Bulacan si Merino. Dinukot sila ng pinaghihinalaang mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan, noong Hunyo 26, 2006 sa tahanan ni Merino sa Hagonoy.
Ang kasong pagdukot sa tatlo ang isa sa mga tampok na kasong nagdidiin sa Armed Forces of the Philippines sa sistematiko diumanong pag-atake sa mga aktibista, hinihinalang tagasuporta nila at hinihinalang simpatetiko sa tinaguriang pampulitikang Kaliwa sa bansa.
Itinuro ng mga saksi, kabilang si Raymond Manalo na kapwa biktima rin ng tortyur at nakatakas, si Palparan at iba pang opisyal at miyembro ng Philippine Army na direktang may kinalaman sa pagdukot, pagkulong at pagmamalupit sa tatlo.
Kamakaila’y iniutos ng Korte Suprema sa AFP na ilantad at pakawalan ang tatlo. Malinaw sa utos ng korte na kapani-paniwala ang mga testimonya ni Manalo na militar ang dumukot kina Cadapan, Empeno at Merino, at matagal nang nilalabag ng militar ang kanilang mga karapatan.
Patuloy na itinatanggi ng militar na nasa kustodiya nila ang tatlo.
Sa pamamagitan ng pagtakbo sa Academic Oval ng UP Diliman, ginunita ng mga grupong pangkarapatang pantao, sa pangunguna ng Karapatan, Desaparecidos, Hustisya at UP Kilos Na, ang pagdukot sa tatlo.
Para kay Marie Hilao-Enriquez, malinaw na ehemplo ng sistematikong paggamit ng tortyur ang nangyari – at maaaring nangyayari pa – kina Cadapan, Empeno at Merino.
“Ang lubos na masama rito ay ang harap-harapang pagtanggi ng AFP sa paggamit nila ng tortyur laban sa kanilang mga inaaresto at ikinukulong, at ipinalalabas nilang sinungaling pa ang mga biktima at testigo,” ani Hilao-Enriquez.
Maliban umano sa kaso ng tatlo, malinaw na biktima rin ng tortyur si Manalo, gayundin ang Pilipino-Amerikanong aktibista na si Melissa Roxas, ang pastor ng United Church of Christ in the Philippines na si Berlin Guerrero, at tinaguriang Morong 43, at marami pang iba.
“Kailangang maipaalam (sa lahat) na hindi nagtapos sa batas militar ni (Ferdinand) Marcos ang polisiya ng paggamit ng tortyur. Hindi rin ito natapos kay GMA (Gloria Macapagal-Arroyo). Ginagawa pa rin ito kahit sa ilalim ng administrasyong Aquino,” paliwanag pa ni Hilao-Enriquez.
Mga kuha ni Macky Macaspac






