Mark Bautista, bibinyagan sa dulaan
Sa kauna-unahang pagkakataon ay lalabas sa isang pangunahing dulaan sa bansa ang idolo ng mga kabataan na si Mark Bautista. Gaganap siya bilang Crisostomo Ibarra sa “Noli Me Tangere, The Musical” na handog ng Tanghalang Pilipino sa ikadalawampu’t limang taon nito sa larangan ng kultura ng teatro. Bagamat kahalili niya si Gian Magdangal, karangalan para […]
Sa kauna-unahang pagkakataon ay lalabas sa isang pangunahing dulaan sa bansa ang idolo ng mga kabataan na si Mark Bautista.
Gaganap siya bilang Crisostomo Ibarra sa “Noli Me Tangere, The Musical” na handog ng Tanghalang Pilipino sa ikadalawampu’t limang taon nito sa larangan ng kultura ng teatro.
Bagamat kahalili niya si Gian Magdangal, karangalan para kay Mark na maging bahagi ng tinitingalang organisasyon sa showbiz na TP.
Sinong magsasabing aabutin ng dalawampung taon ang grupo ng mga mandudulang ito?
Kaya kahit si Fernando Josef, kilala rin sa tawag na Nanding Josef, ay taas-noong ipinagmamalaking nakarating ang kanyang samahan sa pagpupunyagi at pagtitiis.
***
Sapat bang ilarawang nagtitiis ang mga taga-TP, o sa pangkalahatan, ang mga taga-teatro sa kahiblang suporta sa kalikhaan ng mga ito samantalang maluwag naman sa kanilang puso at isip na gumanap sa dulaan dahil may kaibang satispaksyon at makasining na pabuya na natatanggap?
Wala na ngang pinagtatalunan dito kaya kahit si Mark ay lumusong na rin sa pakikibaka sa agos ng sining ng teatro dahil ang karaniwang katwiran ay may disiplina rito, may likas na paglaya ang sining sa katawan at sistema ng isang artista, nalalaman agad ang reaksyon ng mga manonood, naibubuhos ang malikhaing interpretasyon sa mga bagay-bagay atbp. dahil ang naiisip ay hindi ito nagagawa sa mga popular na lagusan tulad ng pelikula na ginagawa sa mga pangunahing komersyal na istudyo ng pelikula o telebisyon o kapitalistang rekording ng musika.
Pero hindi malusog na paghahambing at pagwawangki at pagkakaiba ang analogong ito dahil kahit sa pinakapusod ng tinatawag na mainstream na sining ay namamahay din ang disiplina, katinuan, paglutang ng malikhaing mga katangian, paghanga ng madla kung ito, dangan nga lamang, ay ipinaglalabanan ng mga kinuukulan pero kung nakatingin lang ang mga taga-showbiz, pasibo, nakikilangkap lang nang walang imik samantalang nag-aalburoto na ang kaisipan at damdamin sa mga katiwalian sa larangan ay paano nga ba uunlad ang sining kahit na saan?
Dahil nangingibabaw din naman ang hegemoniya ng malalakas ang dating at makakapal ang apog kahit na sa dulaan at pag nagpalampa-lampa o nagpaubaya ang isang artista o tekniko na malamon din ng sistema ay wala ring mangyayari.
Dahil kahit sa tanghalan ay may tunggalian din, showbiz na showbiz din dahil malalim, malawak, makulay, madrama, madula, matalinghaga, matunggali, masalimuot at masinsin din ito.
***
Maaaring nakondisyon na ang mga utak natin na pag teatro ay tumutupad sa makasining na mga teoriya at prinsipyo pero ‘yon ay mas malalim pa ang kahulugan at katotohanan dahil hindi lang artistiko ang gumagalaw dito kundi ang pera ring nagpapagalaw at nagpapakilos sa mga elemento ng sining.
Kaya nagpapasalamat tayo at may Antonio Cojuangco, mas kilala sa tawag na Tony Boy Cojuangco o Tess Prieto-Valdez at marami pang sosyal at may matabang bangko na sumusuporta sa teatro.
indiHHi Hindi natatapos ang pagbanggit sa malalaking isponsor sa sining at ginawa nang pormula ang entablado pero hindi pa rin lubusang kinakagat ng mas maraming Filipino lalo na ng masa dahil nahirati at nabihag pang lalo ng popularisasyon ng media tulad ng telebisyon at pelikula na kailangang walang bayad.
***
Ano nga kayang kailangang gawin?
Isuko na ng mga Conjuangco o Prieto-Valdez ang kanilang posisyon nang lubusan para yakapin na nang mas maraming Pinoy ang teatro at makiisa na sila sa adhikain ng masa?
Gaano naman kaya kadaling gawin nito ng mga Cojuangco o Prieto-Valdez para sa sining?
Heto na nga si Bautista na nagmula sa ordinaryong pamilya sa Cagayan de Oro City at nanalo sa paligsahan sa pagkanta kaya nakilangkap na rin sa glamorosang daigdig ng sindak at lagim at ngayon ay pa-teatro-teatro pa.
Kasama pa mandin ni Mark ang isa pang talentadong Pinoy na si Gian, isa ring mula sa pangkaraniwang pamilya ng mga kulturado na nagnanais lang na maisatinig ang kanilang puso at isip sa sunod-sa-agos na takbo ng buhay at presto, gano’n lang ang buhay—ang may talino ay maghahandog ng kanyang talento sa kapwa lalo na’t trabaho at negosyo.
Mula naman sa elitistang angkan si Cris Villonco na gaganap ng Maria Clara na alam naman nating apo ni Armida Siguion-Reyna at apo sa pamangkin ni Juan Ponce-Enrile, isa sa mababagsik na pulitiko ng bayan at lipunang ito at kaanak ni Carlitos Siguion-Reyna at ng misis na si Bibeth Orteza.
Kabahagi nga tayong lahat ng sapot ng wala pang katapusang inog ng burgis at peti-burgis na buhay.
***
Nand’yan din si Helen Gamboa at si Gina Pareño na lalabas sa isinalin sa Filipinong obra ni Nick Joaquin na “Larawan” mula sa Ingles na “Portrait of the Artist as Filipino” gayundin sina Liezl Batucan, Roeder Camañag, Nonie Buencamino, Shamaine Centenera, John Arcilla at iba pa na lalabas sa iba’t ibang dula ng TP na sila man ay puno’t dulo ng sining at pangangapital sa kanilang sining sa bansa.
Isulong ang aksyon gaya ng ginagawa ng Philippine Educational Theater Association o PETA at hayaang maghusga ang masa sa lahat ng mga imahen at isektakulong namamalas nila kahit kailan pa.