Sam Milby, pagpigtal sa diwa ng idolo
Sa pelikulang “Third World Happy,” hindi lang isang idolo ng kabataan ang ipinakita ni Sam Milby kundi lalo’t higit ang kanyang potensyal bilang aktor—aktor na magtatagal sa larangan. Batay sa mga nakaraan niyang obrang ginampanan, palasak na siya sa ang tipo ng bituing pinapalakpan at tinitilian lang subalit sa proyektong ito ng direktor na si […]
Sa pelikulang “Third World Happy,” hindi lang isang idolo ng kabataan ang ipinakita ni Sam Milby kundi lalo’t higit ang kanyang potensyal bilang aktor—aktor na magtatagal sa larangan.
Batay sa mga nakaraan niyang obrang ginampanan, palasak na siya sa ang tipo ng bituing pinapalakpan at tinitilian lang subalit sa proyektong ito ng direktor na si EJ Salcedo, humawan si Milby ng kanyang panibago at sariling landas sa pagkabituin na maghihiwalay sa kanya sa kinagisnan nang daigdig ng mga idolo na nanghahalina at nagmamahika lang ng mga tagahanga.
Bagamat hindi perpektong pelikula ang “Third World Happy,” naigpawan ni Sam ang ordinaryong pananaw sa isang bagets na artista na limitado ang galaw at pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa sa loob at labas ng showbiz.
***
Sa “Third World Happy,” naipakita ni Milby bilang Wesley na bagitong pintor sa Estados Unidos ang hungkag na katauhan ng isang naghahangad na maging tunay na alagad ng sining at kung paano siya tatanggapin sa hanay ng mga bigatin at ekselenteng mga pintor lalo na sa ibang bansa kaugnay ang mga personal na alalahanin konektado sa kanyang buha-pag-ibig noon at ngayon.
Ang hindi lang namin madalumat, sa mas malawak at mariing pagtitig, ay ang kawalan ng motibasyon sa karakter ni Wesley na hindi agad tingnan ang nakalatag na bangkay sa kabaong samantalang ito naman ay kanyang kadugo.
Sapat na bang itanong lang ng aktor na si Archie Adamos na gumaganap na pinsan ni Wesley kay Melissa Mendez, ang kanyang asawa at tiya ng binata, kung nasulyapan na ba ng balikbayan ang namatay samantalang walang paliwanag kung ito ang katauhan ni Wesley o may sikolohikal na implikasyon o tradisyon man lang o masamang epekto ng nakaraan ang pagsulyap niya sa patay pero natapos at natapos ang suspense kung sino ang nasa ataul ay walang naipaliwanag kung bakit mga ilang minuto lang bago ihatid sa huling hantungan o sunugin lang ang mga labi ng namatay ay saka lang nangahas na sulyapan ng kaanak ang nakahimlay sa kabaong.
Kahit na sa matalinghaga o nagpipilosopo-pilosopihang usapan nina Wesley at ng babaing anak ng may-ari ng punerarya ay waring walang nabanggit kung ano ang internal na pakikipagtunggali ng balikbayan sa kalakaran ng pagsulyap sa patay o hindi lang namin napansin o napakinggan o namarkahan.
Sayang ang bagong taktikang ito sa isang pambibitin sa atensyon ng mga manonood dahil nagsilbi lang na dekorasyon o ampaw na paninindak na si Danny (Richard Quan), ang kuya ni Wesley, ang namatay samantalang higit na makakatawag ito ng pansin kung sumentro ang diskusyon sa kustombre ng pagtingin sa patay ng isang nakikidalamhati o nakikipaglamay.
***
Pero hindi mapapasubaliang mahusay nang umarte si Sam sa kanyang halos solong pelikula at sentro ng mga tunggalian sa istorya.
Nakakaangat na si Milby sa iba pang batang aktor ng kanyang henerasyon sa pagganap niyang ito na umani ng nominasyon mula sa ika-34 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino kamakailan.
Makinis din ang pagkakasalin ng digital na bersyon kung ito man ay napa-blow up sa 35mm o sadyang nasa loob lang ng projection room ang makina ng DVD player.
Dinadakila rin ng pelikula ang mga mamamayan ng Third World na mga bansa tulad ng Pilipinas na nakikipagpingkian sa tinatawag namang First World na mga nasyon tulad ng Estados Unidos.
Gayundin, ang paggamit ng mga independiyenteng mga bituin o ang ipinapalagay na mga artistang hindi nakababad sa popular na midyum tulad ng telebisyon ay binigyang-daan para ipakitang ang mga ito ay malalaya ring nakapagpapalagos ng kanilang sining at komunikasyon kundi sila man ay mga ordinaryong nilikha na nagbibigay-buhay sa mga pangkaraniwan ding mga kuwento buhay kahit ng mga tungkol sa mga nakakaangat sa lipunan.
***
Bagamat idolo pa rin si Sam na nagpapakita ng kanyang macho at kagandahang-lalaki na siyang mga katangiang binibili sa kanya bilang kultural na produkto, may iba nang dimensyon ang bituin at ang kailangan lang ay ang pagpapatuloy sa kamalayang ito sa paggabay sa kanyang mga tagasubaybay na may karapatan din ng kanyang pagtatapon ng malay sa kanila dahil sila ang merkado at dugo ng pelikula bilang bilihin.
Hindi lang nga abs o magandang hubog ng katawan ang puhunan dito ni Milby kundi ang kanyang katatagan din bilang tao at artista na nais magkaroon ng lehitimong kinalalagyan sa sistemang ito ng buhay sa showbiz.
***
Hindi rin naman magiging mahusay si Sam kung wala ang mga katulong na mga aktor at aktres tulad ni Jodi Sta. Maria na lumabas bilang Aylyn, ang kasintahan ni Wesley sa Pilipinas bago siya tumulak patungong ibang bansa.
Namalayan na lang ni Wes na may anak nang lalabintatluhing gulang na lalaki si Aylyn samantalang labintatlong taon din siyang nawala sa bansa at palaisipin kahit sa kanya at sa mga tagapanood kung ang bata ay anak niya bagamat walang sapat o tahasang sagot ang pelikula sa problema.
Si Geraldine Tan na gumanap bilang ina ni Jodi ay mahusay rin at ang barkada ni Sam sa Sampaloc na kanyang nilakhan sa Maynila ay magagaling ding artista sampu nina Melissa at Archie at ang batang pamangkin ni Wesley sa istorya.