Ang paggawa ng pelikula sa piling nina Ralston Jover, Leo Abaya, Raymond Red atbp sa Maskay
Huling-huli ako sa ikalawang araw ko ng pag-aaral o palihan para sa paggawa ng pelikula na itinataguyod ng Malayang Sining Kayumanggi o Maskay na ginawa sa Bahay ni Isis sa 3 Marunong Street sa may likod ng Quezon City Hall. Nakalagpas ang maraming butil ng kaalaman na ibinahagi ni Leo Abaya, isang premyadong art director […]
Huling-huli ako sa ikalawang araw ko ng pag-aaral o palihan para sa paggawa ng pelikula na itinataguyod ng Malayang Sining Kayumanggi o Maskay na ginawa sa Bahay ni Isis sa 3 Marunong Street sa may likod ng Quezon City Hall.
Nakalagpas ang maraming butil ng kaalaman na ibinahagi ni Leo Abaya, isang premyadong art director at production designer at isa ring edukador sa larangan ng sining sa University of the Philippines.
Late na late ako dahil alas otso ng umaga ang pantas-aral (ang terminolohiya ng Maskay sa palihan) at alas tres y medya na ako nakauwi ng bahay nang umaga ring ‘yon galing sa panonood ng concert ng Amazing Diva na si Armie Zuñiga sa Skarlet Jazz Kitchen sa kanto ng Scout Ybardoloza Street at Timog Avenue kung saan tumugtog ang ilang banda, ang isa’y ang Lunar Station na kasama ang fashion designer na si Eric Valeña na humawak ng keyboard.
***
Nanghihinayang ako dahil maraming maiaambag si Leo sa karunungan ng disenyong pamproduksyon.
Tinanong nga niya ako kung bakit ako nahuli pero sa pangangatuwiran ko ay binabara rin niya ako.
Tinanong niya ako kung bakit ako nagpapalihan.
“Kailangan mo pa ba ito?” tanong ni Leo.
“Siyempre, kailangan ko ng refresher,” sagot ko naman.
Kasi nga’y magkaklase kami ni Abaya sa kauna-unahang libreng scriptwriting workshop ni Ricardo Lee, kilala rin sa tawag na Ricky Lee pero naunang isapraktika ni Leo ang kanyang natutunan kay Ricky dahil hindi man siya nakapagprodyus ng iskrip na naisapelikula ay marami siyang nagawang obrang pampelikula na siya ang art director at production designe.
Kaklase ko sina Leo, Jeffrey Jeturian, Armando Lao, Boots Agbayani-Pastor, Lynda Casimiro, Emmie Velarde, Phillip Garcia, Jr., Buddy Palad, Benjie Tan, Loretta Medina, Eric Reyes, Jose Almojuela at Vincent Benjamin Kua, Jr. kay Ricky.
***
Talagang kailangan kong repasuhin at dagdagan pa ang kaalaman sa paggawa ng pelikula.
Kaya hindi ako nagsisisi na magprisinta at mapili sa tatlumpung nakapasa na mga estudyante sa seminar-workshop.
Dagdag-kaalaman ang natutunan ko mula sa mga beteranong taga-showbiz na mga alagad ng sining tulad nina Ralston Jover na naglektyur tungkol sa pagsulat ng dulang pampelikula; Fernando Josef sa pagganap; Nap Jamir sa sinematograpiya; Raymond Red sa direksyon; Jessie Lucas sa paglalapat ng musika at Danny Añonuevo sa editing.
***
Kailangan ng bawat tao ang walang katapusang pag-aaral hindi lang sa karanasan kundi sa pormal na edukasyon din para laging nakaagapay sa pinakahuling nagaganap maliban sa pagbabasa o pakikipagtalamitam sa kapwa o sa pagtanghod sa mga iba’t ibang sangay ng media.
Sa karagdagang pag-aaral masisikhay ang iba pang sanhi ng mga problema na ating hinaharap at kung paano malulutas ang mga suliraning ito.
Sa pagganap naman sa praktikal na buhay ay mailalangkap ang mga kaalamang ito kundi man agaran ay sa pagpapalaman sa pangkaraniwang ginagawa sa isang lohikal at napapanahong panahon.