Demolisyon, nagdudulot ng paghihiwalay ng pamilya –Gabriela
Nagprotesta sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) ngayong araw ang maralitang kababaihan na dinemolis sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan o ‘di kaya’y nahaharap sa banta ng demolisyon. Kasama ang grupong Gabriela, kinondena nila ang anila’y “giyera sa mahihirap” ng gobyernong Aquino. Suot ang mga boxing gloves, “inupakan” ng kababaihang residente ng Diosdado Macapagal at […]

Nagprotesta sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) ngayong araw ang maralitang kababaihan na dinemolis sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan o ‘di kaya’y nahaharap sa banta ng demolisyon.
Kasama ang grupong Gabriela, kinondena nila ang anila’y “giyera sa mahihirap” ng gobyernong Aquino. Suot ang mga boxing gloves, “inupakan” ng kababaihang residente ng Diosdado Macapagal at iba pang tenement sa Tondo, Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City, at iba pang komunidad ang imahe ni Pangulong Aquino. Inihahalintulad ito ng grupo sa ginawang pananapak kamakailan ni Mayor Sarah Duterte sa isang sheriff bilang pagtatangka niyang pigilan ang isang demolisyon sa Davao City.
“Dapat sapulin ang gobyernong Aquino at ang NHA bilang utak ng malupit na pagtataboy sa kababaihan mula sa kanilang mga komunidad. Nagdudulot ito hindi lang ng demolisyon ng mga bahay kundi ng mismong mga pamilya. Napipilitang maghiwa-hiwalay ang mga pamilya dahil malayo sa kabuhayan, mahinang klase at halos hindi matirhan ang pinaglipatan sa kanilang relocation site. Kinakailangan pang magtrabaho sa ibang lugar para lamang may makain,” ani Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela.
Ayon mismo sa Department of Interior and Local Government, may 556,526 pamilya ng mga informal settler sa National Capital Region ang napipintong mademolis bunga ng mga urban development project ng gobyerno. Itinutulak ni Aquino ang samu’t saring urban development project sa ilalim ng mga Public-Private Partnership.
“Ayon mismo sa Philippine Development Plan 2011-2016 ng gobyernong Aquino, malaking problemang panlipunan ang lumalaking bilang ng mga maralitang lungsod. Patunay ito na bigo ang ekonomiya na lumikha ng trabaho at disenteng kita para sa mayorya ng populasyon,” ani Salvador.
Dagdag pa ng lider-kababaihan, “Ipinagpapatuloy ni Aquino ang mga neoliberal na polisiya na umuuna sa interes ng malalaking negosyo. Itinutulak nito ang paparaming bilang ng mga Pilipino sa kahirapan at kawalan ng akses sa batayang serbisyong panlipunan.”
Inihayag ng Gabriela na magpoprotesta sa lansangan ang libu-libong kababaihan sa darating na State of the Nation Address ni Aquino, dahil sa kabiguan ng gobyerno na tugunan ang pangangailan sa disenteng panirahan, trabaho, at serbisyong panlipunan.