Fort Bonifacio ‘sasakupin’ ng UP


Kahit kulang na ang badyet ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na inilalaan ng gobyerno, nakatakdang pa rin itong magtatag ng isang satellite campus sa siyudad ng Taguig.

UP Pres. Alfredo Pascual (Darius Galang)
UP Pres. Alfredo Pascual (Darius Galang)

Kahit kulang na ang badyet ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na inilalaan ng gobyerno, nakatakdang pa rin itong magtatag ng isang satellite campus sa siyudad ng Taguig.

Pinirmahan nitong Hulyo 19 nina UP President Alfredo Pascual at Bases Conversion Development Authority (BCDA) Chief Executive Officer Arnel Paciano Casanova ang Memorandum of Agreement sa pagpapatayo ng isang kampus ng “UP professional schools” sa Bonifacio sa Taguig.

Sa ilalim ng MOA, maglalaan ang BCDA ng 4,300 metro-kuwadradong lupain na nasa loob ng Bonifacio Global City sa unibersidad, upang bigyan ng daan ang pagtatayo ng UP professional schools.

Inisyal na mailalagay ang College of Law, College of Business Administration, College of Engineering, School of Statistics at UP Open University. Magiging bahagi rin sa itatayong gusali ang programa ng unibersidad para sa “continuing education.”

Tech development” ang taguri ni Pascual sa mga programa na iaalok ng magiging gusali.

Ngunit duda ang ilang sector sa pamantasan sa planong pagtatag ng UP ng isa pang institusyong edukasyonal na nakatuon sa “continuing education” ng mga maykaya, negosyante, teknokrata at iba pang kayang magbayad ng mahal na matrikula.

“Tignan muna ang paglalaanan ng pondo para dito,” ani Prop. Judy Taguiwalo, dating faculty regent at miyembro ng All-UP Academic Union. Aniya, maraming suliranin ang pamantasan tulad ng limitadong badyet para sa mga proyekto nito kabilang ang mga nasa kampus ng Palo, Leyte at Baler. “Nai-donate man ang lupa, paano pa ang pondo sa pagpapatayo ng gusali?”

Inilinaw ni Pascual na maglalaan diumano si Sen. Franklin Drilon ng P100-Milyon para sa pagpapatayo ng gusali. “We are expecting to start construction at the end of the year,” dagdag ng pangulo ng unibersidad.

Kasama sa agam-agam na inihayag ni Taguiwalo ang usapin sa pagtaas ng matrikula. “Magiging income-generating ang proyektong ito, at maaaring tumaas ang matrikula sa kabuuan ng pamantasan,” aniya.

Panahon pa ng dating UP president Emil Javier ang konsepto ng pagkakaroon ng kampus sa loob ng base sa Taguig. Una’y nakaproyekto na ipapahiram ang lupain sa unibersidad, ngunit binigyan ng daan sa tulong ni Drilon ang donasyon ng lupain.

Ginanap ang lagdaan ng kasunduan sa UP Board Room, Quezon Hall, UP Diliman, Quezon City.