Uncategorized

Mabituin ang 15th Puchon International Fantastic Film Festival


Nandito kami ngayon sa Theme Park Tourist Hotel sa pinakapusod ng Bucheon City sa South Korea kung saan ay dumadalo kami sa ika-15 Puchon International Fantastic Film Festival, kilala rin sa tawag na PiFan. Isa kami sa labimpitong mapapalad na kinakatawan ng limang bansa sa Asya para sa palihan ng PiFan Network of Asian Fantastic […]

Nandito kami ngayon sa Theme Park Tourist Hotel sa pinakapusod ng Bucheon City sa South Korea kung saan ay dumadalo kami sa ika-15 Puchon International Fantastic Film Festival, kilala rin sa tawag na PiFan.

Isa kami sa labimpitong mapapalad na kinakatawan ng limang bansa sa Asya para sa palihan ng PiFan Network of Asian Fantastic Films Fantastic Film School (NAFF FFS) na ngayon ay nakakaapat nang edisyon.

Pero ayon sa tagapamahala ng Research and Develepoment Project ng NAFF FFS na si Changwook Han, ngayon lang taong ito tumanggap ang pestibal ng mga delagado mula sa iba pang bansa sa Asya dahil noong mga unang tatlong taon ay pawang mga Korean lang ang tinatanggap para sa kapakanan ng kanilang bansa pero nag-iba na ang ihip ng hangin at bukas na ito para sa mga kapatid na Asyano.

Ako lamang ang representante ng Pilipinas samantalang pito mula sa Korea, tig-apat mula sa Hong Kong at Taiwan samantalang isa rin mula sa Singapore.

Dumating kami sa Bucheon City noong gabi ng Huwebes kasabay ng pagbubukas ng ikalabinlimang PiFan pero hindi na namin nasaksihan ito dahil sa biyahe at pagpapahinga mula sa pagod.

***

Tulad rin ng mga pagdaraos ng pestibal sa pelikula sa Pilipinas, matao at maningning din ang PiFan dahil ayon sa mga larawang nakita namin kaugnay sa gawaing ito, ang daming mga sikat na bituin mula sa Korea ang dumalo sa pagtitipong ito bagamat hindi namin batid ang kanilang mga pangalan.
Nang unang araw ng aming palihan, pagkatapos ng masaganang almusal sa Koryo Hotel na katapat lang ng Theme Park, naglakad kami patungong lugar ng pag-aaral.

Dumaan kami sa mismong pinagdausan ng pagbubukas at pagtatanghal ng 15th PiFan at ito ay napakalawak na palaruan kung saan nagtayo ng mga tent at mga mesa para sa iba’t ibang bilang ng palatuntunan.

May napakalapad na kulay rosas na tarpaulin na nakasabit sa bukana ng napakalawak na palaruan na natititikan ng 15th Puchon International Fantastic Film Festival sa Koreyanong wika at bagamat kauulan lang ng mga sandaling ‘yon ay may mangilan-ngilan na ring namamasyal sa parkeng ‘yon.

***

Pero ang nakatawag pansin sa akin ay napakalaking gusali ng PiFan na talagang ginawa para sa taunang selebrasyon.

Talagang itinalaga na ito sa pestibal na ito at maraming dibisyon ang edipisyo para sa pelikula hindi lang ng Koreyano kundi para sa buong mundo.

Dito sa gusaling ito na kinatatatakan ng Puchon International Fantastic Film Festival nakapaloob ang NAFF FFS.

Ang tawag sa lugar na ito ay Korea Manhwa Contents Agency (KOMACON) kung saan lahat ng mga aktibidades ay ginaganap oras-oras sa buong taon.
Para itong istudyo ng malaking produksyon ng pelikula, halimbawa’y Universal Studios o Walt Disney kung saan maaaring mag-shooting.
Ang mga mas marami namang sinehan ay nasa gitna ng siyudad at ito nanonood ang mga tao PiFan man o hindi.

Tulad sa Pilipinas, mas marami ang mall dito kaysa mga indibidwal na sinehan.

***

Ang ilan lang sa mga lecturer naming labimpito ay sina John Heinsen na dating Manager ng Primetime Programming ng FOX Broadcasting pero ngayon ay ang Mobile na ang kanyang pinagkakaabalahan at ang paglalagay ng mga nilalaman dito.

Pabalik-balik nga siya sa iba’t ibang bahagi ng daigdig para sa negosyong ito ng kanyang Bunnygraph, isang produksyon ng aninong gumagalaw anuman ang midyum ng mga ito.

Nagsalita si John tungkol sa transmedia at kung paano ito makakatulong para umunlad ng larangan ng bidyo.

Ang isang nakakamanghang karanasan kay Heinsen ay ang kanyang pamilyarisasyon sa palabas telebisyon sa Pilipinas na “Eat Bulaga” na kanyang napapanood sa Estados Unidos.

Ayon sa kanya, napakaganda ang pormat ng palatuntunan at puwedeng magklik sa US.

May nakausap anya siyang tao na nagsabing nakawin na lang niya ang ideya kung gusto niyang isalin sa iba pang midyum pero ang sabi ni John ay hindi na bale dahil may “Deal Or No Deal” na siyang programa.

***

Ang pamosong si David Kaplan ay tagapagsalita rin at nagkuwento siya ng kanyang karanasan sa micro-budget film production at storytelling mula sa kanyang pagiging indie filmmaker.

Nakakasampu at mahigit na siyang pelikula at sinabi niyang nakuha niya si Christinae Ricci sa kanyang short film na “Little Red Riding Hood” nang madali dahil kaibigan niya.

Sinabi niyang iwasan na ng mga indie filmmaker ang palasak nang “the suffering artist” dahil panahon na para magsikhay at patunayan na may mararating ang indie filmmaking.

Ito rin ang diwa ng pananalita ni Miae Choi ng Treefilm sapul nang masapul nila ang produksyon ng tatlong kabanata ng “Town Trilogy.

Samantala, 3D at VFX naman ang tinalakay ng Executive Producer ng Macrograph na si Kay Heeyoung Kim at entertainment law naman ang ibinahagi ng abugadong si Hong Sungkee.

Napakalawak ng karanasan ni Jonathan Kim at Tim Kwok, isang Malaysian sa global co-production. Ito muna sa mga sandaling ito at babalik na kami sa aming klase.