Pamamaril sa mga residenteng tutol sa demolisyon sa Pangarap Village kinondena
Kinondena ng Alyansa Kontra Demolisyon, pambansang alyansa kontra demolisyon ng mga bahay ng mga maralitang lungsod, ang walang habas na pamamaril sa mga residenteng nagbarikada kontra sa demolisyon sa Pangarap Village sa Caloocan. Dalawang katao at namatay, sina Soliman Gomez at Rommel Fortadez, at marami pa ang sugatan. Kinondena ng alyansa ang paggamit ng dahas […]

Kinondena ng Alyansa Kontra Demolisyon, pambansang alyansa kontra demolisyon ng mga bahay ng mga maralitang lungsod, ang walang habas na pamamaril sa mga residenteng nagbarikada kontra sa demolisyon sa Pangarap Village sa Caloocan.
Dalawang katao at namatay, sina Soliman Gomez at Rommel Fortadez, at marami pa ang sugatan.
Kinondena ng alyansa ang paggamit ng dahas ng security agency na Securicor Corporation na pumuprotekta sa Carmel Development Inc. (CDI) na pag-aari ni Gregorio “Greggy” Araneta III. Si Araneta ay kaanak ng bagong hirang na kinatawan ng Department of Transportation and Telecommunications at running mate ni Pang. Aquino noong eleksiyon na si Manuel “Mar” Roxas III.
“Malawakang paglabag sa karapatang pantao ang ginagawa ng administrasyong Aquino sa implementasyon nito ng demolisyon sa mga komunidad ng maralitang lungsod para paboran ang mga lokal at dayuhang kapitalista,” sabi ni Estrelieta Bagasbas, tagapagsalita ng AKD.
Naglagay ng pulang ribbon ang mga lider ng AKD para isimbolo ang kalagayan ng mga maralitang lungsod sa unang taon ni Aquino sa poder. Anila, “isa sa pinakamasamang taon para sa mga maralitang lungsod” ang unang taon ng Pangulo.
Ayon sa mga residente ng Pangarap Village, pilit na kinakamkam ng CDI ang kanilang lupain. Apektado ng proyekto ang 40,000 residente sa 156-ektaryang lugar. Bahagi ito ng “Tala Estate” na inilaan Commonwealth Act 161 bilang Leper Colony.
Kaalinsabay ng “pangangamkam ng CDI” sa lupain ng mga residente ng Pangarap ang pagpapatupad ng $1.235-Milyong MRT-7 malapit sa kanilang lugar, sa Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa ulat ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casino, lumalabas na nagalit ang mga security guard ng CDI sa mga residenteng patuloy na nagsasagawa ng vigil sa lugar kaya naganap ang pamamaril.
“Sinikap ng mga residente na tulungan si Sol Gomez, ngunit hindi sila makalapit dahil armado ang mga nakapaligid na guards at patuloy na nagpapaputok. May isang nagtangka na tumulong ngunit sya ay nabaril sa hita,” kuwento ni Casino, sa kanyang blog.
Ayon sa AKD, di bababa sa 35,000 maralitang residente ang puwersahang napalikas sa kanilang mga komunidad at marami ang nasaktan sa bayolenteng mga demolisyon sa unang taon ni Aquino sa Malakanyang.