2012 Badyet sa Edukasyon: Kaltas sa SUCs at kakapusan sa DepEd
Ipinagmamalaki ng pangulo na edukasyon pa rin ang makakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet. Pero kung susuriin, kinakaltasan pa rin ang badyet ng SUCs, habang walang signipikanteng dagdag sa pondo para sa batayang edukasyon.
Ang artikulong ito ay una sa serye na ilalabas ng Pinoy Weekly para suriin ang 2012 pambansang badyet na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso, at siyang magtatakda ng prayoridad ng gobyernong Aquino sa susunod na taon.
***

Ipinagmamalaki ni Pangulong Aquino na edukasyon pa rin ang sektor na makakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet. Sa P308.9-Bilyon, mas mataas ng 13.8 porsiyento ang badyet sa edukasyon para sa 2012, mula sa P271.5-B ngayong taon. “Investing in education—from pre-school to tertiary—remains one of our central strategies to combat poverty and build national competitiveness,” ani Aquino.
Pero kung susuriin, kapos na kapos ang P238.8-B na inilaan sa Department of Education (DepEd). Bagaman mas malaki ito nang P30-B mula sa 2011 badyet, kalakhan sa dagdag na ito ay awtomatikong mapupunta sa suweldo ng mga kawani at guro sa ilalim ng ipinatupad na Salary Standardization Law. Walang makabuluhang dagdag na pondo para sa bagong mga klasrum, guro at pasilidad.
Target ng gobyerno ang 13,000 na bagong guro; pero nasa 103,000 guro ang kakulangan. Ipapagawa ang 45,231 na klasrum; pero nasa 152,000 ang kulangan. Hindi rin kayang punuan ang mga pangangailangan sa upuan at libro. Kailangan ng 13 milyong upuan, para sa 2.53 milyong upuan lamang ang badyet. Gayundin, kailangan ng 95 milyong libro, pero para sa 45.5 milyong libro lamang ang badyet.
Samantala, gaya noong nakaraang taon, muli na namang kinaltasan ang badyet ng State Universities and Colleges (SUCs). Naging P21.8-B ito mula sa P22.03-B ngayong taon. May limampung SUCs ang may pinagsama-samang kaltas na P569.8-Milyon.
P250-M ang kinaltas sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng 48 SCUs, kabilang na ang Unibersidad ng Pilipinas, na kinaltasan ang MOOE ng P181.6-M. Maging ang pondo para sa Personnel Services, kinaltasan ng P403.3-M sa 58 SCUs.
Dahil sa kaltas sa badyet, walang pondo na inilaan ang gobyerno para sa capital outlay o paggawa ng bagong mga gusali mga klasrum.
Private-Public Partnerships sa edukasyon
Samantala, sinimulan na ng gobyernong Aquino na ipasok sa mga maging ang sektor ng edukasyon sa programang Private-Public Partnerships (PPPs). May P5-B ang inilaan para sa pagpapagawa at pagmamantine ng pribadong mga kumpanya sa mga klasrum at gusali. Indikasyon din ng pagsuporta sa pribadong sektor ang inilaan ng gobyerno na P 6.3-B para sa General Assistance to Private Education, o scholarships para sa mga estudyante ng pribadong mga paaralan.
Bahagi ang PPPs sa kabuuang tulak ni Aquino na ipaubaya sa pribadong sektor ang pampublikong edukasyon.
Papaliit na nang papaliit ang pondong kinukuha ng SUCs mula sa gobyerno. Ngayong taon, 66 porsiyento na lamang ng pondo ng mga ito ang mula sa gobyerno, kumpara sa 88 porsiyento noong 2000. Papalaking bahagi ng pondo nito ang kinukuha sa pagbabayad ng tuluy-tuloy na tumataas na matrikula.
Halimbawa na lamang sa UP, umaabot na ang matrikula sa mahigit P40,000 kada taon, mas mataas pa sa ilang pribadong pamantasan. Kaya naman sa mga nakapasa sa UP College Admission Test ngayong taon, nasa 1/3 ang hindi nakapag-enroll sa UP Diliman dahil sa taas ng matrikula.
Noong nakaraan pang taon, inilahad na ni Aquino ang kanyang plano: na gawing “self-sufficient” ang SUCs, ibig sabihin, umasa sa sarili nitong kita sa halip na sa pondo ng gobyerno. Kita na kukunin rin mula sa mga estudyanteng lalong mahihirapang makatuntong o makapagtapos ng kolehiyo. Tinataya na ngayon pa lamang, nasa 14 porsiyento lamang ng mga mag-aaral sa elementarya ang nakakapagtapos ng kolehiyo.
Paano, kung gayon, matatamasa ang sinasabi ni Pangulong Aquino na pagsugpo sa kahirapan sa pamamagitan ng akses sa edukasyon?
Top 20 SUCs na may pinakamalaking kaltas sa badyet
1 University of the Philippines System- P208.2-M
2 Mariano Marcos State University – P45.42-M
3 Don Mariano Marcos Memorial State University – P44.03-M
4 Technological University of the Philippines – P36.86-M
5 Catanduanes State Colleges – P23.07-M
6 Bicol University – P19.38-M
7 Camarines Norte State College – P13.38-M
8 Philippine Normal University – P12.84-M
9 Mindanao University of Science & Technology – P12.27-M
10 Nueva Ecija University of Science & Technology – P11.81-M
11 Cavite State University – P10.58-M
12 University of Southeastern Philippines – P9.76-M
13 Aklan State University – P9.15-M
14 Central Bicol State University of Agriculture – P8.82-M
15 Pangasinan State University – P7.69-M
16 Philippine State College of Aeronautics – P7.51-M
17 Marikina Polytechnic College – P6.42-M
18 Eastern Samar State University – P6.25-M
19 Abra State Institute of Sicence & Technology – P5.95-M
20 Batangas State University – P5.84-M
Sanggunian: Kabataan Party-list