Uncategorized

Ang showbiz na showbiz na isyu ng installation art ni Mideo Cruz


Bakit ba pag sinabing showbiz ay negatibo na sa pananaw at pandinig ng mga nagseseryo-seryosohan sa talakayan tungkol sa sining samantalang wala namang masama sa pagiging showbiz kundi nakabilanggo lang ang karamihan sa atin sa maling impresyon na ikinulapol sa katagang showbiz? Sa katunayan, hindi naman masama, ang salitang showbiz dahil ito, una, ay paghahalo […]

Bakit ba pag sinabing showbiz ay negatibo na sa pananaw at pandinig ng mga nagseseryo-seryosohan sa talakayan tungkol sa sining samantalang wala namang masama sa pagiging showbiz kundi nakabilanggo lang ang karamihan sa atin sa maling impresyon na ikinulapol sa katagang showbiz?

Sa katunayan, hindi naman masama, ang salitang showbiz dahil ito, una, ay paghahalo ng dalawang salitang Ingles, “show” at “business,” palabas ang kahulugan ng una at negosyo ang ibig sabihin ng ikalawa.

O, anong masama sa mga ‘yon, aber?

Ang mga nagdudunung-dunungan, nagseseryo-seryosohan, nagpapasosyal at nagbabalatkayo o nangmamaliit at lulumilikha ng dibisyon at marginalisasyon sa lipunang ito ang nakakakita na masama at pangit ang showbiz o may kakatwa itong katangian.

Dahil ba sa ang tingin natin sa showbiz ay mababaw, maintriga, matsismis?

Ay! hala, kung ganyan ang pagkilala natin sa showbiz ay ewan kung ano pa ang pagkaalam natin sa lahat ng sangay ng buhay.

***

Samantalang ang showbiz na showbiz ay malalim, malawak, masalimuot, matalinghaga, makulay, madrama, madula, maintriga, matsismis, maurirat, madalumatin, mapag-imbestiga, mapilosopiya, makontrobersya, maalingasngas at iba pang pang-uri na tumutukoy sa buhay.

O, may sasabihan ka?

Sige, magsalita o magatwiran ka.

Dahil para sa amin, ang kaganapan kaugnay sa pagdating ni Nora Aunor sa Pilipinas o ang pagtanggap niya sa papel ng ikalawang asawa ni General Emilio Aguinaldo sa “El Presidente” ni ER Ejercito kahit na una nang inialok ang proyekto kay Vilma Santos ay showbiz na showbiz tulad rin ng pagiging showbiz na showbiz ng pagsasara ng Cultural Center of the Philippines sa pagtatanghal ng paghahalayhay ng mga likhang-sining sa sining ng instalasyon at iba pang pinta sa kolektibong konsepto ng “Kulo” kung saan nangibabaw sa kontrobersya ang trabaho ng artistang si Mideo Cruz.

Umani ng katakut-takot na kalaliman, kalawakan, kakulayan, katalinghagaan, kadramahan, kadulaan, kasamiluotan, kaintrigahan, katsismisan, kauriratan, kadalumatian, kaimbestigahan, kakontrobersyalan, kapilosopiyan, kaalingasngasan at iba pang pang-uring pangngalan ang isyu na pambabastos ng alagad ng sining sa mga banal na imahen ng relihiyon.

***

Lumawak at lumalim ang usapin nang magprotesta ang mga progesibong artista sa pangunguna nina Bienvenido Lumbera at Nicanor Tiongson at sabihin nilang pagkitil ito ng kalayaan sa pamamahayag bagamat ang katuturan, kahalagahan at kasiningan ng obra ay parang hindi na saklaw ng pag-alma.

Intepretasyon sa larawang-diwa ng pintor ang basehan ng dayalekto ng talakayan at dito maraming nasasabi ang iba’t iba tao batay sa takbo ng kanyang utak, panlipunang katayuan, oryentasyon sa sining at mga kilusan ng teyoriya at pilosopiya ng anumang kaalaman.

***

Kumulay pa ang isyu nang makaladkad ang mga pangalan nina Imelda Marcos, Jinggoy Estrada, Tito Sotto, ang dalawang huli’y senador at ang una’y kongresista na namrisyur umano sa pamunuan ng CCP na alisin na ang art exhibit dahil nakakapundi at nakakasira kundi man nakakaiskandalo sa sentimiyento at sanligan ng mga Katoliko ang gawang-sining na ito ni Mideo na pinamagatan niyang “Polyteismo” na paglalagay ng mga simbolong sekswal sa sagradong mga bahagi ng katawan ng mga banal.

Hindi nga ba’t intriga at tsismis din ang sandigan ng pagkilatis sa usaping ito at maraming senyales at talinghaga ang nabuo sa kamalayan ng sambayanan at ng mga nakikisangkot sa balitaktakan?

Madrama pa rin si Imelda at masarap na sangkap ito sa pulitika nina Jinggoy at Tito.

Isama pa nga ang isa pang kongresista na si Amado Bagatsing na umayaw din sa pagtatanghal na ito ng CCP.

***

At ang nakakalokang opisyal na dalumat na pilosopiya ng mga opisyal ng CCP tulad ni Chris Millado na “pinamamarali ang kalayaan sa pamamahayag” pero ipinasara naman ang malayang palabas na ito.

O hindi ba’t madula at balintuna?

Palabas ang “Kulo” at “Polyteismo” at ito ay negosyo rin dahil tumaas ang halaga ni Cruz at marahil ay tataas din ang presyo ng kanyang likhang-sining na siyempre’y nilagakan din niya ang puhunan, pera man ‘yan, pawis, dugo, panahon at iba pa.