Maria Magdala: Di Mamamatay na Talahib ng Alaala
dinadalaw ka ngayon, maria
ng mga aninong walang mukha
ng mga nilikhang walang letra
dinadalaw ka ngayon, maria
ng mga aninong walang mukha
ng mga nilikhang walang letra
mga bibig at mata
sa silid ng heringgilya
ng medisina at gasa
itinaboy ka ng hangin
mulang brumm sa belgium
hanggang sa lagunlong
ng humihiyaw na mga tambol
sa lansangan ng rio de janeiro
upang muling busbusin
ng matalas na kutsilyo
sinapupunang pinahirapan
ng banta ng kamatayan
bituka’y muling puputulan
obaryo’y inalis na noon pa man
upang hininga’y di ulilahin
ng pagaspas ng amihan
sa la tierra pobrezang
ginutay ang pusong iwanan
at ngayon
sa sumisikdong kamalayan
muli’t muling binabalikan
lupaing lunduyan niyong pagmamahal
at kahit sa pangarap man lamang
madugtungan ang pakikilaban
at matanglawan ng bilyong bituin
banal na laya’t adhika
ng masang alipin ng dusa’t dalita
sa lipunang walang patumangga
sa pagsalaula sa buhay ng dukha.
nang sabihin mo, maria
hanggang nobiyembre na lamang
ang lagaslas ng hininga
at walang katiyakan
kung kinabukasa’y ngingiti pa
o masisilayan pa
mabining pagmumumog
ng mga damong nakayukayok
sa umusbong na mga hamog
o masuyong darantayan pa
ng naglalagos na sikat ng araw
sa ulilang bintanang salamin
mukhang nangulimlim
at mga matang lumalim
sa pagsisid sa dagat ng mga alaala
sa pagsalunga sa mga burol at sabana
at pagmamartsa sa lansangan ng mendiola
sa piling ng masang pinakasisinta
o, maria magdala
akong itinuring mong ama
ngayo’y pinapalakol ang dibdib
nilalaslas ng labaha ang isip
nakabilanggo yaring tinig
di madakma sa mailap na hangin
hinahabol bawat salita’t talata
maipadama man lamang
sa katawan mong lupa
tagulaylay ng pagsinta
sa magiting na kasama!
oo, maria magdala
naiparating mo na sa akin
sagradong mga mithiin at habilin
inilululan sa mga pakpak ng langay-langayan
isinisigaw ng ragasa ng alon sa dalampasigan
pinaiilanlang ng sipol ng hangin sa kagubatan
pakiusap mo’y
huwag na huwag kang kalilimutan
ng mga nakadaop-palad at kaibigan
maglakbay ka man sa kawalang-hanggan
paano ka malilimutan
ng mga kinalinga’t dinamayan
silang iyong ipinakipaglaban
dinudusta nilang kapakanan
silang katalik ng puso mong nagmamahal
silang mga kayakap sa gabi ng paglalamay?
o, maria magdala
isa ka sa talahib ng aming mga alaala
sunugin man nang sunugin at patayin
muling uusbong sa lupain ng inhustisya
muli’t muling iindak at mamumulaklak
saanman dumaramba
pagsasamantala
sa lugaming buhay ng masa
oo, tulad mo, maria magdala
ang walang kamatayang talahib
ng aming mga alaala!
NOTE: Si Rogelio Ordonez ay matagal na naging punong patnugot ng Pinoy Weekly. Isa rin siyang tinitingalang propesor sa Polytechnic University of the Philipppines (PUP) at isang haligi ng panitikang Pilipino. Ibinabalik ng Pinoy Weekly ang kanyang kolum, pinamagatang “Pluma at Papel,” na siyang kolum niya sa pahayagang ito magmula taong 2002. Inilabas sa isang libro at inilathala ng Prometheus Publishing Corporation ang koleksiyon ng kanyang mga kolum mula 2002 hanggang 2007, pinamatagang “Pluma at Papel sa Panahon ni Gloria.” Maaaring mabasa ang kanyang mga sulatin sa kanyang blogsite.