US, umareglo sa usapang PNoy, Murad ng MILF sa Japan?
Malamang na gobyernong US, sa pangunguna ng embahada nito sa Pilipinas, ang umareglo kay Pang. Benigno Aquino III na agarang lumipad patungong Tokyo, Japan noong nakaraang linggo para makipag-usap kay Al Haj Murad, tagapangulo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Malamang na gobyernong US, sa pangunguna ng embahada nito sa Pilipinas, ang umareglo kay Pang. Benigno Aquino III na agarang lumipad patungong Tokyo, Japan noong nakaraang linggo para makipag-usap kay Al Haj Murad, tagapangulo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP), na nangunguna sa armadong rebolusyon ng New People’s Army (NPA) laban sa anito’y naghaharing mapagsamantalang sistema sa bansa.
“Tanging mga imperyalistang amo niya sa US ang makakahikayat kay Aquino na isantabi ang mga diplomatikong proseso para gumimik sa publiko at umiskor ng pampulitikang puntos,” sabi ng CPP. Sa tingin nito, maaaring layunin ng usapan ang makakuha ang gobyernong Aquino ng “moral high ground” ipresyur ang MILF na itigil ang armadong pakikibaka nito.
Sinabi ng Malakanyang na layunin umano ng usapan na pabilisin ang prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.
Inihalintulad ng CPP ang paglipad ni Aquino patungong Tokyo sa inareglo ng mga opisyal ng embahada ng US na biglang pagbisita ni Aquino sa barkong pandigma ng US na USS Carl Vinson na dumaong sa Maynila noong Mayo.
Paliwanag nito, nagmamadali ang US na itulak ang MILF sa kapitulasyon o pagsuko sa gobyerno ng Pilipinas upang tuluyang mabigyang laya ang “mapandambong” na mga proyekto ng malalaking negosyong Amerikano sa Mindanao.
“Halos isang dekada nang minamantine nito (US) ang 700-kataong armadong contingent sa Zamboanga sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na sangkot sa mga operasyong kontra-gerilya kontra sa MILF at NPA,” ayon pa sa CPP.
Binigyang-diin ng CPP na nakakuha ng malaking puntos ang MILF sa hangarin nitong belligerency status o estado ng isang lehitimong pampulitikang puwersa na katulad ng gobyerno. Gayunman, halata umanong gusto ng gobyernong US na “lansihin” ng gobyernong Aquino ang MILF tungo sa pagsuko sa matagal na nitong ipinaglalabang karapatang magpasya sa sarili.
“Habang sinasabi nitong gusto nito ang kapayapaan, ipinagpapatuloy ng armadong puwersa ng gobyerno sa Maynila ang armadong panunupil sa lupaing Moro at malawakang paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang atake sa mga moske at mga komunidad ng Moro,” paliwanag din nila.
Inihayag ng CPP na patuloy nilang susuportahan ang armadong paglaban ng MILF kontra sa gobyerno sa Maynila. May pormal umanong alyansa ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at MILF.
Samantala, sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Bai Ali Indayla, tagapagsalita ng Kagawib Human Rights Alliance, isang grupong nagtataguyod sa karapatan ng mamamayang Moro, na bagamat positibo ang naganap na pag-uusap ni Aquino at Murad, hihintayin daw nila at babantayan ang nakatakdang usapang pangkapayapaang ngayong Agosto kung magkakaroon ng makabuluhang pagbabago para sa mga Bangsamoro.
“Kung kami ang titingin, positibo naman ang naganap na pag-uusap ng chairman ng MILF at ni Pangulong Aquino dahil nangangahuluhugan ito na puwedeng umusad ang usapang pangkapayapaan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga standing issue ng Bangsamoro ay naresolbahan na, tulad sa isyu ng oil exploration, human rights violation at ang panawagan na palayain ang mga bilanggong pulitikal na mga Moro kasama na ang isang negosyador ng MILF,” sabi ni Indayla.
Ayon pa kay Indayla, sa kabila umano ng pagrespeto ng kanilang grupo sa desisyon ng MILF na isulong ang usaping sub-state sa Mindanao na resulta ng pag-uusap sa Tokyo, Japan, may agam-agam umano ang kanilang grupo kung ito nga ba ang makakalutas sa matagal ng pakikibaka ng mga mamamayang Moro.
“Kung makikita namin na yung usapin ng sub-state ang magreresolba sa long standing issue ng Bangsamoro, irerespeto namin ito at susuportahan. Ngunit kung hindi ito magiging malinaw dahil may agam-agam na ito ay prone sa intevention ng foreign investors at dayuhang korporasyon at hindi ito makakaresolba sa problema namin tutulan namin ito,” ani Indayla.
Tulad ng MILF na nag-aalsa para sa karapata ng mga mamamayang Bangsamoro na magpasya sa sarili (right to self determination) , nakikipagnegosasyon ang CPP sa pamamagitan ng NDFP para sa “kapaypaang nakabatay sa katarungan” sa bansa.