Ang “Show Up” at iba pang TV game show sa gitna ng kahirapan ng Pilipinas
Sinasabi na ang opyo ng masa ay relihiyon, ayon na rin sa pilosopong si Karl Marx. Kinalaunan ay itinuring ng mga intelektwal na ang mga komersyal na palabas sa telebisyon at pelikula ang siyang opyo ng masa. Pero wari’y nadagdagan ngayon ang opyo ng masa sa ngalan ng telebisyon at ito ay ang mga game […]
Sinasabi na ang opyo ng masa ay relihiyon, ayon na rin sa pilosopong si Karl Marx.
Kinalaunan ay itinuring ng mga intelektwal na ang mga komersyal na palabas sa telebisyon at pelikula ang siyang opyo ng masa.
Pero wari’y nadagdagan ngayon ang opyo ng masa sa ngalan ng telebisyon at ito ay ang mga game show bagamat noong una pa, kasabay halos ng imbensyon ng telebisyon ay nand’yan na ang mga game show na lalong pinatanyag ni Pepe Pimentel.
At dahil lalong humihirap at naghihikahos ang buhay sa lipunang ito, mas maraming lumalabas na game show sa telebisyon.
Dahil nagiging kadluan ng pag-asa ng mahihirap ang mga programang pantelebisyong palaro, mas dinidiyos ito wari ng mga Filipino.
***
Idagdag pa ang pa-underdog effect at maka-masang estilo ng mga TV host ng mga game show na ito.
Sinasakyan ng mga emcee ang kahinaan ng mga wala at nag-aambisyong yumaman nang bigla.
Tulad ng bisyo at sugal, nagnanaknak ang maraming TV game show at naggaganyak sa mga manonood na ang mga ito ang tanging pag-asa ng kanilang buhay para makaahon sa kahirapan.
Uma-umaga ay ang haba ng pila sa ABS-CBN para sa pang-araw-araw na “Happy Yipee Yehey” para sumali sa mga palaro at mangarap ng suwerte sa isang iglap.
Sa GMA Network ay tambak ang mga imbitasyon sa mga lugar na mahihirap at nanggigitata na sa mga ito na gawin ang “Juan fo All, All for Juan” ng “Eat Bulaga” dahil libu-libo at milyun-milyong piso ang mga premyong ipinamimigay bukod pa sa mga regalo at door prizes na matatanggap.
Sangkatutak din ang mga nais sumali sa “The Price is Right” ni Kris Aquino sa Channel 2 at hindi na ipagtatanong pa ang interest ng mga taong naghahangad yumaman sa pagsali sa “Wil Time, Big Time” ni Willie Revillame sa TV5.
***
Nadagdagan pa ang mga game show sa pamamagitan ng “Manny’s Many Prizes” ng GMA Network na isang lingguhang palatuntunan samantalang ipapalabas sa Destiny Cable Channel 5 mula sa ika-8 ng Oktubre, 2011 mula ika-9 hanggang ika-11 ng umaga ang bagong konseptong “Show Up” na pinagbibidahan nina Chabilita, Boobay, Siomao, Jireh na ang ibig sabihin sa salitang Hebrew ay “Provider” at binansagan pang Ang Bagong Boyfriend ng Bayan, Miko Aytona, Samantha Page at Barbe.
Marami pang game show portion ang iba pang programang pantelebisyon at kahit na sa labas ng showbiz ay nagkalat ang mga ala-suwerteng gawain.
***
Ang pakiramdam ng mga tulad nina Tito, Vic & Joey o Kris o Jireh o Willie o Manny o Randy Santiago o John Estrada ay sila ang mga mag-aadya sa mahihirap at makapagliligtas sa karahupan ng sambayanan at pinaniniwalaan ito ng mga tagapanood at wala nang pag-asa.
Kahit na katiting o panandaliang tulong lang na kuwarta o munting halaga ay tama na naghihikahos at nagugutom.
Kung makikita ninyo ang mga nakapilang pobre sa mga TV station ay talagang masasabing ang hirap-hirap talaga ng buhay sa loob at labas ng showbiz.
***
Pero ano nga ba ang ugat ng kahirapan?
Sino nga ba ang nagpapahirap sa atin?
Paano nga ba tayo pinahihirapan?
Kailan tayo dapat umalma?
Ito ang mga tanong na dapat sagutin ng mga game show.
Kasabay ng pamumudmod ng mga gantimpalang materyal ay dapat isabay ang pag-iimbestiga kung bakit may ganitong larawan ang ating bansa, ang ating lipunan?