Unang asembliya ng manunulat pangkampus sa Bulacan, idinaos sa BSU


Idinaos noong Agosto 29, 2011, ang kauna-unahang panlalawigang asembliya ng Bulacan Young Writers Guild

Si Rep. Palatino, isa sa mga naging tagapagsalita sa asembliya ng BYWG.

Malolos City, Bulacan — Idinaos noong Agosto 29, 2011, ang kauna-unahang panlalawigang asembliya ng Bulacan Young Writers Guild (BYWG) sa kampus ng Bulacan State University (BSU) dito sa lungsod na ito.

Ang BYWG ay isang panlalawigang alyansa ng mga kabataang manunulat at pangkolehiyong publikasyon/pahayagan sa naturang lalawigan.

Layunin ng organisasyon na magmulat ng mga mag-aaral na kapwa mnunulat, mag organisa ng mga pangkolehiyong pahayagan at magpakilos ng mga estudyante. Kalakip din nito ang pagsulong sa karapatan ng bawat manunulat at demokratikong pamamahayag. Itinataguyod din nito ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon at kultura.

Ang naturang asembliya ay dinaluhan ng mga manunulat mula sa iba’t-ibang paaralan sa Bulacan kabilang ang The Courier ng La Consolacion University of the Philippines, The Academe ng Centro Escolar University, Vox Nostra ng Dr. Yangas’ College at The Engineers, Nurses Notes, The Mentors’ Journal, Cursor, Laurel ng BSU.

Naging tagapagsalita naman sa naturang okasyon sina Kabataan Party List Rep. Raymond Palatino, Pauleen Gidget Estrella ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).

Ipinaliwanag ni Palatino ang batas na kanilang isinusulong sa Kongreso, ang Campus Press Freedom(CPF) Bill o House Bill 4827 na siyang ipapalit sa Campus Journalism Act of 1991.

Samantala, sinabi naman ni Jose Danilo Lim, panlalawigang koordineytor ng BYWG, na dala ng kanilang organisasyon ang prinsipyong pagsusulat at pamamahayag na hindi lamang basta nag-uulat o nagpapakulong lamang sa loob ng kampus kundi tumatangan din ng tungkuling ipahayag ang katotohanan at isulong ang interes at karapatan ng malawak na mamamayan sa pamamagitan ng panulat at pamamahayag.