Kababaihan laban sa kasakiman
Sa paggunita sa unang malaking protesta kontra sa diktadurang Marcos na pinangunahan ng kababaihan noong Oktubre 28, 1983, muling dumagsa ang libong kababaihan patungong Mendiola. Kinondena nila ang kartel ng langis na kumakamal ng kasakiman ng dambuhalang mga tubo habang lugmok sa hirap at gutom ang bayan.

Mahigit 1,000 kababaihan ang nagmartsa mula Morayta patungong Mendiola noong Oktubre 28, Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan, para ipakita ang kanilang galit at disgusto laban sa umano’y patuloy na pagsuporta ng administrasyong Aquino sa malalaking korporasyon tulad na lamang ng kartel sa langis habang pinababayaan naman ang interes ng ordinaryong pamilyang Pilipino.
Ang naturang protesta ay bahagi ng pambansang protesta ng kababaihan hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mayor na mga rehiyon tulad ng Southern Tagalog, Cordillera, Cagayan Valley, Iloilo, Negros, Cebu, Davao at Caraga.
Sa naturang protesta, galit na hinatak ng kababaihan ang barikadang puno ng barbed wire sa bukana ng Mendiola at pinagbabato ng putik ang isang mural na may mukha ni Aquino at ng tinaguriang kartel sa langis, ang Shell, Petron at Chevron.
Umalingawngaw sa kainitan ng tanghali ang islogang “Noynoy Aquino, inutil! Hawak sa leeg ng oil cartel!” at bumulabog sa nagulantang na mga pulis at daan-daang taong nagdaraan sa makasaysayang tulay.

WB, ipokrito
Mariing binatikos ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na siyang nanguna sa naturang pagkilos, ang pahayag ni World Bank President Robert Zoellick na nanawagan ng “safety nets” para sa mahihirap laban sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.
“Nakapaiporkito ng pahayag na ito dahil ang mga pautang ng World Bank ang nagdidikta sa ating mga polisiyang pang-ekonomiya na siya namang nagtutulak sa mahihirap na pamilya sa lalo pang paghihirap. Sa halip na protektahan ang rekurso ng bansa, ibinubukas pa ito ng World Bank para dambungin ng mga dayuhang korporasyon,” sabi ni Linaban.
Tinukoy ni Linaban ang kabalintunaan ng paglalalaan ng gobyerno ng malaking bahagi ng pambansang badyet para sa pagbabayad ng utang sa internasyunal na institusyon tulad ng World Bank habang ang serbisyong panlipunan na dapat na natatamasa ng taumbayan ay binabawasan naman ng badyet.
“Ang conditional cash transfer (CCT) ang sagot ng World Bank pero ito rin ang lubid na sasakal sa mga mamamayan, at tinitiyak ng administrasyong Aquino na mahigpit ang pagkakatali nito,” paliwanag ni Linaban.
Sa pinakahuling resulta ng sarbey ng Social Weather Stations, umabot sa 20% ng pamilyang Pilipino ang nagugutom—ang pinakamataas sa panunungkulan ni Aquino. “Isang malinaw na indikasyon ito na ang CCT ng gobyerno ay walang silbi at mapanlinlang,” sabi pa ni Linaban.
Pinabulaanan din niya ang pahayag ni Zoellick na ang CCT ang poprotekta sa mga mamamayan at iginiit na ang matatag na hanapbuhay sa sariling bansa, disenteng sahod at nasyonalisadong ekonomiya ang tunay na poprotekta sa mga mamamayan laban sa krisis pang-ekonomiya.
“Ang CCT ay programang magtutulak lamang sa mga mamamayan sa kahinaan at pagdepende. Ito ay opyo na nag-aalis ng hapdi ng kahirapan at pumaparalisa sa mga mamamayan para manahimik; hindi nito nagagamot ang sakit,” ani Linaban.
Pagbalikwas sa kasakiman
Samantala, sinabi naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Emmi De Jesus na ito ang panahon para bumalikwas ang kababaihan laban sa pagkaganid ng mga korporasyon, sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo.
“Ang imperyalistang pandarambong kaakibat ng kawalang kakayahan ng gobyerno na tumanggi sa dayuhang pagsasamantala ang sanhi ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, serbisyo at batayang pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit hindi makatarungan ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa, kung bakit nakikipagsapalaran sa mga siyudad ang mga magsasakang walang lupa at kung bakit iniiwanan ng kababaihan ang kanilang pamilya para maging migranteng manggagawa at isugal ang kanilang kaligtasan,” ani de Jesus.
Sinabi pa ni de Jesus na bilang tagapangalaga ng buhay, dapat ilantad ng kababaihan ang “imperyalistang pandarambong” bilang ugat ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan at kahirapan na sumasalanta sa ating bansa.
“Kailangang mag-ambag ang kababaihan sa lumalagong protesta ng mga mamamayan habang nakikibaka tayong lahat para panatilihing nagliliyab ang liwanag ng buhay,” sabi pa niya.

Kontrkatuwalisasyon, wakasan
Para naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU), nakiisa sila sa martsa para ipanawagan na wakasan na ang kontraktuwalisasyon sa paggawa.
“Ang kontraktuwalisasyon ay pahirap sa lahat ng manggagawa. Nangangahulugan ito ng mababang sahod, kawalan ng benepisyo, banta sa seguridad sa trabaho at kawalan ng karapatang mag-unyon,” ayon kay Nenita Gonzaga, vice-chairperson for women’s affairs ng KMU.
Ibinigay na halimbawa ni Gonzaga ang kaso ni “Rory,” na nagtatrabaho bilang saleslady sa SM, ang pinakamalaking department store na pag-aari ni Henry Sy. Si Sy ang pinakamayamang negosyante sa bansa, ayon sa isyu ng Forbes Magazine’s noong Hunyo 2011.
Ayon kay Rory, isang buwan lamang ang kontrata ng mga manggagawang nagtatrabaho sa SM, mas malala pa sa karaniwang lima hanggang anim na buwang kontrata. Noong 2002, siyam sa sampung manggagawa sa SM ay kontraktuwal, na napasok sa trabaho sa pamamagitan ng mga ahensiya at konsesyonaryo.

“Mas malala ang sinasapit ng kababaihang manggagawa. Tinatrato sila bilang paninda,” ani Gonzaga.
“Sa SM naman at iba pang department store, hindi ka tatanggapin kapag hindi ka maganda, kapag hindi ka makapal mag-make-up. Madali kang masisilipan dahil napakaikli ng suot. Parang kami ang ginagawang pambenta,” ayon kay Rory.
Para kay Gonzaga, kailangang labanan ng kababaihang manggagawa ang kontraktuwalisasyon, na agresibong isinusulong ng administrasyong Aquino. Hinihimok umano nila ang kababaihang manggagawa na lumaban para sa kanilang karapatan at manawagan para sa disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod.
Protesta ng sampung libong babae
Ang naturang kilos-protesta ay paggunita sa pagkilos ng 10,000 kababaihan noong Oktubre 28, 1983 laban sa diktadurang Marcos. Ito umano ang isa sa nagsimula sa malalaking protesta kontra sa diktadura at hudyat ng paglaban ng kababaihan sa iba’t ibang isyu na kinakaharap nila.
“Matagal nang namatay ang diktador subalit ang krisis pang-ekonomiya at pampulitikang paninikil ay lumalala dahil sa patuloy na pagsunod ng mga nagdaang administrasyon sa imperyalistang dikta. Itinitulak ng lumalalang krisis ang kababaihan na lumaban,” sabi naman ni Linaban.