Kababaihang magsasaka na pinapalayas sa Montalban, nagpiket sa DAR
Sa paggunita ng World Rural Women’s Day, nagpiket ngayong araw sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang halos 30 kababaihang magsasaka mula sa Brgy. Mascap, Montalban, Rizal na kabilang sa mahigit isang libong magsasakang pinapalayas ng mga Araneta, pamilya ni Kal. Mar Roxas ng Department of Transportation and Communication. Kasama ng […]

Sa paggunita ng World Rural Women’s Day, nagpiket ngayong araw sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang halos 30 kababaihang magsasaka mula sa Brgy. Mascap, Montalban, Rizal na kabilang sa mahigit isang libong magsasakang pinapalayas ng mga Araneta, pamilya ni Kal. Mar Roxas ng Department of Transportation and Communication.
Kasama ng iba pang masasaka mula sa Gitnang Luzon, pinrotesta nila ang patuloy umanong kabiguan ng gobyernong Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at panukalang Charter Change. “Tutol kami sa 100% dayuhang pagmamay-ari sa lupa dahil siguradong lalo nitong mapapalayas ang mga magsasaka, at lalong mahihirapan silang magkaroon ng sariling lupa,” sabi ni Lita Mariano, pangalawang tagapangulo ng Amihan, organisasyon ng kababaihang magsasaka.

Ngayon pa lamang, matinding landgrabbing o pangangamkam sa lupa ang nararanasan ng mga magsasaka sa 1,645-ektarya ng Brgy. Mascap.
Kuwento ni Margarita Tagapan, 61-anyos na residente ng Sitio San Rafael, ipinagkaloob sa kanila ang lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program noong 1987. Binigyan siya ng Emancipation Patent, at natapos na niyang bayaran ang lupa sa Land Bank. Gayunpaman, “maaari itong mawala sa amin anumang oras,” aniya.
Ipinagkaloob ng Court of Appeals ang petisyon ng pamilya Araneta noong 1989 para i-kumbert ang lupain mula sa gamit-agrikultural tungo sa gamit-residensyal, matapos ito unang tanggihan ng DAR. Kasalukuyang nakabinbin ang kaso sa Korte Suprema.
Iginigiit ng pamilya Araneta na saklaw ang Brgy. Mascap ng Lungsod Silangan Townsite Reservation, na inutos ng gobyerno na likhain noong 1977 para sa projektong pabahay ng mga empleyado ng gobyerno.
“Ginamit ito ng mga Araneta para angkinin ang lupa. Mataas at malamig kasi sa lugar, kaya plano nila itong tayuan ng subdibisyon ng mga bahay-bakasyunan ng mayayamang taga-lungsod,” ani Zen Soriano, tagapangulo ng Amihan.

Ayon kay Tagapan, malinaw na produktibo para sa agrikultura ang lupa; nagtatanim dito ang kanyang pamilya ng palay at mais. Isang dating manggagawang-bukid sa asyenda sa Negros, naninirahan siya ng Montalban simula pa noong 1968.
Ang kapatid naman niya, ang 70-anyos na si Julia Villar, noong 1941 pa naninirahan sa Montalban. Nabili niya ang karapatan sa lupa bago pa man ito saklawin ng repormang agraryo noong 1972, sa bisa ng Presidential Decree 27. “Walang katiyakan ang buhay namin ngayon,” aniya, idinadaing na sa kanyang pagtanda pa siya papalayasin mula sa sariling lupain.
Nag-die in ang kababaihan sa harapan ng DAR para simbolikong ipakita na “kung walang lupa, kami ay mamamatay,” dagdag ni Soriano.
Ang World Rural Women’s Day, Oktubre 15, ay idineklara noong 1995 World Conference of Women sa Beijing, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng kababaihang magsasaka sa produksiyon ng pagkain at kaunlaran ng mga komunidad sa kanayunan.
Kabilang ang piket ng Amihan sa serye ng kilos-protesta na ilulunsad ng mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa simula sa susunod na linggo. Balak ng mga magsasaka na maglalakbay mula sa Gitnang Luzon, Timog Katagalugan, at Negros na i-okupa (“occupy”) ang Mendiola para igiit ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.