Suspensiyon ng Juvenile Justice Law, tinutulan


Hindi pabor ang mga indibidwal at grupo na nagtataguyod ng karapatan ng bata sa panukalang suspensiyon sa Juvenile Justice and Welfare Act. Sa press conference ngayong araw, nagpahayag ng pagkadismaya ang iba’t ibang grupo dahil kinukonsiderang amyendahan o suspendihin ang isang progresibong batas na nagtataguyod ng kagalingan ng mga batang nasasangkot sa krimen. “Hindi pa […]

Mga tagapagtaguyod ng karapatang pambata, ginamit ang imahen ng larong Angry Birds para ipahayag ang galit sa panukalang suspensiyon ng Juvenile Justice Act (Contributed Photo)

Hindi pabor ang mga indibidwal at grupo na nagtataguyod ng karapatan ng bata sa panukalang suspensiyon sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Sa press conference ngayong araw, nagpahayag ng pagkadismaya ang iba’t ibang grupo dahil kinukonsiderang amyendahan o suspendihin ang isang progresibong batas na nagtataguyod ng kagalingan ng mga batang nasasangkot sa krimen.

“Hindi pa nakakapag-ulat ang gobyerno kung paano nito naipatupad ang batas sa loob ng limang taon. Hindi pa rin na-account ang natanggap na badyet at kung paano iyon ginastos para sa pagpapatupad nito,” ani Melissa San Miguel, tagapagsalita ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns.

Tumututol din sa pag-amyenda o suspensiyon ng Juvenile Justice Law ang Humanitarian Legal Assistance Foundation, Philippine Action for Youth Offenders, Open Heart Foundation Worldwide, Inc., at Gabriela Women’s Party.

Ipinapanukala ng Senado na ibalik sa siyam na taon ang edad na may criminal liability, mula sa kasalukuyang edad na 15 taon.

Ayon sa mga grupo, ang pangunahing problema ay ang hindi pagbuhos ng sapat na badyet para sa hustong pagpapatupad ng batas. “Sa nakalipas na mga taon, ang Juvenile Justice Welfare Council ay tumatanggap ng mas mababa pa sa isang porsiyento ng kabuuang badyet ng Department of Justice,” sabi ni San Miguel.

Tinukoy din ng grupo ang kawalan ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) sa mayorya ng mga barangay sa buong bansa. Ang BCPC ay ang itinalagang mag-koordina at tumulong sa mga lokal na gobyerno sa pagbubuo ng komprehensibong plano para sa mga batang may suliranin sa batas at pangasiwaan ang pagpapatupad nito.

Sa kabuuang bilang na 39,535 mga barangay, 16,041 (o halos 40 porsiyento) lamang ang may gumaganang BCPC.

Bukod pa rito, pinuna ng mga grupo ang pagkukulang ng gobyerno na tugunan ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga batang Pilipino, na nagdudulot sa kanilang pagiging mas bulnerable na masangkot sa krimen at karahasan.

Noong 2008, nasa 35.77 porsiyento ng mga batang may edad 6 hanggang 11 at 54.4 porsiyento ng may edad 12 hanggang 15 ay mga out-of-school youth.

“Ang kanilang exposure sa buhay-lansangan ay nagiging sanhi upang madali silang magamit ng mga grupo ng sindikato…Hangga’t sila at ang kanilang pamilya ay nabubuhay sa kahirapan, ang mga krimen, gawa man ng bata o matanda, ay magpapatuloy lamang,” dagdag ni San Miguel.