Uncategorized

Lance Raymundo, mula papel ni General Emilio Aguinaldo hanggang lalaking Lady Gaga


Artista si Lance Raymundo kaya kailangang mag-eksperimento siya sa maraming bagay na maipapamalas niya sa publiko kasabay ang pagpaparating ng mga mensahe sa mga ito. Pinaghalong aktor at mang-aawit si Lance pero sa mga sandaling ito aniya, pagkanta muna ang kanyang pagtutuunan ng pansin. Kunsabagay ay may napatunayan na siya sa pag-aartista lalo na nang […]

Si Lance Raymundo (gitna) kasama sina Ching Danseco (nasa dulong kaliwa) at Eric Padilla (nasa dulong kanan)
Si Lance Raymundo (gitna) kasama sina Ching Danseco (nasa dulong kaliwa) at Eric Padilla (nasa dulong kanan)

Artista si Lance Raymundo kaya kailangang mag-eksperimento siya sa maraming bagay na maipapamalas niya sa publiko kasabay ang pagpaparating ng mga mensahe sa mga ito.

Pinaghalong aktor at mang-aawit si Lance pero sa mga sandaling ito aniya, pagkanta muna ang kanyang pagtutuunan ng pansin.

Kunsabagay ay may napatunayan na siya sa pag-aartista lalo na nang kunin siya nang personal ni Mario O’Hara nang gawin ng dakilang filmmaker ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” para sa 2010 Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.

Papel ni General Emilio Aguinaldo ang ginampanan ni Raymundo sa obra at pinuri siya hindi lang ni Mario kundi ng mga kritiko.

***

Ngayon ay Lady Gagang lalaki naman ang pinapapelan ni Lance.

At kitang-kita ito sa kanyang bagong plaka o CD na ilalabas pa sa Pebrero sa isang taon pero ngayon pa lang ay may MTV o Music for Television na ito para sa kaaliwan ng mga tao.

“Fatanas” ang pamagat ng musika ngayon ni Raymundo na ang ibig sabihin ay “fat” na “Satanas.”

Ayon kay Lance, ang sagisag ng kasamaan ay ang masibang tao na lumalaki at tumataba kaya ang kanyang moral na depenisyon ay ang pangingibabaw ng kasamaan sa lipunang ito na nagmumula sa mga “fatanas” sa hanay ng mga talent manager, pulitiko, lingkod-bayan, propesyunal na walang moralidad at pagmamahal sa kapwa.

***

Sinabi ni Raymundo na nag-uumapaw na sa mga taong masasama ang lipunan natin kaya naging inspirado siya sa paglikha ng awitin na magpapakita ng kawalang moralidad ng mga taong ito.

“Seryoso ang mensahe at pamamaraan ng music ko pero kailangang ipakita sa nakakaaliw na estilo ang video,” pahayag ni Lance na biktima na rin ng maraming pagsasamantala sa showbiz, nakikita man o nakakubli.

At ang paglalagay ng mga burloloy sa kanyang katawan ay isang bagay na nagpapaalsa sa kahulugan ng midyum at ng mensahe.

Puwede ngang gawing kampanya ng gobyerno o ng sinumang nagmamahal sa katarungan, kalayaan at kaginhawahan para sa higit na nakararami, ang piyesang ito ni Lance dahil sa pagtaginting ng tinatawag na “corporate greed” n gating lipunan sa loob at labas ng bansa.

Ang “corporate greed” nga ang inirereklamo at iniaangal ng mga nagdemonstrasyon sa Wall Street sa New York sa kanilang kilusang “Occupy Wall Street” kamakailan.

***

“Kasuwapangan po ng mga tao ang gusto kong ipakita sa ‘Fatanas’ at nais kong malaman ito ng mga Filipino,” pahayag ni Lance.

Gayunman, sinisilipan din siya ng mga pintas.

Sa YouTube kung saan nakabalandra na ang MTV ay maraming nagkokomento na bakit sinusuri at pinalalabas na masasama ang matataba.

Sa dami ng mga nakapanood, karaniwan ay kinukuwestyon ang paggamit sa matataba.

“Wala naman akong nais palabasin na ang matataba sa atin ang mga suwapang. Ano lang po ‘yon, ‘yong mga pagtaba lang ng mga suwapang na babae, lalaki at lahat ng tao,” paliwanag ni Lance.

Androgynous nga ang konsepto ng mga tauhan sa MTV dahil ayaw ni Raymundo na nakakahon lang na babae at lalaki ang mga ‘fatanas’ kundi kahit na sino.

Kaya nga ang mga back-up niyang mananayaw na sina Eric Padilla at Ching Danseco ay nakadamit-babae para sabihing walang kinikilingang kasarian ang musika.

Pati na ang mga konserbatibo at relihiyoso ay nakikialam, pagbabalita ni Lance dahil nang mag-guest siya anya nang personal sa “Master Showman, Walang Tulugan” sa GMA Network ni German Moreno na parang nakipaghalikan siya sa dalawa niyang may sungay na back-up dancer ay inari itong mahalay, isang bagay na itinatanggi ni Raymundo.

Bastat para sa kanya ay dapat nang hintuan ang pagiging ‘fatanas’ ng mga tao at maging matuwid na sa lipunang ito.