Karapatang Pantao

Mendiola, ‘binawi’ ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Human Rights Day

Muling nakarating ang protesta ng militanteng mga grupo sa makasaysayang Mendiola Bridge sa tarangkahan ng Malakanyang, sa pagdiriwang ng International Human Rights Day. Kinondena nila ang malawakang paglabag ng gobyerno sa kanilang karapatan.

Muling nakarating ang protesta ng militanteng mga grupo sa makasaysayang Mendiola Bridge sa tarangkahan ng Malakanyang, sa pagdiriwang ng International Human Rights Day.

Hindi alintana ng aabot sa 1,000 katao ang malakas na ulan na bumagsak nang papalapit na ang martsa sa Mendiola. Sa lugar na ito, noong Miyerkules, Disyembre 7, marahas na dinisers ng mga elemento ng Manila Police District ng Philippine National Police ang martsa ng kabataan, manggagawa at iba pang sektor na magkakampo sana para magprotesta kontra sa krisis, kahirapan at pagkaltas sa badyet ng serbisyong panlipunan.

“Ipinakita sa atin sa mga nagdaang araw bago ang International Human Rights Day kung paano marahas na binuwag ang mga protesta sa Mendiola ng mga kabataan, manggagawa at maralita dahil ninerbyos ang Malakanyang na magkaron ng isang ala-Wall Street na tipo ng pag-okupa sa Mendiola,” sinabi ni Jigs Clamor, deputy secretary general ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na namuno sa martsa.

Sinabi ni Clamor na sa kabila ng ipinamumukhang pagrespeto umano ng administrasyong Aquino sa karapatang pantao, lantaran pa ring nilalabag ito ng mga ahenteng panseguridad ng estado.

“Sinasangkalan at ginagamit na panangga ni Aquino ang isyung kinakaharap ni Gloria Macapagal-Arroyo upang ikubli ang kanyang mga paglabag sa karapatang pantao sa kasalukuyan, pati na ang kapabayaan sa pagharap sa malalaking problema ng ating bansa sa ilalim ng kanyang adminstrasyon,” sabi pa ni Clamor.

Para sa Karapatan, hindi maitatanggi ng kasalukuyang administrasyon na nagpapatuloy ang paghahasik ng terorismo ng estado sa pagpapatupad ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

Kapraningan

Samantala, binatikos ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ang pandarahas ng pulisya sa kanilang kabataang nais magkampo sa Mendiola.

Sa kanyang talumpati sa programa sa Mendiola nitong Disyembre 10, inihayag ni Crisostomo ang dahilan umano ng PNP para harangan sila na magkampo noong Disyembre 6 hanggang 9: Namulot ito ng “intelligence report” mula sa social networking site na Facebook. Sa naturang site, inanunsiyo ng mga militanteng grupo ang planong “pagkampo” sa Mendiola at “pagpalibot” diumano sa Malakanyang.

“Praning na praning sila sa mga mamamayan,” sabi ni Crisostomo. Mula sa kuwestiyonableng “intelligence report” na ito, nagplano ang PNP-MPD ng limang-araw na plano para “depensahan” ang Malakanyang. Kabilang na sa planong ito ang paggamit ng puwersa para itaboy ang mga kabataang aktibista na nagnanais magkampo sa paanan ng Mendiola.

Pinlano rin umano ng PNP-MPD na kasuhan ng sedition at inciting to sedition ang mga kabataang aktibista, laluna ang mga lider nito — batay na rin sa kuwestiyonableng “intelligence report” na napulot lamang sa Facebook.

May dapat ikulong, may dapat palayain

Sa naturang kilos-protesta, nanawagan ang Karapatan sa administrasyong Aquino na itulak din ang pag-uusig kay Arroyo batay sa malawakang paglabag ng huli sa karapatang pantao ng mga mamamayan noong presidente pa siya.

“Dapat lang makulong si Gloria at ang kanyang mga berdugong militar. Dapat silang managot sa mga ginawa nilang mga krimen at paglabag sa karapatang pantao. Ang hustisya ay dapat makamtan ng mga biktima,” sinabi ni Cristina Palabay, convenor ng End Impunity Alliance.

Kasabay nito, sinabi ni Palabay na kailangang isama sa paparusahan si retiradong Hen. Jovito Palparan, at iba pang mga tagapagpatupad sa militar ng madugong giyerang kontra-insurhensiya na bumiktima sa mga sibilyang aktibista at ordinaryong mamamayan.

Samantala, dapat umanong palayain na ni Aquino ang mga bilanggong pulitikal, lalo na ang mga maysakit at nakatatanda. Sabi ni Palabay, dalawa na ang namamatay na bilanggong pulitikal na di nabibigyan ng sapat na atensiyong medikal.

May mahigit 350 bilanggong pulitikal sa bansa ngayon, ayon sa Karapatan at Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (Selda).

Ilan sa mga larawan ng kilos-protesta:

Martsa patungong Mendiola. Sa harap, isang kubo na sumisimbolo umano sa madugong programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan. (Macky Macaspac)
Martsa patungong Mendiola. Sa harap, isang kubo na sumisimbolo umano sa madugong programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan. (Macky Macaspac)
Sa kabila ng malakas na ulan, nakatuntong ang mga militante at grupong pangkarapatang pantao sa Mendiola, ilang araw matapos ang sunud-sunod na pagdispers ng pulisya sa mga militanteng nagmartsa patungo sana sa lugar na ito. Ayon sa mga pulis, may "intelligence report" daw silang nagsabing planong "palibutan ang Malakanyang" ng mga militante. (KR Guda)

Nanawagan ang Karapatan at iba pang militanteng grupo na ikulong si dating pangulong Arroyo at palayain ang mga bilanggong pulitikal. (Macky Macaspac)
Nanawagan ang Karapatan at iba pang militanteng grupo na ikulong si dating pangulong Arroyo at palayain ang mga bilanggong pulitikal. (Macky Macaspac)
May suot na maskara at may dalang laruang baril, sinisimbolo nila ang "pasistang katangian" diumano ng administrasyong Aquino. Isang bata ang nakisabay sa pagmartsa ng mga nakamaskarang aktibista. (KR Guda)

Hiniling ng mga grupong maka-kalikasan ang hustisya para sa mga pinaslang na mga tagapagtanggol ng kalikasan tulad nina Leonardo Co at Dr. Gerry Ortega. (KR Guda)
Hiniling ng mga grupong maka-kalikasan ang hustisya para sa mga pinaslang na mga tagapagtanggol ng kalikasan tulad nina Leonardo Co at Dr. Gerry Ortega. (KR Guda)
Dalawang mascot: ni Pangulong Aquino at ng "imperyalismong US." (Macky Macaspac)
Dalawang mascot: ni Pangulong Aquino at ng "imperyalismong US." (Macky Macaspac)
Martsa ng mga aktibista sa ulan. (Macky Macaspac)
Martsa ng mga aktibista sa ulan. (Macky Macaspac)
Babaing aktibista, sa harap ng arko ng Mendiola Bridge. (KR Guda)
Babaing aktibista, sa harap ng arko ng Mendiola Bridge. (KR Guda)
Kahit saglit lang, nakapagtirik ng mga tent sa Mendiola ang mga kabataang aktibista. Tagumpay ito, matapos ang mararahas na pagdispers sa kanilang hanay noong Disyembre 6 at 7. (KR Guda)
Kahit saglit lang, nakapagtirik ng mga tent sa Mendiola ang mga kabataang aktibista. Tagumpay ito, matapos ang mararahas na pagdispers sa kanilang hanay noong Disyembre 6 at 7. (KR Guda)
Sa kanilang pagkampo sa Mendiola, sinikap ng mga kabataang aktibista na ihayag na "sawang sawa" na ang mga mamamayan sa "bulok na sistema" na nagpapayaman sa isang porsiyento, habang naghihirap at pinagsasamantalahan ang 99 porsiyento. (KR Guda)