Mga pelikulang Pilipino, tampok sa FACINE18 sa San Francisco, California
Sinong mag-aakalang aabutin ng labingwalong taon ang FACINE o ang Filipino American Cine Festival na itinatag ng mabunying doktor sa medisina at alagad ng sining na si Mauro Feria Tumbocon, Jr., kilala rin sa tawag na Mau o sa kanyang sagisag-panulat noong siya’y nasa Pilipinas pa na Mike Feria? Si Mike Feria ang kasapi dati […]

Sinong mag-aakalang aabutin ng labingwalong taon ang FACINE o ang Filipino American Cine Festival na itinatag ng mabunying doktor sa medisina at alagad ng sining na si Mauro Feria Tumbocon, Jr., kilala rin sa tawag na Mau o sa kanyang sagisag-panulat noong siya’y nasa Pilipinas pa na Mike Feria?
Si Mike Feria ang kasapi dati ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino nina Bienvenido Lumbera, Nicanor Tiongson, Lito Zulueta, Mike Rapatan, Tito Valiente, Benilda Santos, Gigi Javier Alfonso, Butch Francisco, Mario Hernando, Roland Tolentino at marami pang ibang naging aktibong kasapi rin ng samahan na sina Ricardo Lee, Joel David, Clodualdo del Mundo, Jr., Justino Dormiendo, Cristina Pantoja-Hidalgo, Tessa Parel, Emmanuel Reyes, Christian Ma. Guerrero, Alfred Yuson, Mario Bautista, Ellen Paglinauan, Nestor Torre, Jr., Behn Cervantes at ng mga yumao nang dating kasapi na sina Petronilo Bn. Daroy, Manny Pichel, Agustin Sotto at Pio de Castro.
Namamayagpag ngayon si Mike sa San Francisco, California at anak niya ang FACINE.
Sa taong ito, idaraos ang pestibal sa ika-17 ng Disyembre, 2011 sa Koret Auditorium ng San Francisco Main Library sa San Francisco, California at anim na piling-piling pelikulang Filipino na gawa ng mga Filipino sa Amerika at mga Filipino sa Pilipinas.
Maaaring ang mga Filipino sa US ay Fil-Am o kaya naman ay nananatiling likas na Filipino sa pagiging mamamayan ng daigdig.
Kabilang sa ipapalabas sa Sabado, sa ganap na alas onse ng umaga hanggang alas singko ng hapon, Linggo sa atin sa Pilipinas, ang aming video documentary drama na “Ang Manggagamot (The Faith Healer)” na hinggil sa ispiritwal na panggagamot sa Pilipinas.
Naratibo itong meta kung tawagin dahil ang metanarrative ay isang uri ng panitikan kung saan sumasandig rin sa mga kaugalian ng isang lugar na maaaring esotiriko.
45:30 ang haba ng aming pelikula na nagtatampok sa tatlong kasaysayan ng pantasya sa Pilipinas.
Ang lima pang obra ay ang “Drifters” (15 min, USA/Philippines, 2011) na idinirek at sinulat ni Adrian Ellis Alarilla tungkol sa second-generation Filipina American daughter na nais umalis sa lugar ng kanyang inang immigrant; “Psychedelia”(14:58 min, Cinematology Center, Philippines, 2011) na sinulat idinirek ni Joni Gutierrez tungkol sa saykadelikong paglalakbay sa pinakabuiod ng isang tao upang makibahagi sa diwa nito at magluwal ng mga tula at musika; “Conversations. Musings” (12 min, USA/Philippines, 2011) na prinodyus, idinirek at sinulat ni Adrian Ellis Alarilla tungkol sa magkasintahan na pinahiwalay ng pagpili at mga pangyayari. Ang pelikula ay may ginamit na aktwal na footage ng pagbibiyahe.
“Dolores” (76 min, Dramatis Personae, Philippines, 2009), idinirek at sinulat ni Lito Casaje tungkol sa isang batang babae parang inosente pero nagugulumihanan sa guhit na naghihiwalay sa pag-ibig at kamunduhan kung saan siya ay ipinagkanulo ng mga taong nangakong siya’y mamahalin.
Palabas din ang “Toothbrush” (23 min, USA, 2011) na nilikha ni Tonilyn A. Sideco tungkol sa pingkian ng mga panaghoy ng bida, si Cor, na humarap sa nakakasulasok na pagsubok ng mapait at masakit na ugnayan sa hindi lang tatlo o maaaring apat na babae pa na nagkaroon ng relasyon sa kanya.
At siyempre, ang “Taksikab” (114 min, Astral Productions, Philippines, 2010) na ginawa ni Archie del Mundo tungkol sa isang taxi driver na nanlumo habang nakikipagbuno sa mga kabiguang sekswal habang may inagurasyon ang bagong presidente ng bansa.
***
Panoorin ang trailers ng ilan sa mga pelikula dito:
“Drifters”
“Taksikab”
“Dolores”